26 Disyembre 2022
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59/Salmo 30/Mateo 10, 17-22
St. Stephen the Martyr by Fabrizio Santafede (1560-1623/28) from the Collection of the Museum of Fine Arts, Budapest, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Kapag hindi tumapat sa isang araw ng Linggo ang ika-26 ng Disyembre na siyang unang araw ng tinatawag na Walong Araw na Pagdiriwang o Oktaba ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang gunitain, ipagdiwang, at pasalamatan ang Diyos sa biyaya ng katapatan, kagitingan, at tagumpay ng unang martir ng Simbahan na si San Esteban. Bilang unang martir ng Simbahan, pinili ni San Esteban na maging tapat sa kanyang pananampalataya hanggang sa huli. Pinili niyang mamatay bilang martir para kay Kristo at sa Simbahan kaysa iligtas ang sarili mula sa pag-uusig dahil sinusundan, iniibig, pinananaligan, at sinasampalatayanan si Kristo.
Ang kuwento ng pagiging martir ni San Esteban ay isinalaysay sa Unang Pagbasa para sa araw na ito na inilaan ng Simbahan upang gunitain at ipagdiwang nang may taos-pusong pasasalamat at pagpupuri ang kanyang katapatan sa Panginoon. Hindi binitiwan at tinalikuran ni San Esteban ang kanyang pananampalataya. Bagkus, ang kanyang pananampalataya, pag-asa, pananalig, pag-ibig, at pagsamba sa tunay na Diyos na nagpakita ng kanyang pag-ibig sa pamamagitan ni Kristo, ang ating Mahal na Poong Jesus Nazareno, ay buong katapatan niyang ipinagmalaki at pinanindigan hanggang sa huli, kahit ang kapalit nito ay ang kanyang buhay sa mundo.
Sa Ebanghelyo, inilarawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mga pag-uusig na haharapin at titiisin ng mga nagpapasiyang maging tapat sa Kanya. Kung paanong ipinakita ng ating Poong Jesus Nazareno ang Kanyang katapatang walang maliw sa pamamagitan ng Kanyang pagdating sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas, kahit batid Niyang hindi Siya tatanggapin ng marami, gayon din naman, ang mga tunay na tapat sa Poong Jesus Nazareno ay mananatiling tapat hanggang wakas, kahit na may mga magtatakwil at uusig sa kanila dahil sa pasiyang ito. Isang halimbawa nito ay walang iba kundi ang unang martir ng Simbahan na si San Esteban.
Ipinasiya ni San Esteban na maging tapat sa Panginoong Jesus Nazareno, ang unang naging tapat sa atin, hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay sa mundo. Ito rin ba ang ating magiging pasiya?
Tinuturan tayo ng Simbahan sa araw na ito kung paano nga ba maging mga tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang mga tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay tapat sa Kanya hanggang sa huli. Si San Esteban ay isang halimbawang dapat tularan ng mga tunay na deboto ng Poong Jesus Nazareno dahil ipinasiya niyang manatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento