17 Disyembre 2022
Misa de Gallo/Simbang Gabi: Ikalawang Araw
Genesis 49, 2. 8-10/Salmo 71/Mateo 1, 1-17
Tiyak na kabisado na ng marami sa atin ang isa sa mga pinakamasikat na tugon na ginagamit para sa Panalangin ng Bayan sa tuwing ipinagdiriwang ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya: "Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin." Katunayan, ang mga salitang ito na kadalasang ginagamit bilang tugon sa Panalangin ng Bayan sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya ay maaari nating ituring na buod ng mga dahilan kung bakit marami ang mga nagpupuyat sa gabi ng ika-15 hanggang sa ika-23 ng Disyembre o kaya gumigising ng napakaaga sa madaling araw ng ika-16 hanggang sa ika-24 ng Disyembre para sa Simbang Gabi. Marami sa atin ay mayroong mga nais hilingin sa Panginoong Diyos.
Wala namang masama sa paghingi sa Diyos. Katunayan, sabi nga ni Jesus Nazareno sa isa sa Kanyang mga pangaral tungkol sa pananalangin sa Diyos: "Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo, at kayo'y makasusumpong; kumatok kayo at ang pinto'y bubuksan para sa inyo" (Mateo 7, 7; Lucas 11, 9). Hinihikayat at hinihimok tayo na idulog natin sa Panginoon ang ating mga pangangailangan at kahilingan nang may taos-pusong kababaang-loob at pananalig sa Kanya. Huwag tayong mahiyang lumapit sa Panginoong Diyos upang idulog sa Kanya ang ating mga kahilingan. Ang ating mga kahilingan ay ipagkakaloob sa atin ng Panginoong Diyos kung ang mga hinihiling natin ay para sa ating ikabubuti.
Hinihikayat tayong idulog sa Diyos ang ating mga kahilingan. Subalit, isang malaking problema para sa atin kung ang Panginoon ay ituturing nating tagatupad o tagabigay lamang ng ating mga kahilingan. Tila, parang tayo na mismo ang nagiging amo ng Diyos. Parang dinidikta na natin sa Diyos kung ano ang dapat Niyang ibigay. Parang tayo lamang ang nasa sentro. Para na tayong mga diyos-diyosan kapag ginawa natin iyan. Hindi isang genie ang Diyos na basta-basta na lamang magbibigay ng anumang ating hingin sa Kanya agad-agad.
Katunayan, kapag iyan ang ating ginawa, tila hindi na natin napapansin na mayroon rin palang hinihiling sa atin ang Panginoon. Sa sobrang pagtuon ng ating mga pansin sa mga pansariling kahilingan at naisin, nalilimutan nating mayroon rin palang hiling ang Diyos para sa atin. Diniringgin ng Panginoong Diyos ang ating mga kahilingan at panalangin kung ang mga ito ay makakabuti para sa atin. Subalit, pinapakinggan at diniringgin ba natin ang pakiusap, hiling, at samo ng Diyos para sa atin?
Nakatuon sa hiling ng Panginoong Diyos ang mga Pagbasa para sa araw na ito, ang ikalawang araw ng ating Pagsisiyam o Nobenaryo bilang Paghahanda ng ating mga sarili para sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Sa Unang Pagbasa, isang napakahalagang pahayag ang ibinigkas ni Jacob sa kanyang mga anak tungkol sa mga susunod na henerasyon ng kanilang mga angkan, lahi, at lipi. Mula sa angkan ni Juda, magmumula ang tunay na Hari (Genesis 49, 10). Ipinakilala naman sa Ebanghelyo para sa araw na ito kung sino ang tunay na Hari. Ang tunay na Hari ay walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Ang talaan ng angkang pinagmulan at kinabibilangan ng Panginoong Jesus Nazareno ay inilahad sa Ebanghelyo. Bagamat si Jesus Nazareno ay ang pinakadakila sa lahat at ang tunay na Hari, ipinasiya Niyang magpabilang sa angkang sumamba sa Kanya bilang Panginoon at Diyos. Bakit ito ang ginawa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno? Dahil sa Kanyang pag-ibig at awa.
Mayroong hiling at pakiusap para sa atin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Araw-araw Siyang kumakatok sa pintuan ng ating mga puso upang ang Kanyang hiling para sa atin ay Kanyang iparating. Ang Kanyang samo para sa atin ay maging hari Siya ng buhay natin. Nais Niyang matupad sa pamamagitan natin ang Kanyang kalooban. Si Jesus Nazareno, ang ating Panginoon at Diyos, ay nakikiusap sa atin araw-araw na tanggapin, sundin, at magpasakop tayo sa Kanya.
Diniringgin ng Panginoong Diyos ang ating mga hiling sa Kanya, kung ang mga ito ay para sa ating ikabubuti. Ang hiling ng Panginoon na ating Hari at Manunubos ay atin rin bang pakikinggan at diringgin?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento