18 Disyembre 2022
Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A)
Misa de Gallo/Simbang Gabi: Ikatlong Araw
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Roma 1, 1-7/Mateo 1, 18-24
Sueño de San José by Vicent López Portaña (1772-1850) from the Museo del Prado Collection is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Nakasentro sa mga kaganapan bago ang unang pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi si Jesus Nazareno bilang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang sabsaban ang mga Pagbasa para sa Misa ng Ikaapat at Huling Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon na mas kilala natin sa tawag na Adbiyento na tumapat rin sa ikatlong araw ng Simbang Gabi, ang ating tradisyunal na Pagsisiyam o Nobenaryo bilang paghahanda ng mga sarili natin para sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon sa ika-25 ng Disyembre, ngayong taon.
Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias kung paano Niya tutuparin ang pangako ng kaligtasan. Ang ipinangakong Manunubos na tatawaging Emmanuel ay ipanganganak ng isang dalaga (Isaias 7, 14). Darating ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos na magkakaloob ng galak at pag-asa sa tanan sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na kikilalanin bilang Emmanuel. Sa salaysay sa Ebanghelyo, ipinakilala kung sino ang Banal na Sanggol at ang dalaga sa pahayag na inilahad sa Unang Pagbasa. Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay ang dalagang tinukoy ng Diyos sa Kanyang pahayag na inilahad ni Isaias sa Unang Pagbasa. Ang Banal na Sanggol naman ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Mismong si Apostol San Pablo ang nagsabi sa Ikalawang Pagbasa na noon pa man ay inihayag na ng Diyos ang pangakong ito (Roma 1, 2). Sa pamamagitan nito, nahayag ang pagiging tapat ng Diyos. Hindi nakakalimot ang Diyos sa Kanyang pangako. Hindi nakalimutan ng Diyos ang pangakong Kanyang inihayag noon pa mang una. Ito ang tanging dahilan kung bakit ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na Siya ring Bugtong na Anak ng Diyos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay dumating sa mundong ito bilang Banal na Sanggol na ipinanganak ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at darating muli sa wakas ng panahon bilang Dakilang Hukom. Si Jesus Nazareno ay dumating at darating muli upang patunayang tapat Siya sa mga pangakong Kanyang binitiwan. Ang pagiging tapat ng Panginoon sa mga pangakong binitiwan sa ay nagdudulot ng tunay na galak at pag-asa sa tanan.
Katunayan, sa tampok na salaysay ng mga kaganapan sa Ebanghelyo, ang Diyos ay nagdulot ng tunay na galak at pag-asa na tanging sa Kanya lamang nagmumula kay San Jose. Ang lungkot at sakit na dinidibdib at dinadala ni San Jose sa kanyang puso dahil sa kumakalat na balita tungkol sa pagdadalantao ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na kanyang iniirog at sinisintang lubos ay pinawi ng Diyos sa pamamagitan ng mga salitang inihayag sa kanya ng anghel na nagpakita sa kanyang panaginip. Ang pangako ng Diyos na tutuparin Niya sa pamamagitan ni Mariang Birhen at ng Poong Jesus Nazareno ay ibinalita ng anghel kay San Jose sa panaginip. Naakit sa pagiging tapat ng Diyos si San Jose. Ito ang dahilan kung bakit tinanggap niya nang tahimik ang kalooban ng Panginoon para sa kanya. Ang puso ni San Jose na puno ng sakit at lungkot ay pinuno ng Diyos ng tunay na galak at pag-asang nagmumula sa Kanya.
Ang Diyos ay lagi nating kapiling at kasama. Siya, na lagi nating kapiling at kasama sa bawat sandali, ay tapat sa Kanyang pangako. Ang patunay ng katapatan ng Diyos na hindi magmamaliw ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, ibinubuhos ng Panginoon sa atin ang tunay na galak at pag-asang nagmumula lamang sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento