Huwebes, Disyembre 29, 2022

POONG JESUS NAZARENO: ANG TUNAY NA MASUNURIN SA KALOOBAN NG AMA

2 Enero 2023 
Paggunita sa Dakilang San Basilio at San Gregorio Nasianseno, mga Obispo at pantas ng Simbahan 
Ikatlong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
1 Juan 2, 22-28/Salmo 97/Juan 1, 19-28 

Screenshot: 19 November 2022 | Pabihis sa Poong Jesus Nazareno (11:00 AM) - Quiapo Church Facebook and YouTube Live Stream

Kapag ang araw na ito ay hindi tumapat sa araw ng Linggo dahil tumapat ang mga araw ng Pasko at Bagong Taon sa araw ng Linggo, itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa misteryo ng pagkakilanlan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang sabsaban noong gabi ng unang Pasko. Ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao upang iligtas ang sangkatauhan. Ginawa Niya ito alang-alang sa bawat isa sa atin na tunay Niyang iniibig at sinisinta.  

Bukod sa pagiging araw sa loob ng panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang araw ring ito ay ang ikatlong araw ng Pagsisiyam sa karangalan ng Panginoong Jesus Nazareno bilang paghahanda para sa nalalapit na Kapistahan ng Traslacion. Sa ikatlong araw na ito ng paghahanda para sa Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Pagsisiyam o Pagnonobena sa Kanyang karangalan, itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa Kanyang pagiging tunay na masunurin sa kalooban ng Ama. Katunayan, ipinapahiwatig ito ng bawat imahen o larawan ng Poong Señor, mapa-orihinal man na matatagpuan sa Kanyang Basilika sa Quiapo o kaya naman sa mga replika sa mga Simbahan sanman sa Pilipinas at pati na rin sa ibang mga bansa dahil sa paglaganap ng debosyon sa Kanya. 

Sa Unang Pagbasa, ipinagpatuloy ni Apostol San Juan ang pagbibigay ng mga babala tungkol sa mga anti-Kristo sa kanyang pangaral. Patuloy niyang inilarawan ang mga katangian ng mga anti-Kristo. Inilarawan ni Apostol San Juan na si Jesus Nazareno ay hindi tinatanggap ng mga anti-Kristo bilang si Kristo. Ang Kamahal-mahalang Poong Jesus Nazareno ay pinagmumukhang sinungaling upang mapabango ang mga sarili nilang pangalan. Ginagawa nilang mga Kristo ang kanilang mga sarili. Ang bawat tao ay walang awa nilang nililinlang, binubudol, at niloloko nang sa gayon ay hindi nila makilala ang tunay na Kristo na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan rin nito, ang kalooban ng Diyos ay kanilang tinututulan at itinatakwil. 

Taliwas ang mga sinisikap gawin ng mga anti-Kristo sa ginawa ni San Juan Bautista sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Buong kababaang-loob niyang ang katotohanang hindi siya ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Bagkus, tagapaghanda lamang ng daraanan ng Panginoon si Juan Bautista. Bagamat nauna siya kay Jesus Nazareno upang ihanda ang Kanyang daraanan, masasabi nating ipinakita ni San Juan Bautista ang halimbawang ipapakita ni Jesus Nazareno. Tatanggapin at susundin nang buong kababaang-loob ang kalooban ng Ama. Ang ginawa ni Juan Bautista sa Ebanghelyo para sa araw na ito ay isang pasulyap ng pagtanggap at pagtalima ng tunay at kaisa-isang Kristo na si Jesus Nazareno sa kalooban ng Ama. 

Paano natin natitiyak na si Jesus Nazareno ay ang tunay na Kristo? Ito ay dahil buong kababaang-loob Niyang tinanggap at sinunod ang kalooban ng Amang nasa langit. Ang misyong ibinigay sa Kanya ng Ama, ang misyong binuo ng Banal na Santatlo, bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat ng tao, ay Kanyang tinanggap, sinunod, at tinupad nang buong kababaang-loob. Sa pamamagian nito, inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kanyang katapatan sa kalooban ng Amang nasa langit na nagsugo sa Kanya dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Upang tubusin ang sangkatauhang tunay Niyang inibig, nanatiling masunurin sa kalooban ng Amang nasa langit ang Poong Jesus Nazareno. Ang Kanyang katapatan ay hindi huwad o peke. Bagkus, tunay ang Kanyang katapatan sa Amang nagsugo sa Kanya dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa sangkaauhan.

Itinuturo sa atin ng Simbahan sa araw na ito kung ano ang dapat nating gawin bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno. Katulad ng Poong Jesus Nazareno, dapat rin tayong maging masunurin sa kalooban ng Ama. Hangarin rin nating mahayag ang kadakilaan ng Ama sa pamamagitan ng ating pagtanggap at pagsunod sa Kanyang loobin. Maging tapat rin tayo sa kalooban ng Ama hanggang sa huli. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento