Huwebes, Disyembre 8, 2022

ANG BUKAL NG TUNAY NA GALAK AT PAG-ASA

22 Disyembre 2022 
Misa de Gallo/Simbang Gabi: Ikapitong Araw 
1 Samuel 1, 24-28/1 Samuel 2/Lucas 1, 46-56 

La Visitación (Between c. 1490 and c. 1500) by Master of Miraflores  (fl. 1480–1500) from the Museo del Prado Collection is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa pagiging bukal ng tunay na galak at pag-asa ng Panginoong Diyos. Sa Panginoong Diyos lamang natin matatagpuan ang tunay na galak at pag-asa sapagkat ang mga ito ay nagmumula lamang sa Kanya. Kahit anong gawin natin, hindi natin mahahanap ang tunay na galak at pag-asa dito sa lupa. Kung igugugol natin ang ating oras at panahon sa paghahanap sa tunay na galak at pag-asa sa mundong ito, masasayang lamang ang ating oras at panahon dahil mauuwi lamang ito sa wala. Tanging sa Panginoong Diyos lamang mahahanap at masusumpungan ang tunay na galak at pag-asa. 

Ang paksang ito ay tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito, ang ikapitong araw ng ating tradisyunal na Pagsisiyam o Nobenaryo bilang paghahanda para sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno. Inilarawan kung paanong ibinuhos ng Panginoong Diyos ang tunay na galak at pag-asang nagmumula sa Kanya sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang mga panauhing itinatampok sa mga Pagbasa para sa araw na ito ay napupuspos ng galak at pag-asa. Ang Panginoong Diyos mismo ay ang bukod-tanging dahilan kung bakit puno sila ng galak at pag-asa. 

Sa Unang Pagbasa, nagpatotoo si Ana tungkol sa ginawa ng Diyos para sa kanya. Ang kanyang pangalanging magkaroon ng anak ay dininggin at tinupad ng Panginoon. Sa pamamagitan ng pagkakaloob ng hiling ni Ana, ang Panginoong Diyos ay naghatid ng tunay na galak at pag-asa sa kanya. Ang kahanga-hangang gawang ito ng Diyos ay nagpaalala kay Ana na Siya mismo ang bukal ng tunay na galak at pag-asa. Dahil sa habag, pag-ibig, at kabutihan ng Panginoong Diyos, niloob Niyang maibuhos kay Ana ang tunay na galak at pag-asang nagmumula lamang sa Kanya. Niloob ng Diyos na maranasan ni Ana ang tunay na galak at pag-asang nagmumula lamang sa Kanya. Sa langit, ang Kanyang walang hanggan at maluwalhating kaharian, matatamasa ng bawat nagpasiyang maging tapat sa Kanya hanggang sa huli ang kaganapan nito. 

Pinatotohanan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa pamamagitan ng isang awit, ang Magnificat, kung paanong ang Panginoon ay nagdudulot ng galak at pag-asa sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang mga kahanga-hangang gawa. Ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ay mga sagisag at salamin ng tunay na galak at pag-asang nagmumula lamang sa Kanya. Subalit, sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos, isa lamang ang natatangi at nakahihigit pagdating sa kadakilaan: ipinagkaloob Niya sa lahat ang biyaya ng kaligtasan na dumating sa mundong ito sa takdang panahon sa pamamagitan ng ipinangakong Manunubos na walang iba kundi si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. Ang lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ay dakila talaga. Subalit, ang pinakadakila sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos ay walang iba kundi ang pagkakaloob ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa atin bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Dahil sa mga gawang ito ng Diyos, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen, dala sa mga sandaling yaon ang Panginoong Jesus Nazareno sa kanyang sinapupunan, ay buong galak na umawit ng papuri at pasasalamat sa Kanya. 

Hindi natin mahahanap ang tunay na galak at pag-asa sa mundong ito kung saan ang lahat ng bagay ay pansamantala lamang. Kukupas at mawawala rin ang lahat ng ito pagdating ng takdang panahon. Bagkus, tanging sa Panginoong Diyos lamang natin matatagpuan ang tunay na galak at pag-asa. Si Jesus Nazareno, ang ating Panginoon at Tagapagligtas, ay ang pinakadakilang paalala ng katotohanang ito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento