Biyernes, Disyembre 2, 2022

ANG KALIGTASANG IPINANGAKO

16 Disyembre 2022 
Misa de Gallo/Simbang Gabi: Unang Araw
Isaias 56, 1-3a. 6-8/Salmo 66/Juan 5, 33-36 

Screenshot: Simbang Gabi - December 17, 2021 (8:00 pm), Manila Cathedral Facebook and YouTube Live Stream 

Itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa biyaya ng kaligtasang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat ng tao sa Unang Araw ng tradisyunal na Pagsisiyam o Nobenaryo bilang Paghahanda para sa maringal na pagdiriwang tuwing ika-25 ng Disyembre na walang iba kundi ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, ipinapaalala sa atin ng Simbahan ang dahilan kung bakit ang Pasko ay ipinagdiriwang natin taun-taon. Dumating sa mundong ito ang Panginoong Jesus Nazareno upang ipagkaloob sa atin ang biyaya ng kaligtasan. Sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, tinupad ng Diyos ang Kanyang dakilang pangako na iligtas ang lahat ng tao. 

Sa Unang Pagbasa para sa araw na ito, inihayag ng Panginoon na malapit na Niyang tuparin at isagawa ang Kanyang pangako. Masasaksihan na rin ng lahat ang biyaya ng pagliligtas ng Panginoong Diyos (Isaias 56, 1). Sa Banal na Ebanghelyo, inihayag kung paanong tinupad ng Diyos ang pangakong ito. Ipinagkaloob ng Diyos si Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, bilang ipinangakong Manunubos. Sabi pa nga ni Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa araw na ito na ang lahat ng Kanyang mga gawa, na ipinagawa sa Kanya ng Amang nasa langit, ay nagpapatunay na Siya ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos (Juan 5, 36). Sa pamamagitan Niya, ililigtas ng Diyos ang tanan bilang pagtupad sa pangakong Kanyang binitiwan noong una. 

Dumating ang Poong Jesus Nazareno upang iligtas ang lahat ng tao. Sa pamamagitan nito, isinakatuparan ng Diyos ang Kanyang pangakong iligtas ang Kanyang bayan. Sa pamamagitan nito, nahayag ang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos para sa tanan. Ito ang aral at paalala sa atin ng Simbahan sa unang araw ng tradisyunal na Pagsisiyam o Nobenaryo bilang Paghahanda para sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang taun-taon. Sa simula ng tradisyunal nating kaugalian na isinasagawa natin taun-taon upang ang ating mga sarili ay ating mapaghandaan para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno, pinaalalahanan at iminumulat tayo ng Simbahan sa tunay na dahilan ng lahat ng ito: ang kaligtasang bigay ng Diyos sa lahat sa pamamagitan mismo ni Jesus Nazareno. Ito ang sentro ng Simbang Gabi. Ito ang dahilan kung bakit mayroong Pasko. Ito ang dahilan kung bakit masaya tayong maghahanda ng ating mga sarili sa loob ng siyam na araw o gabi. Ito lamang ang dahilan at wala nang iba. 

Mayroong pagpapalang darating. Ito ay walang iba kundi ang kaligtasang ipinangako ng Diyos. Sa panahong itinakda, dumating ang pagpapalang ito sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang paalalang hindi kinalimutan ng Diyos ang Kanyang pangakong iligtas ang tanan. Ito ang pangunahing dahilan at pakay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dumating Siya sa mundong ito hindi upang libutin lamang ito. Bagkus, dumating Siya upang ang plano ng Diyos na iligtas ang tanan ay Kanyang maisakatuparan. Ito ang patunay na Siya nga talaga ang Tagapagligtas at Mesiyas na ipinangakong ipagkakaloob ng Diyos sa lahat. 

Ang Simbahan ay mayroong isang mahalagang paalala para sa atin sa unang araw ng tradisyunal na siyam na araw o gabi ng Pagsisiyam o Nobenaryo para sa maringal na pagdiriwang ng Kapaskuhan na taun-taon nating isinasagawa bilang mga Pilipinong Katoliko. Ang ating pinaghahandaan ay walang iba kundi ang pagsasakatuparan ng dakilang plano ng Diyos na iligtas ang lahat. Ito ang pinadakilang regalo. Dumating ito sa takdang panahon sa pamamagitan ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento