Linggo, Disyembre 18, 2022

MAY PASKO DAHIL SA BANAL NA SANGGOL NA ISINILANG SA SABSABAN

25 Disyembre 2022 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno 
[Pagmimisa sa Araw]
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 (o kaya: 1, 1-5. 9-14) 

Natividade (c. 1650s) by Josefa de Obidos (1630-1684) is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age and the death of its author in 1684. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1927. 

Ang mga Pagbasa para sa Banal na Misa sa Araw ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno ay nakatuon sa paksa ng kaligtasan. Sa tulong ng mga Pagbasa para sa Misang ito, muling itinuturo at ipinapaalala sa atin ng Simbahan ang tunay na dahilan kung bakit ang Pasko ay ating ipinagdiriwang nang buong galak. Hindi tungkol sa mga palamuti o mga regalong binabalot at inilalagay sa ilalim ng mga punong pamasko (Ingles: Christmas Tree). Bagkus, ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ay tungkol sa pagkakaloob sa atin ng Diyos ng pinakadakilang regalo na walang iba kundi ang biyaya ng kaligtasan. Ang aguinaldong ito ng Diyos sa atin ay dumating sa mundong ito sa takdang panahon sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol na ipinanganak ng Mahal na Inang si Maria sa isang hamak na sabsaban. 

Sa Banal na Ebanghelyo para sa Araw ng Kapaskuhan, ang Poong Jesus Nazareno ay ipinakilala bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Si Jesus Nazareno, ang Salita ng Diyos at ang mismong Diyos na namumuhay na noon pa mang una, bago pa man likhain ang mundong ito, ay nagkatawang-tao sa panahong itinakda ng Diyos. Nang dumating ang takdang panahon, ang Salita ng Diyos na isa rin sa Tatlong Personang bumubuo sa Banal na Santatlo, ang tunay at nag-iisang Diyos, ay nagkatawang-tao at ipanganak ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang hamak na sabsaban. Sa kabila ng Kanyang kapangyarihan, ipinasiya pa rin ng Diyos na magkatawang-tao at maging isang Sanggol noong gabi ng unang Pasko sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang ating Panginoon at Tagapagligtas.  

Inilarawan sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa para sa Banal na Misa sa Araw ng Pasko ang dahilan kung bakit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dumating sa mundo bilang isang Sanggol noong gabi ng unang Pasko. Sa Unang Pagbasa, inilahad ang pangako ng pagliligtas ng Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan kung paano tinupad ng Panginoon ang pangakong ito. Ang Diyos ay dumating sa mundong ito sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol. Ang Banal na Sanggol na isinilang sa Belen ay ang Salita ng Diyos at ang Diyos na nagdudulot ng kaligtasan. Siya ang dahilan kung bakit ang mga anghel sa langit ay umawit nang buong galak at nagsitungo ang mga pastol sa Betlehem upang dalawin Siya noong gabi ng unang Pasko. 

Walang regalong makahihigit sa regalong ibinigay ng Diyos noong unang Pasko. Sa pamamagitan ng regalong kaloob ng Diyos, katulad ng sabi sa Salmo, nahayag ang Kanyang tagumpay (Salmo 97, 3k). Ang Diyos ay hindi nabigo sa Kanyang planong iligtas tayo sa pamamagitan ng Salitang nagkatawang-tao na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang kaligtasang kaloob ng Panginoong Diyos ay nagdudulot ng tagumpay, hindi lamang para sa Kanya kundi para sa lahat. Kaya, ang regalong dumating noong unang Pasko ay ang pinakadakila. 

Bakit may Pasko? Isa lamang ang dahilan kung bakit buong galak at ligaya nating ipinagdiriwang ang Pasko: ang ating Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. 

MALIGAYANG PASKO PO! 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento