Huwebes, Disyembre 1, 2022

TAGAPAGHATID NG GALAK

12 Disyembre 2022 
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe 
Zacarias 2, 14-17/Judith 13/Lucas 1, 39-47 (o kaya: 1, 26-38) 

Screenshot: "LIVE: Thanksgiving Mass for the Visit of the Image of Our Lady of Guadalupe at the Manila Cathedral" (18 January 2022), YouTube

Ang mga Pagbasa sa Misa para sa araw na ito na inilaan para sa Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe ay nakatuon sa paksa ng pagpapalaganap ng pagpapala. Sa pamamagitan ng pagpapalaganap at paghahatid ng pagpapala ng Panginoong Diyos, tayong lahat ay nagiging mga tagapaghatid ng tunay at walang maliw na kagalakang mula sa Kanya. Ito ang misyon ng Simbahan. Ito ang dapat nating gawin bilang mga Kristiyanong nananalig at sumasampalataya sa Poong Diyos. Sa pamamagitan nito, ipinapahayag natin ang ating tapat na pananalig, pag-ibig, at pananampalataya sa Diyos na Maykapal. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ni Propeta Zacarias ang pangakong binitiwan ng Diyos na maghahatid ng galak sa Kanyang bayan. Darating ang Diyos upang makapiling ang Kanyang bayan. Makikipamayan ang Diyos sa Kanyang bayan. Sa pamamagitan ng pangakong ito na tinupad Niya sa panahong Kanyang itinalaga, ang Diyos ay nagdulot ng galak sa Kanyang bayan. Sa tampok na salaysay sa Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito, inilarawan kung paanong tinupad ng Panginoong Diyos ang pangakong ito. Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na dala-dala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan na walang iba kundi si Jesus Nazareno, ang ating Panginoon at ipinangakong Tagapagligtas. 

Kaya nga, kung susuriin natin nang mabuti ang pagbati ni Elisabet sa Mahal na Inang si Mariang Birhen na inilahad sa Ebanghelyo para sa araw na ito, mayroon tayong mapapansin na detalye. Sabi ni Elisabet kay Maria sa Ebanghelyo: "Pinagpala ka sa lahat ng mga babae . . ." (Lucas 1, 42). Ang mga salitang ito na binigkas ni Elisabet sa ating Mahal na Inang si Maria sa Ebanghelyo ay mayroong pagkakahalintulad sa mga binigkas ni Uzias kay Judith na ginamit bilang isa sa mga taludtod sa Salmo para sa Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe na ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito: "Higit kang pinagpala kaysa lahat ng babae sa lupa" (Judith 13, 18). Katulad ni Judith na naghatid ng galak sa lahat ng mga Israelita sa pamamagitan ng kanyang matagumpay na pagpaslang kay Holofernes, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naging isa ring tagapaghatid ng galak na nagmumula sa Diyos dahil dinala niya sa kanyang sinapupunan ang bukal ng galak na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Diyos na nagkatawang-tao. 

Tayong lahat ay hinirang at iniatasan ng Kamahal-mahalang Poong Jesus Nazareno na ipalaganap ang galak na nagmumula sa Kanya, tulad ng Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Guadalupe. Ito ang magpapatunay na tayo'y mga tunay na deboto ng Panginoong Jesus Nazareno na tunay ngang nagmamahal, sumasamba, nananalig, at sumasampalataya sa Kanya nang buong puso't kaluluwa. Ang misyong ibinigay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa atin ay atin bang tatanggapin at tutuparin nang buong kababaang-loob at pagtalima sa Kanya? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento