Sabado, Nobyembre 26, 2022

PAGPAPALANG NAGHAHATID NG KALIGTASAN

11 Disyembre 2022 
Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A) 
Isaias 35, 1-6a. 10/Salmo 145/Santiago 5, 7-10/Mateo 11, 2-11

Saint John the Baptist in Prison Visited by Two Disciples (c. Between 1455 and 1460) by Giovanni di Paolo (1403-1482) from the Art Institute of Chicago Collection is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.  

Inilaan ang Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon sa pagninilay sa kagalakang dulot ng pagdating ng Panginoon sa lahat. Ito ang dahilan kung bakit ang Linggong ito ay tinatawag ring "Linggo ng Kagalakan" o "Linggo ng Gaudete." Ang bawat isa sa atin ay iminumulat sa kagalakang dulot ng Panginoong Jesus Nazareno sa tanan. Ang tunay na kagalakan ay nagmumula lamang sa Panginoon. Kaya naman, marapat lamang na hintayin at paghandaan natin nang may galak ang pagdating ng Panginoong Jesus Nazareno. Ang pagdating ng Poong Jesus Nazareno ay hindi isang nakakatakot na sandali kundi isang sandaling puno ng galak at pag-asa para sa mga tunay na debotong umiibig, tumatalima, nananalig, at sumasampalataya sa Kanya.

Sa mga Pagbasa para sa araw na ito, inilarawan ang kaligtasang kaloob ng Diyos sa tanan. Ito ang pagpapala ng Panginoong Diyos na pinagtutuunan ng pansin at buong kataimtimang pinagninilayan sa Linggong ito. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dumating at darating muli upang ipagkaloob ang biyaya ng Kanyang pagliligtas. Sa pamamagitan nito, ipinapalaganap ng Diyos ang tunay na kagalakan at pag-asang nagmumula sa Kanya. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos na dumating sa mundong ito sa pamamagitan ng ipinangakong Manunubos na si Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ay nagdulot ng tunay na galak at pag-asa sa lahat. 

Ang pagpapalang pagliligtas ng Panginoong Diyos ay isinalungguhit sa pahayag na inilahad sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito. Binigyang-diin sa pahayag na ito ng Diyos kung paanong Niya ipapalaganap at ihahatid sa tanan ang tunay na galak at pag-asang nagmumula sa Kanya. Ang Diyos ay naghatid ng galak at pag-asa sa lahat sa pamamagitan ng biyaya ng Kanyang pagliligtas. Ito ang Kanyang pangako. Kung tutuusin, mayroon pa ngang dagdag na pangako ang Panginoon sa Unang Pagbasa. Hindi Niya ito patatagalin pa. Tutuparin ng Diyos ang pangakong ito sa panahong Siya mismo ang nagtakda. Dagdag pa ng Panginoong Diyos, nalalapit na ang panahong kung kailan Niya ito tutuparin. Ang Kanyang pangakong ito ay tunay ngang naghatid ng galak at pag-asa sa Kanyang bayan. Sa pamamagitan ni Kristo, ang Panginoong Jesus Nazareno, tinupad ng Diyos ang pangakong ito. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Halina, Panginoong D'yos, upang kami ay matubos" (Isaias 35, 4). Napakalinaw ang pagsalungguhit ng mga salitang ito sa galak at pag-asang hatid ng pagtubos ng Panginoon. Ang biyaya ng kaligtasang nagmumula sa Diyos ay tunay ngang naghahatid ng galak at pag-asa. Si Jesus Nazareno, ang ating Panginoon at Manunubos, ay ang paalala ng biyayang ito na naghahatid ng tunay na galak at pag-asa. 

Tinalakay rin ni Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito kung paanong ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay naghahatid ng tunay na galak at pag-asa sa lahat. Ang mga salita sa pangaral ni Apostol Santo Santiago ay nagbibigay ng kapanatagan at lakas ng loob para sa bawat Kristiyano sapagkat isa lamang ang mensaheng nais niyang iparating: ang pagdating ng Panginoon ay sandali, oras, at araw ng galak at pag-asa. Ito ay dahil ipagkakaloob sa atin ang biyaya ng kaligtasan. Dahil dito, ang lahat ng mga Kristiyano ay pinakikiusapan ni Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa na manatiling tapat at maging matiyaga sa pananalig, pag-ibig, debosyon, at pananampalataya hanggang sa pagdating ng ating Panginoong si Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. 

Mga salitang nagpapanatag ng loob at nagbibigay ng galak at pag-asa sa lahat ang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa dalawang alagad ni San Juan Bautista sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Inilarawan ng Panginoong Jesus Nazareno ang lahat ng Kanyang mga ginawa na nagpapatunay dumating Siya sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan nito, pinalakas ng Panginoong Jesus Nazareno ang puso at kalooban ng Kanyang kamag-anak na si San Juan Bautista na nakabilanggo sa mga sandaling yaon. 

Hindi lamang para kay San Juan Bautista na nakabilanggo sa mga sandaling yaon ang mga salitang binigkas ni Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Bagkus, para rin ito sa lahat. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, binibigyan tayo ni Jesus Nazareno ng lakas at tibay ng loob upang manatiling tayong tapat sa ating pamamanata, pananalig, pag-ibig at pananampalataya sa Kanya. Sa pamamagitan nito, tinutulungan rin ni Jesus Nazareno ang bawat isa sa atin na mapuno ng galak at pag-asa habang ang Kanyang pagdating ay ating pinananabikan at pinaghahandaan. 

Bakit hinihimok tayong magalak? Mayroong pagpapalang darating. Ang pagpapalang naghahatid ng kaligtasan na ipinagkakaloob sa atin ng Banal na Santatlo ay darating. Sa pagdating ng pagpapalang ito na naghahatid ng kaligtasan, ang tunay na galak at pag-asang nagmumula sa Diyos ay iiral at lalaganap. Ang pagpapalang ito ay walang iba kundi ang Katamis-tamisang Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento