9 Nobyembre 2022
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22
Giacomo van Lint (1723-1790), The Basilica of Saint John Lateran, Rome (c. 1790), is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Ang Templo ng Diyos ay inilarawan sa Unang Pagbasa bilang isang bukal kung saan umaagos ang tubig papunta sa iba't ibang lugar. Ang biyaya ng Diyos ay umaagos at dumadaloy mula sa Kanyang Templo. Ito ang dahilan kung bakit sagrado ang tahanan ng Panginoong Diyos. Mula sa Kanyang tahanan, dumadaloy ang Kanyang biyaya. Bagamat ang Panginoong Diyos ay nananahan sa Kanyang maluwalhati at walang hanggang kaharian sa langit, ipinasiya Niyang manahan rin sa piling ng mga tao sa Templo upang maibuhos at matanggap ng mga tao ang Kanyang biyaya. Ang maka-langit na biyaya ng Diyos ay Kanyang pinaaagos mula sa Templo.
Kaya, gayon na lamang ang galit ni Hesus sa Ebanghelyo. Sa halip na mabighani at maakit ang mga tao sa dahilan kung bakit itinayo ang gusali ng Templo, itinuring na itong isang gusali lamang. Kinalimutan nila kung bakit itinayo ang Templo. Sa Templo, nananahan ang Diyos. Iyon nga lamang, ang puso ng mga tao ay napakalayo mula sa Diyos. Tila, wala nang halaga para sa habag at biyaya ng Diyos ang mga tao.
Sa Ikalawang Pagbasa, pinaaalalahanan ni Apostol San Pablo ang mga Kristiyano na dapat ingatan ang katawan dahil ito ang Templo ng Diyos. Ipinahiram lamang ito sa atin ng Diyos. Subalit, ang ating mga katawan ay mga templo ng Espiritu Santo. Kaya, hindi natin dapat abusuhin ang ating mga katawan. Ang ating mga katawan ay dapat ingatan nang mabuti sapagkat ang mga ito ay gusali ng Panginoong Diyos. Ang ating mga katawan ay sagrado dahil mga templo ito ng Diyos.
Hindi dapat limutin ang kasagraduhan ng tahanan ng Diyos. Ang tahanan ng Diyos ay ang bukal ng Kanyang biyaya. Mula sa tahanan ng Panginoon, umaagos ang Kanyang biyaya. Hindi lamang ito tumutukoy sa mga gusaling Simbahan, kundi sa ating lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento