Biyernes, Nobyembre 18, 2022

ANG ATING PINANANABIKAN AT PINAGHAHANDAAN

2 Disyembre 2022 
Biyernes ng Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
Isaias 29, 17-24/Salmo 26/Mateo 9, 27-31 

This image from Good News Productions International and College Press Publishing via Free Bible Images (FreeBibleimages.com) is under an Attribution-NonCommercial-NoDerivatives 4.0 International (CC BY-NC-ND 4.0) License.

Tuwing sasapit ang Panahon ng Pagdating ng Panginoon na tinatawag ring panahon ng Adbiyento, itinuturo ng Simbahan ang halaga ng paghihintay at paghahanda. Ang bawat isa sa atin ay mayroong pinananabikan at pinaghahandaan. Ipinakilala sa mga Pagbasa para sa araw na ito ang dahilan kung bakit tayo naghihintay at naghahanda, lalung-lalo na tuwing sasapit ang panahon ng Adbiyento. 

May darating. Subalit, ang darating ay hindi isang bagay. Kaya, hindi dapat tanungin kung ANO ang darating. Bagkus, ang dapat nating tanungin ay SINO. Sino nga ba ang darating? Gaano ba siya ka-espesyal? Bakit ganyan siya ka-espesyal? Bakit ba nating pinaghahandaan at hinihintay ang kanyang pagdating? Ano nga ba ang gagawin niya sa kanyang pagdating?

Inilarawan sa Unang Pagbasa ang mga mangyayari sa pagdating ng ating hinihintay at pinaghahandaan. Sa Unang Pagbasa, inihayag na makakakita ang mga bulag, ang mga bingi ay makakarinig, ang mga may kababaang-loob ay idadakila, at ang mga sinungaling, mapang-api, gahaman, at nagpapairal ng iba't ibang uri ng katiwalian sa lipunan at sa buong mundo ay parurusahan at lilipulin ng Panginoon (Isaias 29, 18-21). Ang kadiliman, katiwalian, at kasamaan ay mapapalitan ng liwanag, katarungan, kabutihan, at higit sa lahat, kabanalan. Inihayag rin ng Diyos sa Unang Pagbasa na hindi magluluwat at sasapit rin ang panahong Kanyang itinakda upang tuparin ang pangakong ito. Sa Ebanghelyo, ipinakilala kung sino ang tutupad sa pangakong ito ng Diyos sa Matandang Tipan - ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dalawang bulag na buong kababaang-loob na lumapit at nagmakaawa sa Kanya ay Kanyang pinagaling. Nakakita ang dalawang lalaking bulag dahil sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Sabi nga sa Salmong Tugunan para sa araw na ito, "Panginoo'y aking tanglaw, Siya'y aking kaligtasan" (Salmo 26, 1a). Ginawa ito ng Panginoong Jesus Nazareno noong una Siyang dumating sa sanlibutan bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Muli Niya itong gagawin sa tuwing dumarating Siya sa ating piling sa pang-araw-araw na buhay ng bawat isa sa atin at higit sa lahat sa muli Niyang pagbabalik sa wakas ng panahon bilang Dakilang Hukom ng mga nangabubuhay at nangamatay na tao. Ang masaya nating hinihintay at pinaghahandaan ay yaong bukal ng tunay na kaligtasan, katarungan, at liwanag na walang hanggan - ang Panginoong Jesus Nazareno. 

Bakit tayo nananabik at naghahanda sa panahong ito? Itinutuon ng Simbahan ang ating pansin, ang ating mga mata, ang ating mga puso, at ang ating mga isipan sa tunay na dahilan ng ating paghihintay at paghahanda. Ang tangi nating hinihintay at pinaghahandaan ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Si Jesus Nazareno na darating upang magkaloob ng tunay at walang hanggang kaligtasan, kalayaan, katarungan, at liwanag ay ating hinihintay at pinaghahandaan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento