Biyernes, Nobyembre 25, 2022

ANG NAGPAPABANAL SA BAHAY-DALANGINAN

10 Disyembre 2022 
Kapistahan ng Pagtatalaga ng Dambana ng Katedral ng Maynila 
1 Hari 8, 22-23. 27-30/Salmo 83/Juan 2, 13-22 


Sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagtatalaga sa Dambana ng Katedral ng Maynila, itinutuon ang ating pansin sa pagpapabanal sa bahay-dalanginan. Gaya ng iba pang mga Simbahan, isang banal na lugar ang Katedral ng Maynila. Isa lamang ang dahilan kung bakit banal ang mga gusaling Simbahan katulad ng Katedral ng Maynila - ang presensya ng Diyos. Ang presensya ng Panginoong Diyos ay nagpapabanal sa mga gusaling Simbahan katulad ng Katedral ng Maynila. Oo, ang Panginoong Diyos ay lagi nating kasama saan man tayo magtungo araw-araw, subalit, ang mga lugar na ito na tinatawag ring bahay-dalanginan gaya ng Katedral ng Maynila ay itinayo at itinatag upang lalo nating maramdaman ang presensya ng Diyos at maging isang pasulyap ng walang hanggang kaharian ng Diyos sa langit para sa atin. 

Ito ang dahilan kung bakit ang Panginoong Jesus Nazareno ay nagalit sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang presensya ng Diyos na nagpapabanal sa Templo ay hindi na ginalang ng mga tao. Kung ang presensya ng Panginoong Diyos na nagpapabanal sa Templo ay ginalang ni Haring Solomon sa Unang Pagbasa, kabaliktaran naman nito ang nakita ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa araw na ito na inilaan para sa taunang paggunita sa Pagtatalaga ng Dambana ng Katedral ng Maynila. Sa halip na igalang at parangalan ang presensya ng Diyos, umiral ang pandaraya, pang-aapi, at kasakiman. Taliwas ito sa pagpapakita ng paggalang sa Panginoon. 

Gaya ng sabi sa Salmo para sa araw na ito: "Ang Templo Mo'y aking mahal, D'yos na makapangyarihan" (Salmo 87, 2). Isa lamang ang dahilan kung bakit - ang presensya ng Diyos. Ang presensya ng Diyos lamang ang tanging dahilan kung bakit ang mga bahay-dalanginan ay sagrado. Sa mga bahay-dalanginan o mga gusaling Simbahang ito katulad na lamang ng Katedral ng Maynila, nananahan ang Panginoong Diyos na lagi nating kasama araw-araw. Sa mga bahay-dalanginang ito, ibinubuhos ng Diyos ang Kanyang nag-uumapaw na biyaya na tanda ng Kanyang pag-ibig, habag, at awa para sa atin. Kaya naman, ang mga bahay-dalanginang ito ay dapat pahalagahan. 

Ang presensya ng Panginoon na nagpapabanal sa mga bahay-dalanginan katulad na lamang ng Katedral ng Maynila ay dapat nating igalang at pahalagahan. Hindi rin ito tumutukoy sa mga gusaling Simbahan lamang kundi na rin sa lahat ng mga bumubuo sa Simbahang itinatag ni Kristo Hesus, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento