Huwebes, Nobyembre 17, 2022

PAGSALUBONG SA MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO

27 Nobyembre 2022 
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A) 
Isaias 2, 1-5/Salmo 121/Roma 13, 11-14a/Mateo 24, 37-44 

Leandro Bassano (1557-1622), The Last Judgment (circa 1595), from the National Museum of Western Art Collection, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This is a faithful reproduction of the said work of art. 

Taun-taon, tuwing sisimulan ang isang panibagong taon sa Kalendaryo ng Simbahan sa pamamagitan ng Unang Linggo ng Panahon ng Pagdating ng Panginoon, laging itinatampok at pinagninilayan sa Ebanghelyo ang isa sa mga pangaral ng Panginoong Jesus Nazareno tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagdating sa wakas ng panahon. Sa pamamagitan nito, ipinapaalala ng Simbahan na ang Panahon ng Adbiyento ay hindi lamang isang panahon ng paghihintay at paghahanda para sa paggunita sa Kanyang unang pagdating bilang isang munting sanggol sa sabsaban sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno tuwing sasapit ang ika-25 ng Disyembre taun-taon kundi isa ring panahon upang lalo nating mapaghandaan ang ating mga sarili para sa Kanyang Muling Pagdating sa wakas ng panahon. 

Walang sinuman sa atin sa mundong ito ang nakakaalam kung kailan magwawakas ang panahon. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na nga mismo ang nagsabi sa isa sa Kanyang mga pangaral tungkol sa paksang ito na tanging ang Amang nasa langit lamang ang nakakaalam kung kailan ang araw na iyon (Mateo 24, 36). Sa Kanyang pangaral tungkol sa nasabing paksa na inilahad sa Ebanghelyo para sa Linggong ito, inihalintulad pa nga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa araw at oras ng pagdating ng baha noong panahon ni Noe at maging sa oras ng pagdating ng magnanakaw sa gabi ang Kanyang Ikalawang Pagdating sa wakas ng panahon (Mateo 24, 37-39. 42-44). Sa pamamagitan ng mga paghahalintulad na ito, idinidikit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang isa sa mga mahahalagang detalye tungkol sa Kanyang pagdating bilang Dakilang Hukom sa wakas ng panahon. Hindi malalaman ng sinumang tao sa mundong ito kung kailan ang araw at oras ng Kanyang Ikalawang Pagdating. Hindi taglay ng sinumang tao sa mundong ito ang kakayahang alamin at hulaan nang tama kung kailan nga ba talaga iyon. 

Dahil walang sinuman sa mundong ito ang nakababatid kung kailan nga ba talaga ang nasabing araw at oras, ipinapaalala ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang halaga ng pagiging handa sa lahat ng oras. Kinakailangan nating gamiting mabuti ang bawat oras at araw sa paghahanda ng ating mga sarili para sa pagdating ng Poong Señor Jesus Nazareno bilang Dakilang Hukom. Kung nais nating salubungin nang may taos-pusong  galak at pag-ibig ang Panginoong Jesus Nazareno sa Kanyang Muling Pagdating, kailangan nating ilaan ang bawat oras at araw na ibinibigay sa atin upang mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanya bilang paghahanda para sa araw at oras ng Kanyang Pagdating. 

Inilarawan ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa ang lahat ng mga ibinunyag sa kanya ng Panginoong Diyos sa isang pangitain tungkol sa mga huling araw. Ang mga huling araw ay inilarawan ni Propeta Isaias bilang panahon ng galak, kaligtasan, liwanag, at kapayapaan para sa lahat. Ang dahilan nito ay walang iba kundi ang Diyos. Dahil sa Diyos, magkakaroon ng galak, kaligtasan, liwanag, at kapayapaan ang lahat ng mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Dagdag pa nga ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, nalalapit na rin ang panahong ililigtas ng Panginoon ang mga tapat sa Kanya hanggang sa huli. Sa pagdating ng Nazarenong si Kristo Hesus, ang lahat ng mga magpapasiyang maging tapat sa Kanya hanggang sa huli ay hindi Niya pagkakaitan ng walang hanggang biyaya. Bagkus, biyayaan sila ng Poong Señor ng walang hanggang galak, pag-asa, kaligtasan, liwanag, kapayapaan, at buhay. 

Sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D'yos" (Salmo 121, 1). Ito ang nais ng Panginoong Jesus Nazareno para sa bawat isa sa atin na umiibig, nagpupuri, nagpapasalamat, at sumasamba sa Kanya. Pagdating ni Jesus Nazareno, ano ang makikita Niya sa ating mga puso? Galak dahil tayong lahat ay Kanyang ililigtas at isasama sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit magpakailanman? 

Hindi natin alam kung kailan darating muli ang Panginoong Jesus Nazareno. Subalit, dapat nating panabikan at paghandaan ang Kanyang Muling Pagdating sapagkat ang biyaya ng Kanyang walang hanggang pagliligtas, liwanag, galak, at buhay ay Kanyang ipagkakaloob sa mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli. Ang mga tunay na deboto ng Poong Jesus Nazareno ay buong galak na nananabik at naghahanda ng kanilang mga sarili nang mabuti para sa Kanyang pagdating. Hindi nila binabalewala ang bawat araw at oras na ibinibigay sa kanila ng Mahal na Poong Jesus Nazareno upang paghandaan ang kanilang mga sarili para sa Kanyang pagdating. Araw-araw silang nagsisikap tahakin ang landas ng kabanalan bilang pagsasabuhay ng kanilang taos-pusong debosyon, pag-ibig, pagpuri, pasasalamat, at pagsamba sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento