8 Disyembre 2022
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-Linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38
The Virgin of the Immaculate Conception (c. 1660) from the Workshop of Bartolome Esteban Murillo (1617-1682) courtesy of the Walter Arts Museum is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Ang sandaling isinesentro sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito ay isa lamang patunay na tunay ngang nakikinig ang Diyos. Pinakikinggan ng Diyos ang mga daing, samo, at hiling ng Kanyang bayan. Bilang tugon sa mga daing at samo ng bayan Niyang nasadlak, nalugmok, at nabihag sa ilalim ng mga makapangyarihang puwersa ng kasalanan, kadiliman, at kamatayan, ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob sa lahat ang biyaya ng Kanyang kaligtasan. Ginamit ng Panginoong Diyos ang Kanyang kapangyarihan upang iligtas, palayain, at liwanagan ang sangkatauhan. Sinimulan ng Diyos na isakatuparan ang planong ito sa pamamagitan ng sandaling itinatampok at ginugunita ng Simbahan sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang sa napakaespesyal na araw na ito: ang Kalinis-Linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria.
Sa salaysay ng pagkalugmok ng tao sa kasalanan na inilahad sa Unang Pagbasa, ang pakikinig ng Diyos ay binigyan ng pansin. Bagamat alam ng Panginoong Diyos na ang Kanyang utos ay sinuway nina Adan at Eba, nakinig muna Siya. Ang Diyos ay nakinig muna sa paliwanag nina Adan at Eba tungkol sa dahilan ng kanilang pagsuway sa utos na huwag kainin ang ipinagbabawal na bunga. Hindi nila maipagkakaila sa Diyos na sinuway nila ang Kanyang utos. Subalit, pinakinggan muna sila ng Diyos bago Niya isinagawa ang Kanyang hatol. Oo, pinalayas ng Panginoon sina Adan at Eba mula sa Halamanan ng Eden bilang parusa sa kanilang pagsuway sa Kanyang utos. Subalit, sa kabila ng pagpapalayas kina Adan at Eba mula sa Halamanan ng Eden, binigyan Niya ng pag-asa ang sangkatauhan. Ang nang-hikayat sa tao na suwayin ang Diyos ay dudurugin at tatalunin balang araw. Ililigtas ng Diyos ang sangkatauhan mula sa mga puwersa ng demonyo, ang prinsipe ng kadiliman at kasalanan, na nanlinlang at nang-alipin sa lahat sa pamamagitan ng pagdurog sa kanyang ulo. Ang mga tanikala dulot ng pagkabihag sa ilalim ng demonyo ay tatanggalin ng Panginoon mula sa atin. Ang pangakong ito ay natupad sa panahon ng Bagong Tipan sa pamamagitan ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Bago dumating ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mundo upang iligtas tayo sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay, hinirang muna ng Ama ang babaeng magiging bukod na pinagpala sa lahat ng mga babae upang maging Kanyang Ina. Ang hinirang ng Diyos upang maging tagapagdala ng ipinangakong Mesiyas ay walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Ang Nazarenang si Mariang Birhen ay itinalaga ng Diyos upang maging bagong Kaban ng Tipan at unang Tabernakulo nang sa gayon ay matupad Niya ang Kanyang tugon sa daing, hiling, at samo ng tanan na tubusin sila mula sa pagkaalipin sa kasalanan, kadiliman, at kamatayan. Dahil sa pag-ibig, habag, at awa ng Diyos, ipinasiya Niyang iligtas ang sangkatauhan. Kaya naman, ang unang bahagi ng planong binuo ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan ay ang pagligtas sa Mahal na Birheng Maria mula sa bahid ng kasalanan bago siya isilang sa lupa. Sa pamamagitan nito, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen na Kanyang pinili't hinirang ay ginawa Niyang marapat maging Ina ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Kaya naman, ang bati ng Arkanghel San Gabriel sa Mahal na Inang si Mariang Birhen sa salaysay ng Anunsasyon o ang Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon na itinampok sa Ebanghelyo para sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay nagsimula nang ganito: "Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos! Sumasaiyo ang Panginoon!" (Lucas 1, 28). Ang mga salitang ito ay pagkilala sa babaeng hinirang ng Diyos sa lahat ng mga babae sa kasaysayan ng mundo upang maging unang Tabernakulo at Bagong Kaban ng Tipan. Ang babaeng ito mula sa bayan ng Nazaret na itinalaga ng Diyos upang maging Ina ng Panginoong Jesus Nazareno ay nagbigay naman ng taos-puso niyang pagtalima sa Kanya bilang tugon sa paghirang at pagtalaga sa kanya ng Diyos (Lucas 1, 38).
Pinatotohanan naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa para sa araw na ito ang kagandahang-loob ng Panginoon. Sabi ni Apostol San Pablo na itinalaga tayo bilang mga anak ng Diyos dahil sa Kanyang kagandahang-loob na nahayag sa lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Niloob Niyang makipag-isa tayo kay Hesus upang maging Kanyang mga anak dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob (Efeso 1, 4-5). Ang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob ng Diyos na inihayag sa lahat ng Poong Jesus Nazareno ay ang dahilan kung bakit Niya tayo iniligtas. Ito rin ang dahilan kung bakit bago Niya ipagkaloob ang Poong Jesus Nazareno bilang ating Tagapagligtas at Mesiyas, iniligtas muna Niya mula sa bahid ng kasalanan ang Mahal na Inang si Mariang Birhen.
Dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob, pinakinggan ng Diyos mula sa kalangitan ang mga daing, samo, at hiling ng Kanyang bayan na iligtas sila. Bilang tugon, ipinagkaloob Niya si Jesus Nazareno upang maging ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan. Subalit, bago Niya ipinagkaloob si Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang babaeng Kanyang hinirang at itinalaga upang dalhin sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan si Jesus Nazareno na walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen, ay iniligtas Niya mula sa bahid ng kasalanan. Sa pamamagitan ng kahanga-hangang gawang ito, inihayag ng Panginoong Diyos na lagi Siyang nakikinig sa atin.
Mabuti pa ang Diyos, pinakikinggan tayo. Tayo ba, nakikinig rin ba tayo sa Kanya? Ang ating mga puso at isipan ba ay laging bukas sa Kanya? Ang ating debosyon sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay naipapakita rin ba natin sa pamamagitan ng pakikinig at pagtalima sa Kanya?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento