Huwebes, Oktubre 29, 2020

TULUNGAN NATIN ANG MGA KAPATID NATING YUMAO SA PAMAMAGITAN NG PANALANGIN

2 Nobyembre 2020 
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
[Ang mga Pagbasa ay mula sa Pangkat ng mga Pagbasa na matatagpuan sa bilang 1031-1035] 
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 25/Filipos 3, 20-21/Juan 11, 17-27 (o kaya: 11, 21-27) 



Ang araw na ito ay inilaan sa pag-alala sa mga Yumaong Kristiyano. Ang araw na ito ay inilaan sa pag-aalay ng mga panalangin para sa mga kapatid nating yumao, lalung-lalo na ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo. Inaalala natin sa ating mga panalangin sa araw na ito ang lahat ng mga nauna na sa atin. Subalit, hindi lang ito dapat gawin tuwing sasapit ang panahon ng Undas, lalung-lalo na ang araw na ito. Bagkus, ito'y dapat nating ginagawa araw-araw. Pero bakit? Ano nga ba talaga ang halaga ng pananalangin para sa mga kapatid nating lumisan na sa daigdig na ito? 

Sa Unang Pagbasa, si Judas Macabeo ay naglikom ng mga kaloob upang ihandog bilang pantubos sa kasalanan. Iyan ay dahil naniwala siyang muling mabubuhay ang mga patay (2 Macabeo 12, 43). Sa Ikalawang Pagbasa, sinabi ni Apostol San Pablo na ang ating mga katawang-lupa ay babaguhin at magiging maluwalhati tulad ng Panginoong Hesukristo (Filipos 3, 21). Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus kay Santa Marta na Siya ang Muling Pagkabuhay at ang buhay (Juan 11, 25). 

Iyan ang dahilan kung bakit nananalangin tayo para sa mga pumanaw na. Iyan rin ang dahilan kung bakit hindi tayo dapat manalangin para sa mga kapatid nating yumao tuwing sasapit ang Undas lamang. Ang pananalangin para sa mga kapatid nating yumao ay hindi lamang dapat gawin tuwing sasapit ang panahon ng Undas. Bagkus, ito ay pagsikapan nating gawin araw-araw. Tulad ng bawat isa sa atin, umaaasa at nananalig ang mga yumao nating kapatid, lalo na ang mga kaluluwa sa Purgatoryo, sa pangako ng Panginoong Diyos na makakamit nila ang buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit balang araw. Nananalig at umaasa sila sa pangako ng Muling Pagkabuhay. 

Katulad nating lahat, ang mga kapatid nating yumao, lalo na ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo, ay umaaasa na sila'y muling mabubuhay sa piling ng Panginoon. Umaaasa at nananalig sila na makakamit nila ang pangako ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit ngayong nagwakas na ang kanilang buhay sa daigdig na ito. Tulungan natin sila sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga panalangin para sa kanila, hindi lamang tuwing panahon ng Undas, kundi sa bawat araw ng ating buhay dito sa mundo. 

Martes, Oktubre 27, 2020

MAY PAGKAKATAON TAYONG MAGING BANAL

1 Nobyembre 2020 
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a 


Maraming kinikilalang Santo at Santa sa Simbahan. Hindi na mabilang ang mga taong kinikilala at itinatampok ng Simbahan bilang mga Santo at Santa. Ang bilang ng mga tao sa hanay ng mga banal ay napakalaki. Subalit, kung mayroon silang iisang katangian ang mga banal na taong ito, ito ay ang pagiging tapat hanggang sa huli. Nanatili silang tapat sa Diyos hanggang sa huli. Tiniis nila ang lahat ng mga pag-uusig at pagsubok sa buhay. Kahit ilang ulit nila itong hinarap at tiniis sa buhay, hindi nila isinuko ang kanilang pananalig at pananampalataya sa Diyos. 

Ito ang binigyan ng pansin sa wakas ng Unang Pagbasa. Ang lahat ng mga taong nagpuri sa Kordero na nakita ni San Juan sa kanyang pangitain ay nanatiling tapat hanggang sa huli (Pahayag 7, 9). Sila ay naging tapat sa Kordero sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Ilang ulit man silang nalagay sa panganib, pinili nilang maging tapat sa Panginoon. Ibinigay nila sa Panginoon ang kanilang katapatan hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay sa daigdig. 

Paano natin makikilala ang mga tunay na matapat sa Diyos? Ano nga ba ang mga katangian ng mga tunay na matapat sa Panginoon hanggang sa huli? Inilarawan ni Hesus sa Ebanghelyo ang mga katangian ng mga tunay na matapat sa Kanya. Ilan sa mga katangian ng mga tunay na matapat sa Panginoon hanggang sa huli ay umaaasa sa Kanya, may malinis na puso, mahabagin, may kababaang-loob, at nananatili sa Kanyang panig sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. 

Sabi ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay tinatawag ng Diyos bilang maging Kanyang mga anak (1 Juan 3, 1). Ang bawat isa sa atin ay itinuturing ng Diyos bilang Kanyang mga anak. Dahil dito, tayong lahat ay tinatawag ng Diyos upang maging banal. Iyan ang tawag ng Diyos sa atin. Ang bawat isa sa atin ay itinuturing ng Diyos bilang Kanyang mga anak. Kaya naman, nararapat lamang na pagsikapan nating mamuhay nang banal. 

Ang bawat isa sa atin ay may pagkakataong mapabilang sa hanay ng mga banal na tao ng Simbahan. Habang nabubuhay pa tayo sa daigdig, may pagkakataon pa tayong mamuhay nang banal. 

Sabado, Oktubre 10, 2020

HUWAG BALEWALAIN ANG KABUTIHAN NG DIYOS

11 Oktubre 2020
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 25, 6-10a/Salmo 22/Filipos 4, 12-14. 19-20/Mateo 22, 1-14 (o kaya: 22 1-10) 


Tinalakay sa mga Pagbasa ang kabutihang-loob ng Diyos. Ang Panginoong Diyos ay may kagandahang-loob. Katunayan, lagi Niya itong ipinapakita sa atin. Walang sandali sa kasaysayan kung saan hindi ipinamalas ng Panginoon ang Kanyang kabutihan. Hindi Siya tumitigil sa pagpapakita ng Kanyang kagandahang-loob sa bawat isa sa atin. Magmula noong magsimula ang panahon, paulit-ulit na ipinakita ng Diyos ang Kanyang kabutihan. 

Sa Unang Pagbasa, nagsalita si propeta Isaias tungkol sa kabutihan ng Diyos. Ang Diyos ay gagawa ng isang piging at aanyayahan Niya ang lahat ng bansa. Isang piging ang paghahandaan Niya para sa lahat. Ang bawat tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig ay aanyayahan Niya sa Kanyang piging. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo sa pamamagitan ng mga salitang ito, "Magagawa ko ang lahat ng bagay dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo" (Filipos 4, 13). Nahahayag sa pamamagitan nito ang kabutihan ng Panginoon. Ang bawat isa sa atin ay pinalalakas ng Diyos. Sa Ebanghelyo, inilarawan sa pamamagitan ng isang talinghaga ang kabutihan ng Diyos. Inaanyayahan ng Diyos ang lahat ng tao. 

Pero, ipinapaalala ni Hesus sa Ebanghelyo na hindi dapat binabalewala o abusuhin ang kabutihan ng Diyos. Ang kagandahang-loob ng Panginoong Diyos ay hindi dapat maliitin ninuman. Iyan ang ginawa ng taong hindi nakadamit pangkasal sa huling bahagi ng talinghaga ni Kristo. Minaliit niya ang paanyaya ng hari. Hindi niya pinahalagahan ang kabutihan ng hari. Hindi siya tumugon sa paanyaya ng hari ng maayos. Hindi niya sineryoso ang kabutihan ng hari. Iyan ang babala ni Kristo sa bawat isa sa atin. Parurusahan ng Panginoon ang mga hindi nagpapahalaga sa Kanyang kabutihan. Oo, mayroon pa tayong panahon upang imulat ang ating mga sarili sa halaga ng Kanyang kabutihan, pero paunti ito ng paunti. Kaya naman, imulat natin ang ating mga sarili sa halaga ng kabutihan ng Panginoon habang may oras pa tayo dito sa daigdig. 

Habang may natitira pa tayong panahon dito sa mundo, imulat natin ang ating mga mata, puso, at buong sarili sa halaga ng kabutihan ng Diyos. Huwag natin itong balewalain o maliitin. Pahalagahan natin ang kagandahang-loob ng Diyos. 

Sabado, Oktubre 3, 2020

KINIKILALA AT TINATANGGAP NG MGA TAPAT NA LINGKOD

4 Oktubre 2020
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 5, 1-7/Salmo 79/Filipos 4, 6-9/Mateo 21, 33-43 

From: Sweet Publishing / FreeBibleImages.com

Sa wakas ng Ebanghelyo para sa Linggong ito, sinabi ni Hesus na ang Diyos ay maghahari sa mga maglilingkod sa Kanya nang buong katapatan (Mateo 21, 43). Ang paglilingkod sa Panginoon nang buong katapatan ay patunay na kinikilala at tinatanggap ng bawat isa ang Kanyang paghahari. Sa pamamagitan ng matapat na paglingkod sa Diyos, inihahayag ng bawat isa ang kanilang pahintulot sa Kanya upang maghari sa kanilang puso. Pinapahintulot rin nila na mangyari ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan nila. 

Inihayag naman sa Unang Pagbasa ang kabaligtaran ng mga salitang namutawi mula sa mga labi ni Kristo sa Ebanghelyo. Ang mga mamamatay-tao at mapang-api ay hindi kumikilala at tumatanggap sa paghahari ng Diyos. Ang mga utos at loobin ng Diyos ay hindi nila tinatanggap. Hindi nila binubuksan ang kanilang mga puso at sarili sa Panginoon upang maghari sa kanilang mga puso. Ang mga utos ng Diyos ay hindi nila sinusundan o tinatanggap. Walang lugar o puwang ang Diyos sa kanilang puso. Hindi nila tinatanggap ang Diyos bilang hari ng kanilang buhay. 

Tayong lahat ay tinatanong sa Linggong ito - tinatanggap ba natin ang paghahari ng Diyos? Tatanggapin ba natin ang Diyos bilang ating hari? Kung iyan ang ating hangarin, gawin natin ang sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo. Paglingkuran natin ang Diyos nang buong katapatan. Huwag tayong tumigil sa paglingkod sa Kanya nang buong katapatan. Maging tapat tayo sa Kanya. Kapag gagawin natin iyan, sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na makakapiling natin ang Diyos. Ang presensya ng Panginoon ay mamamalagi sa atin saanman tayo magtungo. 

Kung nais nating pagharian tayo ng Diyos, patunayan natin ang ating pagkilala at pagtanggap sa Kanya. Paglingkuran natin Siya nang buong katapatan hanggang sa huli. Kapag iyan ang ginawa natin, pinahihintulutan natin Siyang maging ating hari. Kung maglilingkod tayo sa Diyos nang buong katapatan, Siya'y maghahari sa ating puso at sa ating buhay.