4 Oktubre 2020
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 5, 1-7/Salmo 79/Filipos 4, 6-9/Mateo 21, 33-43
Sa wakas ng Ebanghelyo para sa Linggong ito, sinabi ni Hesus na ang Diyos ay maghahari sa mga maglilingkod sa Kanya nang buong katapatan (Mateo 21, 43). Ang paglilingkod sa Panginoon nang buong katapatan ay patunay na kinikilala at tinatanggap ng bawat isa ang Kanyang paghahari. Sa pamamagitan ng matapat na paglingkod sa Diyos, inihahayag ng bawat isa ang kanilang pahintulot sa Kanya upang maghari sa kanilang puso. Pinapahintulot rin nila na mangyari ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan nila.
Inihayag naman sa Unang Pagbasa ang kabaligtaran ng mga salitang namutawi mula sa mga labi ni Kristo sa Ebanghelyo. Ang mga mamamatay-tao at mapang-api ay hindi kumikilala at tumatanggap sa paghahari ng Diyos. Ang mga utos at loobin ng Diyos ay hindi nila tinatanggap. Hindi nila binubuksan ang kanilang mga puso at sarili sa Panginoon upang maghari sa kanilang mga puso. Ang mga utos ng Diyos ay hindi nila sinusundan o tinatanggap. Walang lugar o puwang ang Diyos sa kanilang puso. Hindi nila tinatanggap ang Diyos bilang hari ng kanilang buhay.
Tayong lahat ay tinatanong sa Linggong ito - tinatanggap ba natin ang paghahari ng Diyos? Tatanggapin ba natin ang Diyos bilang ating hari? Kung iyan ang ating hangarin, gawin natin ang sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo. Paglingkuran natin ang Diyos nang buong katapatan. Huwag tayong tumigil sa paglingkod sa Kanya nang buong katapatan. Maging tapat tayo sa Kanya. Kapag gagawin natin iyan, sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na makakapiling natin ang Diyos. Ang presensya ng Panginoon ay mamamalagi sa atin saanman tayo magtungo.
Kung nais nating pagharian tayo ng Diyos, patunayan natin ang ating pagkilala at pagtanggap sa Kanya. Paglingkuran natin Siya nang buong katapatan hanggang sa huli. Kapag iyan ang ginawa natin, pinahihintulutan natin Siyang maging ating hari. Kung maglilingkod tayo sa Diyos nang buong katapatan, Siya'y maghahari sa ating puso at sa ating buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento