2 Nobyembre 2020
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano
[Ang mga Pagbasa ay mula sa Pangkat ng mga Pagbasa na matatagpuan sa bilang 1031-1035]
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 25/Filipos 3, 20-21/Juan 11, 17-27 (o kaya: 11, 21-27)
Ang araw na ito ay inilaan sa pag-alala sa mga Yumaong Kristiyano. Ang araw na ito ay inilaan sa pag-aalay ng mga panalangin para sa mga kapatid nating yumao, lalung-lalo na ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo. Inaalala natin sa ating mga panalangin sa araw na ito ang lahat ng mga nauna na sa atin. Subalit, hindi lang ito dapat gawin tuwing sasapit ang panahon ng Undas, lalung-lalo na ang araw na ito. Bagkus, ito'y dapat nating ginagawa araw-araw. Pero bakit? Ano nga ba talaga ang halaga ng pananalangin para sa mga kapatid nating lumisan na sa daigdig na ito?
Sa Unang Pagbasa, si Judas Macabeo ay naglikom ng mga kaloob upang ihandog bilang pantubos sa kasalanan. Iyan ay dahil naniwala siyang muling mabubuhay ang mga patay (2 Macabeo 12, 43). Sa Ikalawang Pagbasa, sinabi ni Apostol San Pablo na ang ating mga katawang-lupa ay babaguhin at magiging maluwalhati tulad ng Panginoong Hesukristo (Filipos 3, 21). Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus kay Santa Marta na Siya ang Muling Pagkabuhay at ang buhay (Juan 11, 25).
Iyan ang dahilan kung bakit nananalangin tayo para sa mga pumanaw na. Iyan rin ang dahilan kung bakit hindi tayo dapat manalangin para sa mga kapatid nating yumao tuwing sasapit ang Undas lamang. Ang pananalangin para sa mga kapatid nating yumao ay hindi lamang dapat gawin tuwing sasapit ang panahon ng Undas. Bagkus, ito ay pagsikapan nating gawin araw-araw. Tulad ng bawat isa sa atin, umaaasa at nananalig ang mga yumao nating kapatid, lalo na ang mga kaluluwa sa Purgatoryo, sa pangako ng Panginoong Diyos na makakamit nila ang buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit balang araw. Nananalig at umaasa sila sa pangako ng Muling Pagkabuhay.
Katulad nating lahat, ang mga kapatid nating yumao, lalo na ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo, ay umaaasa na sila'y muling mabubuhay sa piling ng Panginoon. Umaaasa at nananalig sila na makakamit nila ang pangako ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit ngayong nagwakas na ang kanilang buhay sa daigdig na ito. Tulungan natin sila sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga panalangin para sa kanila, hindi lamang tuwing panahon ng Undas, kundi sa bawat araw ng ating buhay dito sa mundo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento