1 Nobyembre 2020
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a
Maraming kinikilalang Santo at Santa sa Simbahan. Hindi na mabilang ang mga taong kinikilala at itinatampok ng Simbahan bilang mga Santo at Santa. Ang bilang ng mga tao sa hanay ng mga banal ay napakalaki. Subalit, kung mayroon silang iisang katangian ang mga banal na taong ito, ito ay ang pagiging tapat hanggang sa huli. Nanatili silang tapat sa Diyos hanggang sa huli. Tiniis nila ang lahat ng mga pag-uusig at pagsubok sa buhay. Kahit ilang ulit nila itong hinarap at tiniis sa buhay, hindi nila isinuko ang kanilang pananalig at pananampalataya sa Diyos.
Ito ang binigyan ng pansin sa wakas ng Unang Pagbasa. Ang lahat ng mga taong nagpuri sa Kordero na nakita ni San Juan sa kanyang pangitain ay nanatiling tapat hanggang sa huli (Pahayag 7, 9). Sila ay naging tapat sa Kordero sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Ilang ulit man silang nalagay sa panganib, pinili nilang maging tapat sa Panginoon. Ibinigay nila sa Panginoon ang kanilang katapatan hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay sa daigdig.
Paano natin makikilala ang mga tunay na matapat sa Diyos? Ano nga ba ang mga katangian ng mga tunay na matapat sa Panginoon hanggang sa huli? Inilarawan ni Hesus sa Ebanghelyo ang mga katangian ng mga tunay na matapat sa Kanya. Ilan sa mga katangian ng mga tunay na matapat sa Panginoon hanggang sa huli ay umaaasa sa Kanya, may malinis na puso, mahabagin, may kababaang-loob, at nananatili sa Kanyang panig sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.
Sabi ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay tinatawag ng Diyos bilang maging Kanyang mga anak (1 Juan 3, 1). Ang bawat isa sa atin ay itinuturing ng Diyos bilang Kanyang mga anak. Dahil dito, tayong lahat ay tinatawag ng Diyos upang maging banal. Iyan ang tawag ng Diyos sa atin. Ang bawat isa sa atin ay itinuturing ng Diyos bilang Kanyang mga anak. Kaya naman, nararapat lamang na pagsikapan nating mamuhay nang banal.
Ang bawat isa sa atin ay may pagkakataong mapabilang sa hanay ng mga banal na tao ng Simbahan. Habang nabubuhay pa tayo sa daigdig, may pagkakataon pa tayong mamuhay nang banal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento