Lunes, Oktubre 28, 2019

PANATAG SA PILING NG PANGINOON

2 Nobyembre 2019 
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
(Ang mga sumusunod na Pagbasa ay isa sa mga pangkat ng mga Pagbasa na maaaring pagpilian para sa araw na ito. Tingnan ang mga pagbasa sa mga bilang 1031-1035 sa Leksyonaryo - Salita ng Diyos)
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 103/Roma 8, 31b-35. 37-39/Mateo 11, 25-30 


"Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo?" (8, 35) Ito ang tanong na pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Katunayan, siya na rin mismo ang sumagot sa tanong na ito sa mga huling talata ng Unang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Pablo na walang sinuman o anumang bagay dito sa daigdig ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo (8, 39). Ganyan katatag ang pag-ibig ni Kristo sa atin. Ilang ulit man tayo madapa dahil sa ating mga kasalanan laban sa Kanya, hindi mawawala ang pag-ibig ng Panginoon. 

Tayong lahat ay tunay na minamahal ng Panginoon. Kahit ilang ulit natin Siyang ipinagkanulo at tinalikuran, kahit ilang ulit tayong nagkasala laban sa Kanya, hindi nababawasan ang Kanyang pag-ibig para sa atin. Nasasaktan man Siya sa tuwing pinipili nating magkasala, hindi Siya nawawalan ng pag-ibig para sa atin. Kaya nga, binibigyan tayo ng pagkakataon ng Diyos na magbagong-buhay araw-araw upang ang bawat isa sa atin ay makapasok sa langit sa katapusan ng ating paglalakbay dito sa daigdig. Kaya nga, tayong lahat ay patuloy Niyang binibigyan ng pagkakataong maghanda para sa kabilang buhay. 

Subalit, batid naman nating lahat na limitado lamang ang panahong ibinibigay sa atin ng Diyos upang ihanda ang ating mga sarili. May mga pagkakataon sa buhay kung saan hindi ito halata dahil parang bumabagal ang pag-usad ng panahon. Pero, mabilis talaga ang panahon. Hindi natin maipagkakaila ang katotohanang iyan. At habang lumilipas ang panahon, unti-unti tayong humahakbang palapit sa wakas. Unti-unting nalalapit ang katapusan. Unti-unting nagtatapos ang ating paglalakbay dito sa daigdig. Tandaan, pansamantala lamang ang buhay sa lupa. 

Napaikli lamang ng buhay. Kung titingnan natin nang mabuti kung ilan ang mga puntod sa sementeryo, mapapansin natin na napakarami na pala ang lumipas na sa daigdig na ito. Napakarami na ng mga sumakabilang-buhay na. Marami na ang mga tumawid mula sa buhay na ito patungo sa kabilang buhay. Ano naman ang mayroon sa kabilang buhay? Doon, matatamasa nila ang kapahingahang walang hanggan sa piling ng Panginoong Hesukristo. 

Wika ni Hesus sa Ebanghelyo, "Lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin Ko" (11, 28). Sa kabilang buhay, matatamasa ng lahat ang walang hanggang kapahingahan at kaginhawaan sa piling ni Hesus sa langit. Subalit, upang matamasa ng lahat ang biyayang ito sa kabilang buhay, kailangan maging malinis ang bawat isa. Kaya nga, sabi sa aklat ng Pahayag na walang maruming makakapasok sa langit (21, 27). 

Ang araw na ito ay inilalaan sa pag-aalay ng mga panalangin para sa mga kapatid nating yumao, lalung-lalo na para sa mga kaluluwang nasa Purgatoryo. Ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo ay nililinis mula sa dungis ng mga kasalanang benyal. Gaano katagal ang proseso ng paglilinis? Walang sinuman ang nakakaalam. Diyos lamang ang nakakalam. 

Kaya naman, katulad ni Judas Macabeo sa Unang Pagbasa, tayong lahat ay nag-aalay ng mga panalangin para sa mga kapatid nating yumao, lalung-lalo na para sa mga nasa Purgatoryo. Nakalaan ang araw na ito sa pag-aalay ng mga panalangin para sa kanila. Tayo'y dumudulog sa Panginoon para sa kanila sapagkat hindi nila kayang mag-alay ng mga panalangin para sa kanilang mga sarili. Sila'y umaaasa sa ating mga panalangin upang balang araw ay matapos na ang proseso ng paglilinis sa kanila sa Purgatoryo. Kapag nagwakas na ang paglilinis sa kanila sa Purgatoryo, papapasukin sila sa kaharian ng langit kung saan ang Panginoon na magbibigay sa kanila ng walang hanggang kaginhawaan at kagalakan ay kanilang makakapiling magpakailanman. Iyan ang kanilang inaaasam. 

Sa langit, matatamasa ng lahat ang pangako ng buhay na walang hanggan. Ang lahat ng mga nasa langit ay panatag dahil kapiling nila ang Panginoon. Kaya, mag-alay tayo ng mga panalangin para sa mga kapatid nating yumao upang matamasa nila ang pangakong ito. At kung nais rin nating matamasa ang pangakong ito sa katapusan ng ating buhay sa lupa, mamuhay tayo ayon sa kalooban ng Panginoong Diyos. Tahakin natin ang landas ng kabanalan. 

TAHANAN NG MGA NANATILING TAPAT SA DIYOS HANGGANG SA HULI

1 Nobyembre 2019 
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12 


Sa Unang Pagbasa, inilahad ni Apostol San Juan ang kanyang mga nakita sa isang pangitain na ibinigay sa kanya ng Panginoon. Sa nasabing pangitain, nakita niya ang dami ng mga taong sumasamba sa Kordero. Ang mga taong ito ay nagmula sa iba't ibang lipi, wika, bayan, at bansa (7, 9). Sa pamamagitan ng pangitaing ito, ang tanong tungkol sa mga nasa piling ng Panginoon ay nasagot. Ang lahat ng mga banal na nasa piling ng Panginoon sa langit ay nagmula sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Ang langit ay hindi lamang para sa mga taong mula sa mga piling lipi o lahi. Bagkus, ang langit ay bukas sa lahat. 

Bakit bukas ang pintuan ng langit para sa lahat? Sinagot ni Apostol San Juan ang tanong na ito sa Ikalawang Pagbasa. Kung tutuusin, malalaman natin ang sagot sa pambungad pa lamang ng aral ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa. Ano ang sagot sa tanong na ito? Pag-ibig. Dahil sa pag-ibig ng Panginoon, tayong lahat ay binibigyan Niya ng pagkakataong makapasok sa langit. Tunay ngang mapagmahal ang Diyos. Kaya, inaanyayahan Niya tayong tahakin ang landas ng kabanalan. Ang landas ng kabanalan ay ang landas patungo sa langit. Nais ng Diyos na makapasok tayong lahat sa langit. Nais ng Panginoon na tayong lahat ay Kanyang makapiling magpakailanman sa katapusan ng ating buhay dito sa daigdig. 

Tayong lahat ay inaanyayahan ng Diyos na maglakbay patungo sa langit. Isa itong pagpapala para sa ating lahat. Subalit, sa ating paglalakbay patungo sa langit, may mga kailangan tayong gawin. May kapalit ang ating pagtanggap sa pagpapalang ito. Inilahad ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo ang lahat ng mga kailangan nating gawin habang tayo'y naglalakbay dito sa daigdig. Kapag namuhay tayo ayon sa mga aral ni Hesus sa Ebanghelyo, matitiyak natin ang ating pagpasok sa langit. 

Isa ngang pagpapala mula sa Diyos ang pagkakataong ibinibigay Niya sa atin na makapasok sa langit. Tayong lahat ay binibigyan Niya ng pagkakataong ihanda ang ating mga sarili para sa buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit. Pero, hindi madali ang ipinapagawa sa atin. Mahirap ang ipinapagawa sa atin ng Diyos sa bawat sandali ng ating paglalakbay dito sa daigdig. Mahirap ihanda ang ating mga sarili para sa buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit. Kailangan nating mamuhay ayon sa Kanyang kalooban. Hindi biro iyan. Mahirap iyan gawin, lalung-lalo na kung labag ito sa ating kalooban. Subalit, kung tayo'y mamumuhay ayon sa Kanyang kalooban, ipinapakita natin ang ating katapatan sa Kanya. At ang mga mananatiling tapat sa Panginoon hanggang wakas ay Kanyang tatanggapin sa langit. Makakapasok tayo sa langit kung tayo'y mananatiling tapat sa Panginoong Diyos hanggang wakas. 

Kung hinahangad nating matamasa ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa kalangitan, manatili tayong tapat sa Kanya hanggang wakas. Mamuhay tayo ayon sa mga utos at aral ni Kristo. Piliin nating mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos sa bawat sandali ng ating paglalakbay dito sa lupa. Kapag iyan ang ating ginawa, ipinapakita natin ang ating katapatan sa Panginoon. Kapag tayo'y nanatiling tapat sa Panginoon hanggang sa huli, tayong lahat ay papapasukin Niya sa kalangitan. Mayroon pa nga silang mga silid sa langit. Ang mga silid na ito'y pinaghandaan pa nga ng Panginoong Diyos. Bakit? Dahil ang langit ay tahanan ng mga nagpasiyang manatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli. 

Linggo, Oktubre 20, 2019

MAY KABABAANG-LOOB ANG MGA TUNAY NA NANANALIG SA DIYOS

27 Oktubre 2019 
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 35, 15b-17. 20-22a (gr. 12-14. 16-18)/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 16-18/Lucas 18, 9-14 


Tinalakay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kababaang-loob. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Sirak na ang Diyos ay nalulugod sa mga may kababaang-loob. Ang mga dalangin at pagsusumamo ng mga mababang-loob ay pinapakinggan ng Diyos. Sabi pa nga sa huling bahagi ng Unang Pagbasa na ang mga dalangin ng mga mababang-loob ay "lumalampas sa mga ulap at hindi tumitigil hanggang 'di dumarating sa kinauukulan, hindi humihinto hanggang 'di pinapansin ng Kataas-taasan" (35, 21). Sa Ebanghelyo, isinalaysay ng Panginoong Hesus ang talinghaga tungkol sa Pariseo at Publikanong nanalangin sa Templo. Ang aral na nais iparating ni Hesus sa talinghagang ito ay napakalinaw - kinalulugdan ng Diyos ang may kababaang-loob. Iyan ang dahilan kung bakit ang Publikano ay kinalugdan ng Panginoon. Siya'y nagpakita ng kababaang-loob.

Sa paningin ng Diyos, ang kababaang-loob ay isang birtud na nakabubuti sa ating espirituwal na pamumuhay. Dapat isabuhay ng bawat isa ang birtud na ito. Kapag ang birtud na ito ay isinabuhay natin araw-araw, lalo tayong napapalapit sa Diyos. Tayong lahat ay humahakbang palapit sa Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob. Tinatahak natin ang landas ng kabanalan, ang landas patungo sa Diyos, sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob. 

Bakit nga ba kinalulugdan ng Panginoon ang mga may kababaang-loob? Kapag ang isang tao ay namuhay nang may kababaang-loob, inaamin niya ang kanyang mga kahinaan. Nababatid niya ang kanyang mga limitasyon. Nababatid niyang hindi niya kakayanin ang lahat kapag hindi siya tinutulungan ng iba. Higit sa lahat, lagi siyang umaasa sa Diyos. Batid niyang kailangan niya ang Diyos. Kapag hindi niya alam kung ano ang dapat gawin, hihingi siya ng saklolo mula sa Panginoon. Iyon ay hindi niya ikinahihiya.  

Ang mga tunay na nananalig sa Panginoon ay may kababaang-loob. Batid nilang may mga pagkakataon sa buhay kung saan kakailanganin nila ang tulong ng Diyos. Kapag dumating ang mga sandaling iyon, hindi sila nagdadalawang-isip na humingi ng tulong mula sa Kanya. Hindi sila nag-aatubiling dumulog sa Panginoon dahil batid nilang hindi Niya sila pababayaan. Nananalig silang lagi nilang kasama ang Diyos na laging tumutulong, gumagabay, at nagtatanggol sa kanila. 

Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa kanyang karanasan bilang isang apostol at misyonero sa Ikalawang Pagbasa. Napakabigat ng kanyang mga pinagdaanan sa bawat sandali ng kanyang misyon bilang apostol. Maraming siyang tiniis na pag-uusig dahil sa kanyang mga ipinapangaral tungkol kay Kristo. Sapat na dahilan iyon para kay Apostol San Pablo upang itigil ang kanyang misyon. Maaari na lamang siya sumuko at tumiwalag mula sa Simbahan. Subalit, hindi niya iyon ginawa. Bakit hindi siya tumiwalag mula sa Simbahan? Dahil sa kanyang pananalig. Ipinakita niya ang kanyang pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob. Namuhay siyang handang tumalima sa kalooban ng Diyos. Lagi siyang umasa sa Panginoon. Lagi siyang naglingkod sa Panginoon bilang apostol at misyonero. Ang kanyang kababaang-loob ay nagpapatunay sa kanyang pananalig sa Diyos hanggang sa huli. 

Kung tunay tayong nananalig sa Panginoon, kinakailangan nating mamuhay nang may kababaang-loob. Magpakumbaba. Kapag iyan ang ating ginawa, tayong lahat ay kalulugdan ng Diyos. Siya'y natutuwa at nalulugod sa mga mababang-loob. 

Martes, Oktubre 15, 2019

LAKASAN ANG LOOB

20 Oktubre 2019 
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Exodo 17, 7-13/Salmo 120/2 Timoteo 3, 14-4, 2/Lucas 18, 1-8


Minsan nang itinuro ni Hesus sa mga apostol, "Humingi kayo, at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makasusumpung; kumatok kayo at ang pinto'y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto para sa mga kumakatok" (Lucas 11, 9-10). Dagdag pa Niya sa huling bahagi ng pangaral na ito sa mga apostol, "Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay Niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa Kanya!" (Lucas 11, 13). Ang pangaral na ito ni Hesus ay naganap matapos Niyang ituro sa mga apostol ang "Ama namin." Muli Niyang itinuro sa mga apostol ang aral na ito sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ng Panginoong Hesus sa mga alagad ang talinghaga tungkol sa hukom at sa babaeng balo upang ituro ang kahalagahan ng pagiging matiyaga sa pananalangin. Kung tunay tayong nananalig sa Diyos, hindi tayo dapat panghihinaan ng loob. May mga pagkakataon kasi na nanghihina ang mga puso't loobin natin sapagkat pakiwari natin hindi pinapakinggan ng Diyos ang ating mga dalangin. Hindi natin masisi ang isa't isa sapagkat tiyak na pinagdaanan iyan ng bawat isa sa atin. Kung tutuusin, mahirap ang ipinapagawa sa atin ni Kristo. Paano nga ba tayo hindi panghihinaan ng loob kapag hindi dinidinig ng Panginoong Diyos ang ating mga dalangin at pagsusumamo sa Kanya? 

Bilang tao, may mga pagkakataon sa ating buhay kung saan tayo'y panghihinaan ng loob. Hindi natin masisi ang bawat isa na manghina ang loob. Kapag ang takbo ng ating buhay ay hindi maganda, manghihina ang ating loob. Kapag nakakaranas tayo ng kabiguan at pighati, madaling manghina ang loob natin. Alam naman natin na hindi malakas ang ating loob sa lahat ng oras. Hindi tayo laging masaya sa lahat ng oras. Gustuhin man natin maging maginhawa at masaya sa bawat araw, hindi iyan mangyayari. Sadyang napakasakit ang katotohanang iyan. 

Kung tutuusin, ang ipinapagawa sa atin ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo ay napakahirap. Nais man natin itong sundin, hindi ito madaling gawin. Bilang tao, hindi laging malakas ang ating loob. Nanghihina rin ang ating mga loobin. Madali para sa atin na panghinaan ng loob. Katunayan, nakikita rin natin ito kapag tayo'y nananalangin sa Diyos. Kapag pakiramdam natin na hindi dinidinig ng Panginoong Diyos ang ating mga panalangin at kahilingan sa Kanya, nanghihina ang ating mga loobin. Ayaw man natin ito aminin dahil nakakahiya, iyan ang totoo. Kahit anong gawin natin, ang katotohanang ito ay hinding-hindi natin maikukubli, matatakasan, o 'di kaya mapagkakaila. Kapag hindi nakamit ang hinihiling, manghihina ang ating mga puso't loobin. At nakakalungkot isipin, nawawalan pa nga tayo ng motibasyon upang manalangin sa Diyos. Bakit? Mukhang hindi Siya nakikinig sa atin. 

Subalit, para sa Panginoong Hesus, ang halimbawang ipinakita ng babaeng balo sa talinghagang Kanyang isinalaysay sa Ebanghelyo ay dapat tularan. Sa kabila ng paulit-ulit na pagtanggi ng hukom sa kanya, hindi siya tumigil sa pakikibaka para sa katarungan. Bagkus, pinili niyang maging pursigido hanggang sa siya'y pagbigyan ng hukom. Ang mentalidad ng babaeng balo sa talinghaga ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo ay dapat tularan ng bawat isa kapag nananalangin sa Diyos. 

Ang mentalidad na ito ay naipakita rin sa Unang Pagbasa. Buong kataimtiman na nanalangin si Moises sa Panginoon nang nakataas ang kamay para sa hukbo ng mga Israelita na pinamunuan ni Josue na nakipagdigma sa mga Amalecita. Habang siya'y dumalangin sa Diyos para sa tagumpay ng mga Israelita sa digmaan, may mga sandali kung saan nakaranas ng kapaguran ang kanyang kamay. Dahil diyan, ibinababa ni Moises ang kanyang mga kamay. Iyon nga lang, kapag nakababa ang kanyang mga kamay, natatalo ang mga Israelita. Kaya, tinulungan siya nina Aaron at Hur sa pamamagitan ng paghawak ng kanyang mga kamay nang pataas. Nang gawin nila iyon, sila'y nakiisa sa panalangin ni Moises sa Diyos para sa tagumpay ng bayang Israel. Hindi sila tumigil sa pananalangin sa Diyos para sa bayang Israel. Dahil diyan, nagtagumpay ang mga Israelita sa digmaan laban sa mga Amalecita. 

Ipinaalala naman ni Apostol San Pablo si San Timoteo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa na huwag talikdan ang mga aral na kanyang natutunan at pinananaligan (3, 14). Isa sa mga aral na kanyang natutunan at pinanaligan nang buong katapatan ay tungkol sa pagiging pursigido sa pananalangin sa Panginoon. Ang lahat ng mga dumadalangin sa Diyos ay hindi dapat panghinaan ng loob. Hindi dapat isuko o bitawan ng bawat isa ang kanilang pananalig sa Panginoong Diyos dahil mukhang hindi Niya pinakikinggan ang ating pagdalangin. Hindi dapat isipin ninuman na nilalayo ng Panginoon ang Kanyang sarili sa atin. Bagkus, lagi Siyang lumalapit sa bawat isa. Ang bawat isa sa atin na Kanyang inaangkin bilang Kanyang mga anak ay malapit sa Kanyang Puso. Lagi Niyang nilalapit sa atin ang Kanyang Puso. Lagi Siyang handang makinig sa mga panalangin natin. 

Mahirap ngang manghina ang ating loob. Subalit, ipinapaalala sa atin ng Panginoon na hindi tayo dapat panghinaan ng loob kapag tayo'y nananalangin sa Kanya. Kung ang bawat isa sa atin ay nabibigo ng ating kapwa, hindi tayo bibiguin ng Diyos. Ang Diyos ay hindi matigas pagdating sa atin. Hindi Siya dumidistansya mula sa ating lahat. Bagkus, patuloy Siyang lumalapit sa atin upang pakinggan ang Kanyang mga panalangin. Kaya, wala tayong dahilan upang panghinaan ng loob. Manalig lamang tayo sa Diyos. Manalangin tayo sa Kanya. Lagi Siyang nakikinig. 

Isang napakalaking hamon para sa atin na sundin ang aral na itinuro ni Hesus sa talinghagang isinalaysay Niya sa Ebanghelyo. Mahirap panatilihing ang katatagan ng ating loob sa bawat sandali ng ating buhay. Hindi natin masisi ang bawat isa kung iyan ang kanyang mararamdaman. Subalit, pagdating sa Diyos, hindi tayo dapat panghinaan ng loob. Hindi Siya nambibigo. Bagkus, lagi Siyang tapat sa atin. Hindi matutumbasan ninuman ang Kanyang katapatan. Kaya naman, lakasan natin ang ating loob. Hindi Niya tayo bibiguin. Lagi Siyang handang makinig. 

Linggo, Oktubre 6, 2019

HUWAG KALIMUTAN ANG GINAWA NG DIYOS

13 Oktubre 2019 
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
2 Hari 5, 14-17/Salmo 97/2 Timoteo 2, 8-13/Lucas 17, 11-19 


Sabi sa Salmo para sa Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal tuwing ika-14 ng Setyembre at ng Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno tuwing ika-9 ng Enero (maliban na lamang kapag ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon ay ipinagdiriwang rin sa araw na yaon), "Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng Diyos" (Salmo 77, 7k). Binibigyan ng pansin ng mga katagang ito ang kahalagahan ng pagtanaw ng utang na loob sa Panginoong Diyos. Ang bawat isa'y pinapaalalahanan ng mga katagang ito na huwag kalimutan ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa atin. Kung tutuusin, ang Diyos ay hindi dapat kalimutan ninuman dahil sa dami ng Kanyang mga ginawa para sa atin. 

Iyan ang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong si Naaman ay nagbago mula noong siya'y gumaling mula sa ketong. Pinagaling siya ng kapangyarihan ng Panginoong Diyos. Subalit, kinailangan niyang gawin ang iniutos sa kanya ni propeta Eliseo, ilubog ang sarili nang pitong ulit sa Ilog Jordan, upang maranasan ang kapangyarihang ito. At nang gawin niya ito, ang kanyang katawan ay kuminis. Nawala ang ketong sa kanyang pangangatawan. Nang maranasan ang kapangyarihan ng Diyos na nagpapagaling, inihayag ni Naaman sa huling bahagi ng Unang Pagbasa na tanging Siya lamang ang kanyang sasambahin at paglilingkuran nang buong puso. Itinalaga niya ang kanyang sarili sa Panginoon. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagpapagaling sa sampung ketongin. Sampung ketongin ang ipinagaling ni Hesus. Subalit, isa lamang sa kanila ang bumalik upang magpasalamat sa Panginoon. At iyon ay ang Samaritano. Bagamat hindi nakikipag-halubilo ang mga Hudyo at ang mga Samaritano dahil sa kanilang hidwaan, siya lamang ang bumalik sa Panginoong Hesus upang magpasalamat. Wala nang ibang bumalik kay Hesus; tanging ang Samaritano lamang. Sa sandaling yaon, hindi na niya inisip ang hidwaan ng mga Hudyo at mga Samaritano. Ang lahat ng iyon ay isinantabi niya mula sa kanyang puso at isipan dahil isang Hudyo na kilala sa pangalang Hesus ang nagpagaling sa kanya. 

Batid ng Samaritanong pinagaling ni Kristo mula sa Kanyang ketong sa tampok na salaysay Ebanghelyo ang kahalagahan ng pagtanaw ng utang na loob sa Diyos. Alam niyang pinagaling siya ng Diyos. Bagamat hindi pa niya siguro nakikilala si Kristo Hesus bilang Diyos na nagkatawang-tao, alam ng Samaritanong tinaglay Niya ang kapangyarihan. Batid ng Samaritanong hindi katulad ng ibang tao si Kristo. Hindi man niya alam na si Hesus ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao, alam Niyang isang hindi pang-karaniwang tao si Hesus. Alam niyang si Hesus ay hinirang ng Diyos. Kaya, nakakagawa Siya ng gayon. Dahil sa ginawa ni Hesus para sa kanya, bumalik siya sa Kanya upang magpasalamat. Ipinakita niya na tumatanaw siya ng utang na loob sa Panginoong Hesukristo na nagpagaling sa kanya. Hindi niya nakalimutan ang ginawa ni Hesus para sa kanya. 

Paalala ni Apostol San Pablo si San Timoteo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa, alalahanin si Kristo Hesus (2, 8). Ang paalalang ito ni Apostol San Pablo ay tunay ngang naaangkop sa lahat ng panahon. Kahit sa kasalukuyang panahon, ang mga katagang ito ni Apostol San Pablo ay tunay na napakahalaga para sa atin. Hindi dapat kinakalimutan si Kristo. Hindi dapat limutin ang lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos. Bagkus, lagi natin dapat alalahanin ang Diyos. Siya'y dapat alalahanin sa lahat ng oras. Nararapat lamang na alalahanin natin sa lahat ng oras ang Diyos dahil sa dami ng Kanyang mga ginawang mabuti para sa bawat isa sa atin. Bagamat hindi tayo karapat-dapat na makinabang sa biyaya at kabutihan ng Panginoong Diyos dahil sa dami ng ating mga nagawang kasalanan, patuloy Siyang gumawa ng mga mabubuting bagay para sa atin. 

Ang Diyos ay hindi dapat kinakalimutan. Marami Siyang mga ginawang kabutihan para sa ating lahat. Tandaan natin, hindi tayo karapat-dapat na makinabang sa Kanyang kabutihan dahil sa ating mga kasalanan. Subalit, patuloy pa rin Siyang gumagawa ng kabutihan para sa ating lahat. Kaya, dapat tayong tumanaw ng utang na loob sa Kanya. Nararapat lamang na Siya'y pasalamatan natin sa lahat ng oras dahil wala sawa Siyang nagpakita ng kabutihan sa ating lahat.