Lunes, Oktubre 28, 2019

PANATAG SA PILING NG PANGINOON

2 Nobyembre 2019 
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
(Ang mga sumusunod na Pagbasa ay isa sa mga pangkat ng mga Pagbasa na maaaring pagpilian para sa araw na ito. Tingnan ang mga pagbasa sa mga bilang 1031-1035 sa Leksyonaryo - Salita ng Diyos)
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 103/Roma 8, 31b-35. 37-39/Mateo 11, 25-30 


"Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo?" (8, 35) Ito ang tanong na pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Katunayan, siya na rin mismo ang sumagot sa tanong na ito sa mga huling talata ng Unang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Pablo na walang sinuman o anumang bagay dito sa daigdig ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo (8, 39). Ganyan katatag ang pag-ibig ni Kristo sa atin. Ilang ulit man tayo madapa dahil sa ating mga kasalanan laban sa Kanya, hindi mawawala ang pag-ibig ng Panginoon. 

Tayong lahat ay tunay na minamahal ng Panginoon. Kahit ilang ulit natin Siyang ipinagkanulo at tinalikuran, kahit ilang ulit tayong nagkasala laban sa Kanya, hindi nababawasan ang Kanyang pag-ibig para sa atin. Nasasaktan man Siya sa tuwing pinipili nating magkasala, hindi Siya nawawalan ng pag-ibig para sa atin. Kaya nga, binibigyan tayo ng pagkakataon ng Diyos na magbagong-buhay araw-araw upang ang bawat isa sa atin ay makapasok sa langit sa katapusan ng ating paglalakbay dito sa daigdig. Kaya nga, tayong lahat ay patuloy Niyang binibigyan ng pagkakataong maghanda para sa kabilang buhay. 

Subalit, batid naman nating lahat na limitado lamang ang panahong ibinibigay sa atin ng Diyos upang ihanda ang ating mga sarili. May mga pagkakataon sa buhay kung saan hindi ito halata dahil parang bumabagal ang pag-usad ng panahon. Pero, mabilis talaga ang panahon. Hindi natin maipagkakaila ang katotohanang iyan. At habang lumilipas ang panahon, unti-unti tayong humahakbang palapit sa wakas. Unti-unting nalalapit ang katapusan. Unti-unting nagtatapos ang ating paglalakbay dito sa daigdig. Tandaan, pansamantala lamang ang buhay sa lupa. 

Napaikli lamang ng buhay. Kung titingnan natin nang mabuti kung ilan ang mga puntod sa sementeryo, mapapansin natin na napakarami na pala ang lumipas na sa daigdig na ito. Napakarami na ng mga sumakabilang-buhay na. Marami na ang mga tumawid mula sa buhay na ito patungo sa kabilang buhay. Ano naman ang mayroon sa kabilang buhay? Doon, matatamasa nila ang kapahingahang walang hanggan sa piling ng Panginoong Hesukristo. 

Wika ni Hesus sa Ebanghelyo, "Lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin Ko" (11, 28). Sa kabilang buhay, matatamasa ng lahat ang walang hanggang kapahingahan at kaginhawaan sa piling ni Hesus sa langit. Subalit, upang matamasa ng lahat ang biyayang ito sa kabilang buhay, kailangan maging malinis ang bawat isa. Kaya nga, sabi sa aklat ng Pahayag na walang maruming makakapasok sa langit (21, 27). 

Ang araw na ito ay inilalaan sa pag-aalay ng mga panalangin para sa mga kapatid nating yumao, lalung-lalo na para sa mga kaluluwang nasa Purgatoryo. Ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo ay nililinis mula sa dungis ng mga kasalanang benyal. Gaano katagal ang proseso ng paglilinis? Walang sinuman ang nakakaalam. Diyos lamang ang nakakalam. 

Kaya naman, katulad ni Judas Macabeo sa Unang Pagbasa, tayong lahat ay nag-aalay ng mga panalangin para sa mga kapatid nating yumao, lalung-lalo na para sa mga nasa Purgatoryo. Nakalaan ang araw na ito sa pag-aalay ng mga panalangin para sa kanila. Tayo'y dumudulog sa Panginoon para sa kanila sapagkat hindi nila kayang mag-alay ng mga panalangin para sa kanilang mga sarili. Sila'y umaaasa sa ating mga panalangin upang balang araw ay matapos na ang proseso ng paglilinis sa kanila sa Purgatoryo. Kapag nagwakas na ang paglilinis sa kanila sa Purgatoryo, papapasukin sila sa kaharian ng langit kung saan ang Panginoon na magbibigay sa kanila ng walang hanggang kaginhawaan at kagalakan ay kanilang makakapiling magpakailanman. Iyan ang kanilang inaaasam. 

Sa langit, matatamasa ng lahat ang pangako ng buhay na walang hanggan. Ang lahat ng mga nasa langit ay panatag dahil kapiling nila ang Panginoon. Kaya, mag-alay tayo ng mga panalangin para sa mga kapatid nating yumao upang matamasa nila ang pangakong ito. At kung nais rin nating matamasa ang pangakong ito sa katapusan ng ating buhay sa lupa, mamuhay tayo ayon sa kalooban ng Panginoong Diyos. Tahakin natin ang landas ng kabanalan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento