Linggo, Oktubre 6, 2019

HUWAG KALIMUTAN ANG GINAWA NG DIYOS

13 Oktubre 2019 
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
2 Hari 5, 14-17/Salmo 97/2 Timoteo 2, 8-13/Lucas 17, 11-19 


Sabi sa Salmo para sa Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal tuwing ika-14 ng Setyembre at ng Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno tuwing ika-9 ng Enero (maliban na lamang kapag ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon ay ipinagdiriwang rin sa araw na yaon), "Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng Diyos" (Salmo 77, 7k). Binibigyan ng pansin ng mga katagang ito ang kahalagahan ng pagtanaw ng utang na loob sa Panginoong Diyos. Ang bawat isa'y pinapaalalahanan ng mga katagang ito na huwag kalimutan ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa atin. Kung tutuusin, ang Diyos ay hindi dapat kalimutan ninuman dahil sa dami ng Kanyang mga ginawa para sa atin. 

Iyan ang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong si Naaman ay nagbago mula noong siya'y gumaling mula sa ketong. Pinagaling siya ng kapangyarihan ng Panginoong Diyos. Subalit, kinailangan niyang gawin ang iniutos sa kanya ni propeta Eliseo, ilubog ang sarili nang pitong ulit sa Ilog Jordan, upang maranasan ang kapangyarihang ito. At nang gawin niya ito, ang kanyang katawan ay kuminis. Nawala ang ketong sa kanyang pangangatawan. Nang maranasan ang kapangyarihan ng Diyos na nagpapagaling, inihayag ni Naaman sa huling bahagi ng Unang Pagbasa na tanging Siya lamang ang kanyang sasambahin at paglilingkuran nang buong puso. Itinalaga niya ang kanyang sarili sa Panginoon. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagpapagaling sa sampung ketongin. Sampung ketongin ang ipinagaling ni Hesus. Subalit, isa lamang sa kanila ang bumalik upang magpasalamat sa Panginoon. At iyon ay ang Samaritano. Bagamat hindi nakikipag-halubilo ang mga Hudyo at ang mga Samaritano dahil sa kanilang hidwaan, siya lamang ang bumalik sa Panginoong Hesus upang magpasalamat. Wala nang ibang bumalik kay Hesus; tanging ang Samaritano lamang. Sa sandaling yaon, hindi na niya inisip ang hidwaan ng mga Hudyo at mga Samaritano. Ang lahat ng iyon ay isinantabi niya mula sa kanyang puso at isipan dahil isang Hudyo na kilala sa pangalang Hesus ang nagpagaling sa kanya. 

Batid ng Samaritanong pinagaling ni Kristo mula sa Kanyang ketong sa tampok na salaysay Ebanghelyo ang kahalagahan ng pagtanaw ng utang na loob sa Diyos. Alam niyang pinagaling siya ng Diyos. Bagamat hindi pa niya siguro nakikilala si Kristo Hesus bilang Diyos na nagkatawang-tao, alam ng Samaritanong tinaglay Niya ang kapangyarihan. Batid ng Samaritanong hindi katulad ng ibang tao si Kristo. Hindi man niya alam na si Hesus ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao, alam Niyang isang hindi pang-karaniwang tao si Hesus. Alam niyang si Hesus ay hinirang ng Diyos. Kaya, nakakagawa Siya ng gayon. Dahil sa ginawa ni Hesus para sa kanya, bumalik siya sa Kanya upang magpasalamat. Ipinakita niya na tumatanaw siya ng utang na loob sa Panginoong Hesukristo na nagpagaling sa kanya. Hindi niya nakalimutan ang ginawa ni Hesus para sa kanya. 

Paalala ni Apostol San Pablo si San Timoteo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa, alalahanin si Kristo Hesus (2, 8). Ang paalalang ito ni Apostol San Pablo ay tunay ngang naaangkop sa lahat ng panahon. Kahit sa kasalukuyang panahon, ang mga katagang ito ni Apostol San Pablo ay tunay na napakahalaga para sa atin. Hindi dapat kinakalimutan si Kristo. Hindi dapat limutin ang lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos. Bagkus, lagi natin dapat alalahanin ang Diyos. Siya'y dapat alalahanin sa lahat ng oras. Nararapat lamang na alalahanin natin sa lahat ng oras ang Diyos dahil sa dami ng Kanyang mga ginawang mabuti para sa bawat isa sa atin. Bagamat hindi tayo karapat-dapat na makinabang sa biyaya at kabutihan ng Panginoong Diyos dahil sa dami ng ating mga nagawang kasalanan, patuloy Siyang gumawa ng mga mabubuting bagay para sa atin. 

Ang Diyos ay hindi dapat kinakalimutan. Marami Siyang mga ginawang kabutihan para sa ating lahat. Tandaan natin, hindi tayo karapat-dapat na makinabang sa Kanyang kabutihan dahil sa ating mga kasalanan. Subalit, patuloy pa rin Siyang gumagawa ng kabutihan para sa ating lahat. Kaya, dapat tayong tumanaw ng utang na loob sa Kanya. Nararapat lamang na Siya'y pasalamatan natin sa lahat ng oras dahil wala sawa Siyang nagpakita ng kabutihan sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento