27 Oktubre 2019
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Sirak 35, 15b-17. 20-22a (gr. 12-14. 16-18)/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 16-18/Lucas 18, 9-14
Tinalakay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kababaang-loob. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Sirak na ang Diyos ay nalulugod sa mga may kababaang-loob. Ang mga dalangin at pagsusumamo ng mga mababang-loob ay pinapakinggan ng Diyos. Sabi pa nga sa huling bahagi ng Unang Pagbasa na ang mga dalangin ng mga mababang-loob ay "lumalampas sa mga ulap at hindi tumitigil hanggang 'di dumarating sa kinauukulan, hindi humihinto hanggang 'di pinapansin ng Kataas-taasan" (35, 21). Sa Ebanghelyo, isinalaysay ng Panginoong Hesus ang talinghaga tungkol sa Pariseo at Publikanong nanalangin sa Templo. Ang aral na nais iparating ni Hesus sa talinghagang ito ay napakalinaw - kinalulugdan ng Diyos ang may kababaang-loob. Iyan ang dahilan kung bakit ang Publikano ay kinalugdan ng Panginoon. Siya'y nagpakita ng kababaang-loob.
Sa paningin ng Diyos, ang kababaang-loob ay isang birtud na nakabubuti sa ating espirituwal na pamumuhay. Dapat isabuhay ng bawat isa ang birtud na ito. Kapag ang birtud na ito ay isinabuhay natin araw-araw, lalo tayong napapalapit sa Diyos. Tayong lahat ay humahakbang palapit sa Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob. Tinatahak natin ang landas ng kabanalan, ang landas patungo sa Diyos, sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob.
Bakit nga ba kinalulugdan ng Panginoon ang mga may kababaang-loob? Kapag ang isang tao ay namuhay nang may kababaang-loob, inaamin niya ang kanyang mga kahinaan. Nababatid niya ang kanyang mga limitasyon. Nababatid niyang hindi niya kakayanin ang lahat kapag hindi siya tinutulungan ng iba. Higit sa lahat, lagi siyang umaasa sa Diyos. Batid niyang kailangan niya ang Diyos. Kapag hindi niya alam kung ano ang dapat gawin, hihingi siya ng saklolo mula sa Panginoon. Iyon ay hindi niya ikinahihiya.
Ang mga tunay na nananalig sa Panginoon ay may kababaang-loob. Batid nilang may mga pagkakataon sa buhay kung saan kakailanganin nila ang tulong ng Diyos. Kapag dumating ang mga sandaling iyon, hindi sila nagdadalawang-isip na humingi ng tulong mula sa Kanya. Hindi sila nag-aatubiling dumulog sa Panginoon dahil batid nilang hindi Niya sila pababayaan. Nananalig silang lagi nilang kasama ang Diyos na laging tumutulong, gumagabay, at nagtatanggol sa kanila.
Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa kanyang karanasan bilang isang apostol at misyonero sa Ikalawang Pagbasa. Napakabigat ng kanyang mga pinagdaanan sa bawat sandali ng kanyang misyon bilang apostol. Maraming siyang tiniis na pag-uusig dahil sa kanyang mga ipinapangaral tungkol kay Kristo. Sapat na dahilan iyon para kay Apostol San Pablo upang itigil ang kanyang misyon. Maaari na lamang siya sumuko at tumiwalag mula sa Simbahan. Subalit, hindi niya iyon ginawa. Bakit hindi siya tumiwalag mula sa Simbahan? Dahil sa kanyang pananalig. Ipinakita niya ang kanyang pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob. Namuhay siyang handang tumalima sa kalooban ng Diyos. Lagi siyang umasa sa Panginoon. Lagi siyang naglingkod sa Panginoon bilang apostol at misyonero. Ang kanyang kababaang-loob ay nagpapatunay sa kanyang pananalig sa Diyos hanggang sa huli.
Kung tunay tayong nananalig sa Panginoon, kinakailangan nating mamuhay nang may kababaang-loob. Magpakumbaba. Kapag iyan ang ating ginawa, tayong lahat ay kalulugdan ng Diyos. Siya'y natutuwa at nalulugod sa mga mababang-loob.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento