Biyernes, Pebrero 26, 2021

SAN JOSE: IBINIGAY ANG SARILI SA MISYON

19 Marso 2021 
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen 
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a) 


"Misyong kaloob sa ating puso, aming sarili ay aming handog, laging tapat at laging tugon: Naririto, handa kami, Panginoon!" Ang mga salitang ito ay mula sa koro ng "Awit ng Misyon," ang Tagalog na salin ng awiting "We Give Our Yes!" na ginagamit ng Arkidiyosesis ng Maynila bilang opisyal na awiting pang-misyon sa pagdiriwang ng Ika-500 Taong Anibersaryo ng Pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Kasabay ng Ikalimang Sentenaryo ng Pagdating ng Kristiyanismo sa bansang Pilipinas, ipinagdiriwang rin sa buong taong ito ang Taon ni San Jose, ang Pinatakasi ng Simbahan sa buong daigdig. 

Sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni San Jose sa taong ito, magandang bigyan ng pansin ang tugon ni San Jose sa misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Isinalaysay sa Ebanghelyo ang paghirang ng Diyos kay San Jose. Si San Jose ay binigyan ng isang misyon. Ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos ay ang responsibilidad bilang kabiyak ng puso ng Mahal na Inang si Maria at ama-amahan ng Panginoong Hesukristo. Sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo, mapapansin natin na agad niyang ginawa ang utos ng Diyos na inihayag sa kanya ng isang anghel sa panaginip. Sa pamamagitan ng kanyang ginawa sa wakas ng salaysay ni San Mateo tungkol sa pangyayaring ito sa Ebanghelyo, ibinigay ni San Jose ang kanyang "Oo" sa misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang mga gawa, tahimik na ipinahayag ni San Jose ang kanyang "Oo" sa tawag ng Diyos. 

Kung babalikan natin ang simula ng salaysay sa Ebanghelyo ni San Mateo, nakaranas ng kabiguan si San Jose. Labis siyang nalungkot dahil sa mga usap-usapan tungkol sa Mahal na Birheng Maria. Tunay niyang minahal si Maria at pinangarap niyang mamuhay nang tahimik kasama niya bilang mag-asawa. Ang mga planong ito ni San Jose ay tila gumuho dahil sa pagdadalantao ni Maria na kanyang mapapangasawa. Malapit na siyang ikasal. Tapos, malalaman niyang ang kanyang magiging kabiyak ay nagdadalantao nang hindi pa kasal. Labis na nasaktan si San Jose dahil dito. 

Subalit, sa kabila nito, ibinigay ni San Jose ang kanyang "Oo" sa kalooban ng Diyos. Kahit na siya'y nasa isang madilim na yugto ng kanyang buhay, tumalima pa rin siya sa kalooban ng Diyos. Ibinigay niya ang buo niyang sarili sa misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Nagpasakop siya sa Diyos kahit na labis siyang nalungkot sa mga sandaling iyon. Bakit? Dahil lang ba sa sinabi ng anghel na ang Mahal na Birheng Maria ay naglihi at nabuntis dahil sa kapangyarihan ng Espiritu Santo? Iyon lang ba ang dahilan? 

Kahit papaano, nakaranas ng kapanatagan ng loob si San Jose nang malaman niya sa pamamagitan ng pagbabalita ng anghel sa panaginip na ang Mahal na Birhen ay hindi nagtaksil sa kanya. Subalit, higit pa roon ang dahilan kung bakit ibinigay niya ang kanyang "Oo" sa kalooban ng Diyos. Ibinigay ni San Jose ang kanyang "Oo" sa Diyos dahil sa kanyang pananalig. Nanalig siya sa katapatan ng Diyos na walang hanggan. Nanalig siyang hindi nambibigo ang Diyos. Si San Jose ay buong pusong nanalig na ang Diyos ay mapagkakatiwalaan. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ng Diyos kay propeta Natan ang Kanyang pangako kay Haring David. Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa pananalig ni Abraham sa pangako ng Panginoong Diyos. Tinupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako kina Abraham at Haring David. Hindi Niya binaon sa limot ang mga pangakong ito. Tinupad Niya ang mga ito sa takdang panahon. Sa panahong Siya mismo ang nagtakda, tinupad Niya ang lahat ng mga pangakong ito. Tapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako.

Ang katapatang ito ay umakit kay San Jose na ibigay ang kanyang "Oo" sa tawag ng Diyos. Kahit na wala siyang sinabing salita sa salaysay, ipinakita pa rin niya ang kanyang "Oo" sa kalooban ng Panginoong Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang mga gawa, nahayag ang pagtalima ni San Jose sa kalooban ng Diyos. 

Katulad ni San Jose, ihandog natin sa Diyos ang ating mga sarili. Ibigay natin sa Diyos ang taos-puso nating pagtalima, ang ating "Oo", sa misyong ibinigay Niya sa atin. Mayroong misyong ibinigay sa atin ng Diyos. Ibigay natin ang buong puso nating "Oo" sa tawag ng Diyos na tuparin ang misyong ito. 

Huwebes, Pebrero 25, 2021

PAG-IBIG AT HABAG NA NAGHAHATID NG TUNAY NA GALAK

14 Marso 2021 
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
2 Cronica 36, 14-16. 19-21/Salmo 136/Efeso 2, 4-10/Juan 3, 14-21 


Tuwing sasapit ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa kagalakang nagmumula sa Diyos. Kaya nga, ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag ring "Linggo ng Laetare" o "Linggo ng Kagalakan." Habang ang buong Simbahan ay napapaloob pa rin sa panahon ng pagpepenitensya at pagbabalik-loob na tinatawag na Kuwaresma, ipinapaalala sa bawat isa sa atin na ang tunay na kagalakan ay nagmumula sa Diyos. Ang Diyos mismo ang nagbibigay ng tunay na kagalakan. Kaya, kung gusto nating maranasan ang tunay na kagalakan, kailangan nating magbalik-loob sa Diyos. 

Ang Panginoong Diyos ay ipinapakilala ng mga Pagbasa para sa Linggong ito bilang tagapaghatid ng tunay na kagalakan. Ilan sa mga sandali sa kasaysayan ng daigdig kung saan ang Diyos ay naghatid ng tunay na kagalakan sa lahat ay inilarawan sa mga Pagbasa. Siya ang tagapaghatid ng tunay na kagalakang ito. Paulit-ulit Niyang ibinibigay o inihahatid sa lahat ang biyayang ito. Katunayan, hindi na mabilang kung ilang ulit na Niya itong ginawa sa kasaysayan. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa ang relasyon ng Diyos at ng Kanyang bayang hinirang. Ang Diyos ay hindi tumigil sa pagpapakita ng Kanyang pag-ibig para sa kanila, kahit na paulit-ulit nila Siyang tinalikuran at sinuway. Sabi sa unang bahagi ng Unang Pagbasa nagpadala Siya ng mga sugo (2 Cronica 36, 15). Sa ikalawang bahagi ng Unang Pagbasa, inilarawan kung paanong pinalaya ng Diyos ang mga Israelita mula sa pagkakatapon sa Babilonia. Pinukaw Niya ang puso ni Ciro, ang Hari ng Persia, na bigyan ng pahintulot ang mga Israelita na makauwi sa Herusalem. Niloob ng Diyos na matapon ang mga Israelita sa Babilonia dahil sa kanilang pagsuway sa Kanya. Subalit, dahil sa Kanyang pag-ibig at awa, niloob Niyang makabalik sila sa Herusalem. Sa pamamagitan nito, ang Diyos ay naghatid ng galak sa mga Israelita. 

Sa Ebanghelyo, itinampok ang isa sa mga pinakamasikat na talata sa Banal na Bibliya: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan" (Juan 3, 16). Inilarawan ng mga salitang ito ang pinakadakilang biyayang ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan. Ang pinakadakilang biyayang tinukoy sa talatang ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Diyos ay naghatid ng tunay na kagalakan sa lahat ng tao sa mundong ito. 

Bakit mahalagang talakayin ang pag-ibig at habag ng Panginoong Diyos sa pagninilay sa tunay na kagalakang bigay Niya sa lahat? Magkaugnay ang tunay na kagalakang nagmumula sa Diyos sa Kanyang pag-ibig at habag. Ang pag-ibig at habag ng Diyos ay hindi maihihiwalay sa tunay na kagalakang Kanyang kaloob sa lahat. Sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig at habag, inihatid ng Diyos ang biyaya ng tunay na kagalakan. Ang pinagmulan ng biyayang ito, ang tunay na galak, ay nagmumula sa Kanya. Dahil sa Kanyang pag-ibig at habag, ang biyayang ito ay Kanyang ipinagkakaloob sa lahat. 

Katulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, masambit nawa natin ang mga salitang ito: "Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol Niya sa atin!" (Efeso 2, 4). Sa pamamagitan nito, ang habag at pag-ibig ng Diyos na naghahatid ng tunay na kagalakan ay pinatotohanan natin nang buong puso. Kahit na hindi tayo karapat-dapat dahil dami ng ng ating mga salang laban sa Kanya na hindi na mabilang, pinili pa rin Niyang ipagkaloob sa atin ang biyayang ito ng tunay na galak dahil sa Kanyang pag-ibig at habag. 

Sabado, Pebrero 20, 2021

ANG PALATANDAANG IBINIGAY NG DIYOS

7 Marso 2021 
Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Exodo 20, 1-17 (o kaya: 20, 1-3. 7-8. 12-17)/Salmo 18/1 Corinto 1, 22-25/Juan 2, 13-25 


Sabi ni Hesus sa mga Hudyong humingi ng isang palatandaan mula sa Kanya matapos Niyang linisin ang templo sa Ebanghelyo, "Gibain ninyo ang templong ito at muli Kong itatayo sa loob ng tatlong araw" (Juan 2, 19). Sabi pa sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo na ang templong tinukoy ni Hesus ay ang Kanyang Katawan (Juan 2, 21). Ang palatandaang ibibigay ng Panginoong Hesus bilang patunay ng Kanyang kapangyarihan ay walang iba kundi ang Kanyang sarili. Si Hesus ang magpapatunay ng sarili Niyang kapangyarihan at autoridad bilang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Ang kadakilaan at pagka-Diyos ng Panginoong Hesukristo ay mahahayag sa pamamagitan ng Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit Siya naparito sa sanlibutan. Iligtas ang sangkatauhan upang sa pamamagitan nito'y mahayag ang kadakilaan at kapangyarihan ng tunay at nag-iisang Diyos, ang Banal na Santatlo. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. 

Nakasentro sa kahanga-hangang gawang ito ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang ipinangangaral niya at ng iba pang mga apostol ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristong nakabako sa krus (1 Corinto 1, 23). Ipinapahiwatig nito na noon pa man ay pinahahalagahan ng Simbahan ang krus ng Panginoong Hesukristo. Hindi magsasalita ang mga apostol at ang mga humalili sa kanila tungkol sa krus ni Kristo kung ito'y hindi nila pinahalagahan. Ang kanilang mga labi ay magiging tikom tungkol sa Misteryo Paskwal ni Kristo kung hindi ito mahalaga. Subalit, sila'y nangaral tungkol sa krus ng Panginoon sapagkat ito'y kanilang pinahalagahan. Ang krus ni Kristo ay pinahalagahan ng buong Simbahan noon pa man dahil, gaya ng sabi ni Apostol San Pablo sa wakas ng kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, ang inakalang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa kaysa sa karunungan ng tao at ang inakalang kahinaan ng Diyos ay lakas na higit pa sa lakas ng tao (1 Corinto 1, 25). 

Sa Unang Pagbasa, ibinigay ng Diyos ang Sampung Utos. Sa Bagong Tipan, ang Diyos ay nagbigay ng isang dakilang tanda ng Kanyang kapangyarihan at kadakilaan. Hindi mapapantayan o mahihigitan kailanman ang tandang ito. Ang tandang iyon ay walang iba kundi ang krus at Muling Pagkabuhay ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. Nahayag sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan ang kadakilaan at kapangyarihan ng Diyos. 

Isang palatandaan ang ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan noong sumapit ang takdang panahon. Ang Kanyang Bugtong na Anak, ang Panginoong Hesukristo, ay Kanyang ibinigay upang tubusin tayo sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang kapangyarihan at kadakilaan ng Diyos ay nahayag sa pamamagitan ng kahanga-hangang gawaing ito na niloob Niyang mangyari. 

Biyernes, Pebrero 19, 2021

PATUNAY NG KABUTIHAN NG DIYOS

28 Pebrero 2021 
Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Genesis 22, 1-2a. 9. 10-13. 15-18/Salmo 115/Roma 8, 31b-34/Marcos 9, 2-10 


Inilalarawan ng mga Pagbasa para sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma ang kabutihan ng Diyos sa atin. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na hindi ipinagkait sa atin ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak (Roma 8, 32). Ang mga salitang ito ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay nagbibigay ng larawan ng kabutihan ng Panginoon. Ang kabutihan ng Diyos ay nahayag sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus. 

Hindi nagdalawang-isip ang Diyos sa pagligtas sa atin. Katunayan, hindi naman kailangan ng Diyos na iligtas tayo. Maaari Niya tayong pabayaang mapahamak dahil sa ating mga kasalanan, kung iyon ang Kanyang ninas. Subalit, pinili pa rin ng Diyos na iligtas tayo mula sa kasalanan dahil sa Kanyang kabutihan. Ang biyaya ng Kanyang pagliligtas ay dumating sa mundong ito sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Kanyang Bugtong na Anak. Sa pamamagitan nito, ang kabutihan ng Diyos ay nahayag sa lahat. 

Si Hesus na ipinakilala ng Amang nasa langit sa salaysay tungkol sa Kanyang pagbabagong-anyo sa bundok sa Ebanghelyo ay ang pinakadakilang larawan ng kabutihan ng Diyos. Sa pamamagitan Niya, ang kabutihan ng Diyos para sa sangkatauhan ay nahayag. Pinatunayan ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang misyon ang kabutihan ng Diyos. Si Hesus ay dumating sa daigdig upang iligtas ang sangkatauhan. Nangyari ang lahat ng ito dahil sa kabutihan ng Diyos. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay dumating sa daigdig na ito dahil sa Kanyang kabutihan. Sa pamamagitan ni Kristo, dumating sa daigdig ang biyayang ito.  

Kung paanong si Abraham ay binigyan ng Panginoong Diyos ng isang lalaking tupa bilang kapalit ng kanyang anak na si Isaac sa dambana ng paghahandog sa Unang Pagbasa, ibinigay sa atin ang Panginoong Hesus bilang Manunubos. Ang Diyos ay nagbigay ng Tagapagligtas sa atin. Ang Tagapagligtas na iyon ay walang iba kundi si Kristo. Nangyari ito dahil sa kabutihan ng Diyos. 

Ang Diyos ay tunay ngang mapagbigay at mabuti. Iyan ang dahilan kung bakit mayroon tayong Tagapagligtas. Ibinigay sa atin ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Ang kabutihan ng Diyos ay napatunayan sa pamamagitan nito. 

Huwebes, Pebrero 18, 2021

ISANG LUKLUKAN?

22 Pebrero 2021 
Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro 
1 Pedro 5, 1-4/Salmo 22/Mateo 16, 13-19 


Kakaiba ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang itinatampok ng Simbahan sa araw na ito ay isang luklukan. Tiyak na tatanungin ng karamihan kung bakit ang Simbahan ay naglaan ng isang araw para itampok ang isang luklukan. Marami ang magtatanong kung anong mayroon sa isang luklukan. Parang wala namang espesyal sa isang luklukan. Maliban na lamang sa taong nakaluklok roon, isang taong napakespesyal, ang isang luklukan ay hindi naman espesyal. Ang luklukan ay isang bagay lamang, kung tutuusin. 

Bakit nga ba inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang itampok at parangalan ang isang luklukan? Anong mayroon sa Luklukan ni Apostol San Pedro at ito'y napakaespesyal para sa Simbahan? Bakit nga ba labis na pinahahalagahan ng Simbahan ang Luklukan ni Apostol San Pedro? Ang sagot ay matatagpuan sa mga Pagbasa. Sa Ebanghelyo, ibinigay ni Kristo ang mga susi sa kaharian ng langit kay Apostol San Pedro. Ang mga susi sa kaharian ng langit ay sagisag ng kanyang autoridad at kapangyarihan bilang unang Santo Papa ng Simbahan. Si Hesus mismo ang nagtalaga kay Apostol San Pedro para maging unang Santo Papa ng Kanyang Simbahan. Ang kanyang tungkulin bilang unang Santo Papa ng Simbahang itinatag mismo ng Panginoong Hesukristo ay inilarawan niya sa Unang Pagbasa. Ang kanyang tungkulin bilang Santo Papa ng Simbahan ay alagaan, pamunuan, at paglinkuran ang kawan ng Punong Pastol na si Kristo sa daigdig nang buong puso at sarili hanggang sa muli Niyang pagparito (1 Pedro 5, 2). Iyan ang kanyang pakiusap sa mga pinuno ng Simbahan. 

Espesyal ang luklukang itinatampok at pinararangalan ng Simbahan sa araw na ito hindi dahil sa sarili nitong kapangyarihan. Bagkus, espesyal ang luklukang ito dahil sa nakaluklok dito. Isang napakaespesyal na tao ang nakaluklok dito. Iyon ay walang iba kundi si Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo. Isang mamamalakaya ay iniatasan ng Panginoon upang alagaan, pamunuan, at paglingkuran ang Kanyang kawan dito sa mundo (Juan 21, 15-17). Ang mamamalakayang iyon ay si Apostol San Pedro, ang kauna-unahang Santo Papa ng Simbahan. Patuloy na tinutupad ng kanyang mga kahalili ang misyong tinupad niya nang siya'y namumuhay pa sa daigdig. 

Huwebes, Pebrero 11, 2021

LAGING MAGTATAGUMPAY ANG DIYOS

21 Pebrero 2021  
Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Genesis 9, 8-15/Salmo 24/1 Pedro 3, 18-22/Marcos 1, 12-15 



Ang salaysay ng pagtukso ni Satanas kay Hesus sa disyerto ay isinalaysay ng tatlong manunulat ng Mabuting Balita na sina San Mateo, San Marcos, at San Lucas. Tinatawag na mga Sinotikong Ebanghelyo ang tatlong Ebanghelyong ito dahil karamihan sa mga kaganapan sa buhay ni Kristo ay kanilang isinalaysay sa kani-kanilang bersyon ng Magandang Balita. Ang salaysay ng mga nasabing kaganapan sa buhay ni Kristo ay matatagpuan sa tatlong Ebanghelyong ito. 

Subalit, may isang mahalagang detalye sa salaysay ni San Marcos tungkol sa pagtukso ni Satanas kay Hesus sa ilang na hindi mahahanap sa mga bersyon nina San Mateo at San Lucas. Kung ikukumpara ang salaysay ng pagtukso kay Hesus sa ilang sa Ebanghelyo ni San Marcos sa mga salaysay na matatagpuan sa Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas, mapapansin natin na mas maikli ang bersyon ni San Marcos. Kung tutuusin, dalawang talata lamang ang inilaan ni San Marcos sa pagsalaysay tungkol sa pagtukso kay Hesus sa ilang. Mas detalyado pa ang mga salaysay sa Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas tungkol sa kaganapang ito sa buhay ni Kristo kaysa sa salaysay tungkol sa nasabing kaganapan na matatagpuan sa Ebanghelyo ni San Marcos. 

Walang sinabi si San Marcos tungkol sa tatlong tukso ni Satanas kay Hesus na matatagpuan sa Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas. Kung tutuusin, hindi sinabi ni San Marcos kung ilang ulit tinukso ang Panginoong Hesus. Baka nga, higit pa sa tatlo ang bilang ng mga tukso ni Satanas kay Kristo. Subalit, hindi na importante para kay San Marcos kung ilang ulit nga ba talagang tinukso ang Panginoon sa ilang. Para sa kanya, may mas mahalaga pa roon. Iyon ay ang tagumpay ni Kristo. Ilang ulit man Siyang tuksuhin ng demonyo, hindi nagpatalo ang Panginoong Hesus. Nilabanan at pinagtagumpayan Niya ang mga tukso ng demonyo. Sa huli, ang Panginoong Hesus ay nagwagi laban kay Satanas. Wala nang iba pang makahihigit sa tagumpay na ito ng Panginoon. 

Hindi lamang sa disyerto nagtagumpay ang Panginoon laban sa demonyo. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, nagwagi si Hesus laban kay Satanas. Ang tagumpay ng Panginoon laban kay Satanas sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay ay tinalakay ni Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng Simbahan, sa Ikalawang Pagbasa. Iniligtas ni Hesus ang lahat ng mga binyagan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. Ang krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus ang nagbibigay ng saysay sa binyag. Hindi tayo maliligtas sa binyag kung wala ang krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Iyan ang ugnayan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus sa binyag na tinalakay ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa ang pakikipagtipan ng Diyos kina Noe at sa kanyang mga anak matapos ang baha. Ang Panginoong Diyos na nagligtas kina Noe at sa kanyang pamilya mula sa napakalaking baha na gumunaw sa daigdig ay nakipagtipan sa kanila. Ipinangako ng Panginoon na hindi na Niya lilipulin sa pamamagitan ng baha ang daigdig (Genesis 9, 15). Ang Diyos na nakipagtipan kay Noe at sa kanyang pamilya matapos ang baha ay dumating sa daigdig nang sumapit ang takdang panahon sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ginawa Niya ito upang iligtas ang sangkatauhan. Kung paanong iniligtas ng Diyos sina Noe at ang kanyang pamilya na nakasakay sa daong mula sa malaking baha na lumipol sa daigdig, iniligtas Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan nito, nahayag ang tagumpay ng Diyos. 

Tunay ngang makapangyarihan ang demonyong si Satanas. Subalit, may higit na makapangyarihan kaysa sa kanya. Ang Panginoong Diyos. Ang Panginoong Diyos ay higit na makapangyarihan kaysa sa demonyo. Ang tagumpay ni Hesus laban sa mga tukso ng demonyo sa ilang at ang tagumpay ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay ay patunay na ang Diyos ay mas makapangyarihan kaysa sa demonyo. Hinding-hindi matatalo ang Diyos laban sa demonyo kailanman. Laging magtatagumpay ang Diyos laban sa demonyo. 

HINDI DAPAT GAWING BIRO

17 Pebrero 2021
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 


Ang taunang obserbasyon ng panahon ng Kuwaresma o ang Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay ay sinisimulan ng Simbahan pagsapit ng Miyerkules ng Abo. Sa pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma tuwing Miyerkules ng Abo taun-taon, itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa halaga ng pagsisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Ipinapaalala ng Simbahan sa bawat isa sa atin na ang buhay natin dito sa mundo ay pansamantala lamang. Hindi man ito halata, maikli lamang ang ating buhay sa lupa. Kaya, habang may panahon pa tayo, kailangan nating magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Ang ating ugnayan sa Diyos ay maiaayos natin sa pamamagitan nito. 

Napapanahon ang mga salita ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang panawagan at pakiusap ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay para sa lahat ng mga Kristiyano. Ang kanyang panawagan at pakiusap sa lahat ng mga Kristiyano ay makipagkasundo sa Diyos (2 Corinto 5, 20). Katunayan, may sinabi rin si Apostol San Pablo tungkol sa tamang panahon kung kailan dapat ito gawin. Sabi niya: "Ngayon na ang panahong nararapat!" (2 Corinto 6, 2). Para kay Apostol San Pablo, ang pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos ay hindi dapat ipagpaliban. Bagkus, ito ay dapat gawin ora mismo. Ngayon ang pinakamagandang panahon upang makipagkasundo sa Diyos. Dapat ngayon pa lamang ay inaayos na natin ang ating ugnayan sa Diyos. Hindi natin alam kung kailan tayo mamamatay at tuluyang mawawala sa mundong ito. Kaya, habang may panahon pa tayo dito sa mundo, dapat nating ayusin ang ating ugnayan sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagsisisi sa ating mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Panginoon, maiaayos natin ang ating ugnayan sa Kanya. 

Kaya naman, isa sa dalawang talata mula sa Banal na Kasulatan ang ginagamit ng pari sa paglalagay ng abo upang iparating sa mga mananampalataya ang panawagan at pakiusap ng Simbahan sa panahong ito. Ang isa ay galing mismo mula sa unang pangaral ng Panginoong Hesukristo: "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya" (Marcos 1, 15). Ang mga salita mula sa isa pang pormula na maaaring gamitin ng pari sa rito ng paglalagay ng abo ay ang mga salita ng Diyos kina Adan at Eba matapos nilang suwayin ang Kanyang utos: "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan" (Genesis 3, 19). Isinasalungguhit ng dalawang talatang ito ang halaga ng pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. 

Subalit, ang pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos ay hindi dapat gawing biro. Dapat nating seryosohin ang pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Ang ating pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos ay dapat maging taimtim, seryoso, at totoo. Ito ang binibigyan ng pansin sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Sabi ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Joel sa Unang Pagbasa: "Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa Akin . . . Magsisi kayo nang taos sa puso, hindi pakitang-tao lamang" (Joel 2, 12). Ito rin ang sabi ni Kristo sa Ebanghelyo. Sabi ni Hesus sa kabuuan ng Ebanghelyo na hindi dapat maging pakitang-tao lamang ang mga gawang nakalulugod sa Diyos katulad ng pananalangin, pag-aayuno, at pagkakawanggawa. 

Ang Panginoon ay hindi naghahanap ng artista. Ang Panginoon ay naghahanap ng mga handang magsisi sa kanilang mga nagawang kasalanan at magbabalik-loob sa Kanya nang taos-puso. Hanap Niya ang mga may mabusilak na puso. Hanap Niya ang mga taos-pusong nagtitika. Hanap Niya ang mga nagnanais na makipagkasundo sa Kanya. 

Ipinapaalala sa atin ng Miyerkules ng Abo na ang pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos ay hindi isang biro o laro. Kaya naman, kinakailangan natin itong seryosohin. Dapat tayong maging seryoso, taimtim, at taos-puso sa ating pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos. Kapag ginawa natin ito, ang ating pagdinggin sa panawagan at pakiusap ng Simbahan sa panahong ito ng Kuwaresma ay magiging tunay at taos-puso.

Sabado, Pebrero 6, 2021

ANG PANGINOON AT TAGAPAGLIGTAS NA PUSPOS NG AWA AT HABAG

14 Pebrero 2021 
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Levitico 13, 1-2. 44-46/Salmo 31/1 Corinto 10, 31-11, 1/Marcos 1, 40-45 


Matatagpuan sa Unang Pagbasa ang konteksto ng kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Nakakatulong ang Unang Pagbasa sa pagninilay sa kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Kailangan nating bigyan ng pansin ang nakasaad sa Unang Pagbasa upang lalo nating maunawaan ang nakasaad sa Ebanghelyo. Nasasaad sa Unang Pagbasa ang batas o patakaran tungkol sa mga taong may ketong. Noong kapanahunang yaon, pinaaalis ang mga taong may ketong mula sa kani-kanilang bayan. Matapos tiyakin ng mga saserdote na may ketong ang isang tao, ang taong iyon ay pinaaalis agad upang hindi niya mahawaan ang kanyang mga kababayan. Ang kanilang palagiang sigaw na "Marumi! Marumi!" ay isang babala para sa ibang tao na tumatahak sa daanang iyon. 

Nakakalungkot at napakahirap ng buhay ng mga ketongin noong kapanahunang yaon. Hindi sila maaaring manatili sa kanilang bayan o makihalubilo sa ibang tao. Kahit na ang sarili nilang pamilya ay hindi nila maaaring makasama dahil sa karamdamang ito. Bawal silang makihalubilo sa ibang tao, kaibigan man sila o pamilya. Mag-isa lamang silang nabubuhay sa labas ng bayan o lungsod. Bawal silang makihalubilo sa iba o bumalik sa kanilang bayan hangga't taglay pa nila ang sakit na ito. Mayroon ring mga ketong na namumuhay na magkasama. Iyon lamang, sila-sila lang na may ketong ang magkasama. 

Ang hangarin ng ketongin sa Ebanghelyo ay napakalinaw. Nais niyang bumalik sa kanyang bayan. Ayaw na niyang mamuhay bilang isang ketongin. Ayaw na niyang iwasan siya ng tao; kaibigan, pamilya, o 'di kaya mga kakilala. Tiyak na pinangarap niyang makihalubilo sa iba sa loob ng mahabang panahon. Iyan ang dahilan kung bakit siya lumapit sa Panginoon. Hindi siya nagdalawang-isip na lumapit kay Hesus upang idulog sa Kanya ang kanyang kahilingan. 

Kung bibigyan natin ng pansin ang tono ng pagmamakaawa ng ketonging ito, makikita natin na naniniwala siya sa Panginoong Hesukristo. Napakalinaw ang pananalig ng ketonging ito kay Kristo kung gagamitin nating basehan ang tono ng kanyang hiling. Ganito niya ipinarating ang kanyang hiling kay Kristo, "Kung ibig po Ninyo, mapagagaling Ninyo ako" (Marcos 1, 40). Kung bibigyan natin ng pansin ang tono ng kanyang pakiusap, makikita natin ang kanyang pananalig sa kapangyarihan ni Hesus na magpagaling. Napakalalim ang pananalig niyang ito. Tila, naghihingi lamang ng pahintulot ang ketonging ito. Ang ketonging ito ay nanalig nang buong puso na si Hesus ay may kapangyarihang pagalingin siya. 

Ipinakita ni Hesus ang Kanyang habag sa ketonging ito. Sa Kanyang tugon pa lamang ay nagpakita na ng habag si Hesus sa ketongin. Ang tugon ni Hesus sa hiling ng ketongin ay: "Ibig Ko. Gumaling ka!" (Marcos 1, 41). Maliwanag na ang ginawa Niyang pagpapagaling sa ketonging ito ay hindi isang pagpapamalas ng kapangyarihan. Hindi pinagaling ni Hesus ang ketonging ito upang ipagmalaki ang Kanyang kapangyarihan. Bagkus, ang ketonging ito ay pinagaling ni Hesus dahil sa Kanyang habag. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang habag sa ketongin sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanya. 

Ang pagiging mahabagin ng Panginoon ay inilarawan sa Salmo. Dahil sa habag ng Diyos, tinutulungan at inililigtas ang Kanyang lingkod. Iyon ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na tumulong at magligtas. Ang Kanyang habag. Ito ang ginawa ng Panginoong Hesus para sa ketongin sa Ebanghelyo. Ang ketongin sa Ebanghelyo ay tinulungan at iniligtas ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanya. 

Sabi ni Apostol San Pablo sa wakas ng Ikalawang Pagbasa na ang pagsunod niya sa halimbawa ni Kristo ay dapat tularan (1 Corinto 11, 1). Kung paanong tinularan ni Apostol San Pablo ang Panginoong Hesukristo, dapat nating tularan ang kanyang ginawa. Tinularan ni Apostol San Pablo ang ginawa ng Panginoon. Kung tutularan natin si Apostol San Pablo at ang iba pang mga banal sa langit, matutularan natin ang Panginoon. Kapag ito'y ginawa natin, ipinakilala natin sa lahat ang Panginoon na puspos ng habag para sa lahat. 

Tayong lahat ay hinahamon ng Simbahan na maging mga misyonero. Bilang mga misyonero, ang bawat isa sa atin ay iniaatasang ipakilala si Kristo. Kapag ang halimbawang ipinakita ni Kristo na sinikap tularan ng mga banal ay sinikap rin nating tularan, naipapakilala natin Siya sa lahat ng tao bilang maawain at mahabaging Panginoon at Tagapagligtas. 

Biyernes, Pebrero 5, 2021

SAPAT NA DAHILAN PARA MAGALAK AT MANALIG

11 Pebrero 2021
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes
Isaias 66, 10-14k/Judith 13/Juan 2, 1-11 


Ang Unang Pagbasa ay nagsimula sa pamamagitan ng isang paanyaya para sa lahat mula kay propeta Isaias. Inaanyayahan ni propeta Isaias ang lahat ng tao na magalak. Ang dahilan kung bakit dapat magalak ang lahat ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Sapat na ang Panginoon para magalak. Kung ang dahilan ng ating kagalakan ay walang iba kundi ang Panginoon, wala na tayong hahanapin pa. Ang Panginoon ay sapat na. 

Sa pagdiriwang ng Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes, tayo ay pinaalalahanan ng Simbahan na ang Diyos ay sapat na dahilan upang magalak. Bakit sapat na ang Diyos? Iyan ay dahil Siya ang bukal ng kagalakan. Ang tunay na kagalakan ay nagmumula sa Diyos at ito'y ipinagkakaloob Niya sa lahat. 

Upang patunayan na Siya'y sapat na, dumating ang Diyos sa daigdig na ito sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus ay isinugo sa daigdig na ito upang ipagkaloob ang pagpapala ng tunay na kaligayahan sa lahat. Ang tunay na kaligayahan na nagmumula sa Diyos ay dumating sa mundong ito sa pamamagitan ni Kristo. Iyan ang dahilan kung bakit Siya'y nagkatawang-tao at isinilang ng Mahal na Inang si Maria. Si Hesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ay naging anak ng Mahal na Birheng Maria upang ipagkaloob sa lahat ng tao ang biyaya ng tunay na kaligayahan. 

Ang misteryong ito ay nababatid ng Mahal na Inang si Maria. Hindi man niya ito lubusang maunawaan, alam niya na ang Diyos ay naparito sa pamamagitan ni Hesus upang ipagkaloob ang tunay na kaligayahang nagmumula sa Kanya. Ang biyayang ito ay hindi lamang Niya ipinagkakaloob sa isang lahi, bayan, o bansa kundi sa lahat ng tao sa mundo. Alam ng Mahal na Ina ang katotohanang ito at ito'y kanyang pinananaligan. Katunayan, ipinakita niya ang kanyang pananalig sa mahiwagang planong ito ng Panginoong Diyos sa Ebanghelyo. Ipinakita ni Maria ang kanyang pananalig sa tunay na kaligayahang ipinagkaloob ng Diyos na dumating sa daigdig sa pamamagitan ni Hesus. Idinulog niya kay Hesus ang problema sa kasalan sa Cana dahil nanalig siyang sapat na ang kanyang Anak upang mawala ang problemang ito. Pinagbigyan ni Hesus ang Kanyang hiling. Dahil dito, nawala ang problema at naging masaya muli ang kasalan sa Cana.

Tayong lahat ay pinapaalalahanan ng Simbahan na mayroon tayong sapat na dahilan upang magalak. Ang Diyos lamang ang dahilan kung bakit dapat tayong magalak. Dapat tayong magalak dahil sa Diyos. Siya ang bukal ng kagalakan. Sa Kanya nagmumula ang tunay na kagalakan. Patuloy Niyang ipinagkakaloob ang biyayang ito sa ating lahat. Katulad ng ating Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Lourdes, tanggapin nawa natin ang biyayang ito na patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin nang may buong pusong pananalig sa Kanya. 

Huwebes, Pebrero 4, 2021

ANG KATOTOHANAN TUNGKOL SA PAGMIMISYON

7 Pebrero 2021 
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Job 7, 1-4. 6-7/Salmo 146/1 Corinto 9, 16-19. 22-23/Marcos 1, 29-39 

Photo courtesy: Good News Productions International and College Press Publishing

"Sa aba ko, kung hindi ko ipangaral ang Mabuting Balita!" (1 Corinto 9, 16). Sa pamamagitan ng mga salitang ito sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo ang kanyang prespektibo tungkol sa kanyang misyon bilang isang apostol at saksi ni Kristo. Sa tulong ng mga salitang ito ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, mauunawaan natin ang dahilan kung bakit labis na pinapahalagahan ng Simbahan ang misyon ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita na tinatawag ring Ebangelisasyon. 

Ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay inilaan niya sa pagpapaliwanag tungkol sa kanyang misyon bilang apostol at saksi ni Kristo sa iba't ibang bayan at bansa. Ipinapaliwanag niya ang kanyang misyon upang ang dahilan kung bakit niya ito ginagawa ay madaling maunawaan ng lahat. Para kina Apostol San Pablo at ng iba pang mga apostol, ang pangangaral tungkol sa Mabuting Balita ay isa lamang tungkuling ipinagkatiwala sa kanila (1 Corinto 9, 17). Ang mga apostol at misyonero katulad nina Apostol San Pablo ay hinirang ng Panginoon upang ipangaral sa lahat ang Mabuting Balita. Pinagpapatuloy pa rin ng Simbahan ang misyong ito sa kasalukuyang panahon. 

Iyon nga lamang, hindi natin dapat isipin na ang misyong ito ay madaling gawin o tuparin. Ang tungkuling ito ay napakahirap. Maraming hamon at pagsubok ang kalakip ng misyong ito. Isa sa mga hamon o pagsubok sa pagiging isang saksi at misyonero ng Panginoon ay inilarawan sa Unang Pagbasa. Ang katotohanan tungkol sa buhay sa daigdig na ito ay inilarawan ni Job sa Unang Pagbasa. Ang buhay ng tao ay puno ng maraming pagsubok. Walang sinumang tao ang makakaligtas mula sa mga hamon at pagsubok sa buhay sa daigdig. Si Job ay hindi nagpaligoy-ligoy tungkol sa katotohanang ito. Hindi niya ito pinagtakpan. Diretsyahan niyang inilarawan ang masakit na katotohanang ito. Katunayan, siya rin ay nakaranas ng mga matitinding pagsubok sa kanyang buhay. 

Ang Panginoong Hesus ay hindi rin naging ligtas mula sa katotohanang ito. Sabi nga ni Job sa Unang Pagbasa na ang tao'y tulad ng aliping naghahangad ng pahinga (7, 2). Pati ang katotohanang ito tungkol sa buhay ay naranasan rin ni Hesus. Maliwanag na inilalarawan ito sa Ebanghelyo. Sunud-sunod ang mga ginawa ni Hesus sa Ebanghelyo. Siya'y nagpunta sa sinagoga, pinagaling ang biyenan ni Apostol San Pedro at iba pang mga maysakit, at marami pang iba. Kinabukasan, Siya'y pumunta sa ibang bayan sa Galilea kasama ang Kanyang mga apostol at ginawa rin Niya doon ang Kanyang ginawa sa nakaraang araw. Binanggit din sa wakas ng Ebanghelyo na nangaral din Siya sa mga sinagoga sa iba't ibang bayan sa Galilea. Iyon nga lamang, walang katiyakan na ang lahat ng tao roon ay naging bukas sa Kanyang mga pangaral. Marahil ay may ilan o marami sa mga naroon na hindi tumanggap sa Kanyang mga pangaral. Isang halimbawa nito ay nang Siya'y umuwi sa Nazaret. Hindi Siya tinanggap doon. 

Madalas nating isipin na hindi mapapagod si Hesus dahil Siya'y Diyos. Subalit, huwag nating kakalimutan na Siya'y naging tunay na tao katulad natin, maliban sa kasalanan. Kaya, nakaranas din Siya ng pagod. Hindi lamang pagod ang Kanyang naranasan kundi sakit din. Hindi lamang pisikal ang sakit na Kanyang naramdaman paminsan-minsan. Nakaranas din Siya ng sakit sa Kanyang puso't damdamin. Nasaktan Siya dahil hindi Siya tinanggap ng lahat. Kung tutuusin, iyon ang dahilan kung bakit Siya ipinako sa krus. Ang Panginoong Hesukristo ay hindi naging ligtas mula sa mga hamon at pagsubok sa buhay dito sa daigdig na ito kahit na Diyos Siya. 

Inaanyayahan tayo ng Panginoon na tuparin ang tungkuling ibinibigay Niya sa bawat isa sa atin. Subalit, hindi ito nangangahulugan na magiging ligtas tayo mula sa mga hamon at pagsubok sa buhay dito sa daigdig. Kaya naman, dapat tayong magpasiya kung tatanggapin at tutuparin natin ang misyong ito na bigay sa atin ng Panginoon. Tayo ang may pasiya. Nais man ng Panginoon na tuparin natin ito, wala Siyang magagawa kung ayaw naman natin itong tuparin.