Huwebes, Pebrero 25, 2021

PAG-IBIG AT HABAG NA NAGHAHATID NG TUNAY NA GALAK

14 Marso 2021 
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
2 Cronica 36, 14-16. 19-21/Salmo 136/Efeso 2, 4-10/Juan 3, 14-21 


Tuwing sasapit ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa kagalakang nagmumula sa Diyos. Kaya nga, ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag ring "Linggo ng Laetare" o "Linggo ng Kagalakan." Habang ang buong Simbahan ay napapaloob pa rin sa panahon ng pagpepenitensya at pagbabalik-loob na tinatawag na Kuwaresma, ipinapaalala sa bawat isa sa atin na ang tunay na kagalakan ay nagmumula sa Diyos. Ang Diyos mismo ang nagbibigay ng tunay na kagalakan. Kaya, kung gusto nating maranasan ang tunay na kagalakan, kailangan nating magbalik-loob sa Diyos. 

Ang Panginoong Diyos ay ipinapakilala ng mga Pagbasa para sa Linggong ito bilang tagapaghatid ng tunay na kagalakan. Ilan sa mga sandali sa kasaysayan ng daigdig kung saan ang Diyos ay naghatid ng tunay na kagalakan sa lahat ay inilarawan sa mga Pagbasa. Siya ang tagapaghatid ng tunay na kagalakang ito. Paulit-ulit Niyang ibinibigay o inihahatid sa lahat ang biyayang ito. Katunayan, hindi na mabilang kung ilang ulit na Niya itong ginawa sa kasaysayan. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa ang relasyon ng Diyos at ng Kanyang bayang hinirang. Ang Diyos ay hindi tumigil sa pagpapakita ng Kanyang pag-ibig para sa kanila, kahit na paulit-ulit nila Siyang tinalikuran at sinuway. Sabi sa unang bahagi ng Unang Pagbasa nagpadala Siya ng mga sugo (2 Cronica 36, 15). Sa ikalawang bahagi ng Unang Pagbasa, inilarawan kung paanong pinalaya ng Diyos ang mga Israelita mula sa pagkakatapon sa Babilonia. Pinukaw Niya ang puso ni Ciro, ang Hari ng Persia, na bigyan ng pahintulot ang mga Israelita na makauwi sa Herusalem. Niloob ng Diyos na matapon ang mga Israelita sa Babilonia dahil sa kanilang pagsuway sa Kanya. Subalit, dahil sa Kanyang pag-ibig at awa, niloob Niyang makabalik sila sa Herusalem. Sa pamamagitan nito, ang Diyos ay naghatid ng galak sa mga Israelita. 

Sa Ebanghelyo, itinampok ang isa sa mga pinakamasikat na talata sa Banal na Bibliya: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan" (Juan 3, 16). Inilarawan ng mga salitang ito ang pinakadakilang biyayang ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan. Ang pinakadakilang biyayang tinukoy sa talatang ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Diyos ay naghatid ng tunay na kagalakan sa lahat ng tao sa mundong ito. 

Bakit mahalagang talakayin ang pag-ibig at habag ng Panginoong Diyos sa pagninilay sa tunay na kagalakang bigay Niya sa lahat? Magkaugnay ang tunay na kagalakang nagmumula sa Diyos sa Kanyang pag-ibig at habag. Ang pag-ibig at habag ng Diyos ay hindi maihihiwalay sa tunay na kagalakang Kanyang kaloob sa lahat. Sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig at habag, inihatid ng Diyos ang biyaya ng tunay na kagalakan. Ang pinagmulan ng biyayang ito, ang tunay na galak, ay nagmumula sa Kanya. Dahil sa Kanyang pag-ibig at habag, ang biyayang ito ay Kanyang ipinagkakaloob sa lahat. 

Katulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, masambit nawa natin ang mga salitang ito: "Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol Niya sa atin!" (Efeso 2, 4). Sa pamamagitan nito, ang habag at pag-ibig ng Diyos na naghahatid ng tunay na kagalakan ay pinatotohanan natin nang buong puso. Kahit na hindi tayo karapat-dapat dahil dami ng ng ating mga salang laban sa Kanya na hindi na mabilang, pinili pa rin Niyang ipagkaloob sa atin ang biyayang ito ng tunay na galak dahil sa Kanyang pag-ibig at habag. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento