17 Pebrero 2021
Miyerkules ng Abo
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18
Ang taunang obserbasyon ng panahon ng Kuwaresma o ang Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay ay sinisimulan ng Simbahan pagsapit ng Miyerkules ng Abo. Sa pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma tuwing Miyerkules ng Abo taun-taon, itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa halaga ng pagsisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Ipinapaalala ng Simbahan sa bawat isa sa atin na ang buhay natin dito sa mundo ay pansamantala lamang. Hindi man ito halata, maikli lamang ang ating buhay sa lupa. Kaya, habang may panahon pa tayo, kailangan nating magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Ang ating ugnayan sa Diyos ay maiaayos natin sa pamamagitan nito.
Napapanahon ang mga salita ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang panawagan at pakiusap ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay para sa lahat ng mga Kristiyano. Ang kanyang panawagan at pakiusap sa lahat ng mga Kristiyano ay makipagkasundo sa Diyos (2 Corinto 5, 20). Katunayan, may sinabi rin si Apostol San Pablo tungkol sa tamang panahon kung kailan dapat ito gawin. Sabi niya: "Ngayon na ang panahong nararapat!" (2 Corinto 6, 2). Para kay Apostol San Pablo, ang pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos ay hindi dapat ipagpaliban. Bagkus, ito ay dapat gawin ora mismo. Ngayon ang pinakamagandang panahon upang makipagkasundo sa Diyos. Dapat ngayon pa lamang ay inaayos na natin ang ating ugnayan sa Diyos. Hindi natin alam kung kailan tayo mamamatay at tuluyang mawawala sa mundong ito. Kaya, habang may panahon pa tayo dito sa mundo, dapat nating ayusin ang ating ugnayan sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagsisisi sa ating mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Panginoon, maiaayos natin ang ating ugnayan sa Kanya.
Kaya naman, isa sa dalawang talata mula sa Banal na Kasulatan ang ginagamit ng pari sa paglalagay ng abo upang iparating sa mga mananampalataya ang panawagan at pakiusap ng Simbahan sa panahong ito. Ang isa ay galing mismo mula sa unang pangaral ng Panginoong Hesukristo: "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya" (Marcos 1, 15). Ang mga salita mula sa isa pang pormula na maaaring gamitin ng pari sa rito ng paglalagay ng abo ay ang mga salita ng Diyos kina Adan at Eba matapos nilang suwayin ang Kanyang utos: "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan" (Genesis 3, 19). Isinasalungguhit ng dalawang talatang ito ang halaga ng pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos.
Subalit, ang pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos ay hindi dapat gawing biro. Dapat nating seryosohin ang pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Ang ating pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos ay dapat maging taimtim, seryoso, at totoo. Ito ang binibigyan ng pansin sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Sabi ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Joel sa Unang Pagbasa: "Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa Akin . . . Magsisi kayo nang taos sa puso, hindi pakitang-tao lamang" (Joel 2, 12). Ito rin ang sabi ni Kristo sa Ebanghelyo. Sabi ni Hesus sa kabuuan ng Ebanghelyo na hindi dapat maging pakitang-tao lamang ang mga gawang nakalulugod sa Diyos katulad ng pananalangin, pag-aayuno, at pagkakawanggawa.
Ang Panginoon ay hindi naghahanap ng artista. Ang Panginoon ay naghahanap ng mga handang magsisi sa kanilang mga nagawang kasalanan at magbabalik-loob sa Kanya nang taos-puso. Hanap Niya ang mga may mabusilak na puso. Hanap Niya ang mga taos-pusong nagtitika. Hanap Niya ang mga nagnanais na makipagkasundo sa Kanya.
Ipinapaalala sa atin ng Miyerkules ng Abo na ang pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos ay hindi isang biro o laro. Kaya naman, kinakailangan natin itong seryosohin. Dapat tayong maging seryoso, taimtim, at taos-puso sa ating pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos. Kapag ginawa natin ito, ang ating pagdinggin sa panawagan at pakiusap ng Simbahan sa panahong ito ng Kuwaresma ay magiging tunay at taos-puso.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento