Biyernes, Pebrero 26, 2021

SAN JOSE: IBINIGAY ANG SARILI SA MISYON

19 Marso 2021 
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen 
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a) 


"Misyong kaloob sa ating puso, aming sarili ay aming handog, laging tapat at laging tugon: Naririto, handa kami, Panginoon!" Ang mga salitang ito ay mula sa koro ng "Awit ng Misyon," ang Tagalog na salin ng awiting "We Give Our Yes!" na ginagamit ng Arkidiyosesis ng Maynila bilang opisyal na awiting pang-misyon sa pagdiriwang ng Ika-500 Taong Anibersaryo ng Pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Kasabay ng Ikalimang Sentenaryo ng Pagdating ng Kristiyanismo sa bansang Pilipinas, ipinagdiriwang rin sa buong taong ito ang Taon ni San Jose, ang Pinatakasi ng Simbahan sa buong daigdig. 

Sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni San Jose sa taong ito, magandang bigyan ng pansin ang tugon ni San Jose sa misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Isinalaysay sa Ebanghelyo ang paghirang ng Diyos kay San Jose. Si San Jose ay binigyan ng isang misyon. Ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos ay ang responsibilidad bilang kabiyak ng puso ng Mahal na Inang si Maria at ama-amahan ng Panginoong Hesukristo. Sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo, mapapansin natin na agad niyang ginawa ang utos ng Diyos na inihayag sa kanya ng isang anghel sa panaginip. Sa pamamagitan ng kanyang ginawa sa wakas ng salaysay ni San Mateo tungkol sa pangyayaring ito sa Ebanghelyo, ibinigay ni San Jose ang kanyang "Oo" sa misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang mga gawa, tahimik na ipinahayag ni San Jose ang kanyang "Oo" sa tawag ng Diyos. 

Kung babalikan natin ang simula ng salaysay sa Ebanghelyo ni San Mateo, nakaranas ng kabiguan si San Jose. Labis siyang nalungkot dahil sa mga usap-usapan tungkol sa Mahal na Birheng Maria. Tunay niyang minahal si Maria at pinangarap niyang mamuhay nang tahimik kasama niya bilang mag-asawa. Ang mga planong ito ni San Jose ay tila gumuho dahil sa pagdadalantao ni Maria na kanyang mapapangasawa. Malapit na siyang ikasal. Tapos, malalaman niyang ang kanyang magiging kabiyak ay nagdadalantao nang hindi pa kasal. Labis na nasaktan si San Jose dahil dito. 

Subalit, sa kabila nito, ibinigay ni San Jose ang kanyang "Oo" sa kalooban ng Diyos. Kahit na siya'y nasa isang madilim na yugto ng kanyang buhay, tumalima pa rin siya sa kalooban ng Diyos. Ibinigay niya ang buo niyang sarili sa misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Nagpasakop siya sa Diyos kahit na labis siyang nalungkot sa mga sandaling iyon. Bakit? Dahil lang ba sa sinabi ng anghel na ang Mahal na Birheng Maria ay naglihi at nabuntis dahil sa kapangyarihan ng Espiritu Santo? Iyon lang ba ang dahilan? 

Kahit papaano, nakaranas ng kapanatagan ng loob si San Jose nang malaman niya sa pamamagitan ng pagbabalita ng anghel sa panaginip na ang Mahal na Birhen ay hindi nagtaksil sa kanya. Subalit, higit pa roon ang dahilan kung bakit ibinigay niya ang kanyang "Oo" sa kalooban ng Diyos. Ibinigay ni San Jose ang kanyang "Oo" sa Diyos dahil sa kanyang pananalig. Nanalig siya sa katapatan ng Diyos na walang hanggan. Nanalig siyang hindi nambibigo ang Diyos. Si San Jose ay buong pusong nanalig na ang Diyos ay mapagkakatiwalaan. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ng Diyos kay propeta Natan ang Kanyang pangako kay Haring David. Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa pananalig ni Abraham sa pangako ng Panginoong Diyos. Tinupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako kina Abraham at Haring David. Hindi Niya binaon sa limot ang mga pangakong ito. Tinupad Niya ang mga ito sa takdang panahon. Sa panahong Siya mismo ang nagtakda, tinupad Niya ang lahat ng mga pangakong ito. Tapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako.

Ang katapatang ito ay umakit kay San Jose na ibigay ang kanyang "Oo" sa tawag ng Diyos. Kahit na wala siyang sinabing salita sa salaysay, ipinakita pa rin niya ang kanyang "Oo" sa kalooban ng Panginoong Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang mga gawa, nahayag ang pagtalima ni San Jose sa kalooban ng Diyos. 

Katulad ni San Jose, ihandog natin sa Diyos ang ating mga sarili. Ibigay natin sa Diyos ang taos-puso nating pagtalima, ang ating "Oo", sa misyong ibinigay Niya sa atin. Mayroong misyong ibinigay sa atin ng Diyos. Ibigay natin ang buong puso nating "Oo" sa tawag ng Diyos na tuparin ang misyong ito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento