21 Pebrero 2021
Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B)
Genesis 9, 8-15/Salmo 24/1 Pedro 3, 18-22/Marcos 1, 12-15
Ang salaysay ng pagtukso ni Satanas kay Hesus sa disyerto ay isinalaysay ng tatlong manunulat ng Mabuting Balita na sina San Mateo, San Marcos, at San Lucas. Tinatawag na mga Sinotikong Ebanghelyo ang tatlong Ebanghelyong ito dahil karamihan sa mga kaganapan sa buhay ni Kristo ay kanilang isinalaysay sa kani-kanilang bersyon ng Magandang Balita. Ang salaysay ng mga nasabing kaganapan sa buhay ni Kristo ay matatagpuan sa tatlong Ebanghelyong ito.
Subalit, may isang mahalagang detalye sa salaysay ni San Marcos tungkol sa pagtukso ni Satanas kay Hesus sa ilang na hindi mahahanap sa mga bersyon nina San Mateo at San Lucas. Kung ikukumpara ang salaysay ng pagtukso kay Hesus sa ilang sa Ebanghelyo ni San Marcos sa mga salaysay na matatagpuan sa Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas, mapapansin natin na mas maikli ang bersyon ni San Marcos. Kung tutuusin, dalawang talata lamang ang inilaan ni San Marcos sa pagsalaysay tungkol sa pagtukso kay Hesus sa ilang. Mas detalyado pa ang mga salaysay sa Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas tungkol sa kaganapang ito sa buhay ni Kristo kaysa sa salaysay tungkol sa nasabing kaganapan na matatagpuan sa Ebanghelyo ni San Marcos.
Walang sinabi si San Marcos tungkol sa tatlong tukso ni Satanas kay Hesus na matatagpuan sa Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas. Kung tutuusin, hindi sinabi ni San Marcos kung ilang ulit tinukso ang Panginoong Hesus. Baka nga, higit pa sa tatlo ang bilang ng mga tukso ni Satanas kay Kristo. Subalit, hindi na importante para kay San Marcos kung ilang ulit nga ba talagang tinukso ang Panginoon sa ilang. Para sa kanya, may mas mahalaga pa roon. Iyon ay ang tagumpay ni Kristo. Ilang ulit man Siyang tuksuhin ng demonyo, hindi nagpatalo ang Panginoong Hesus. Nilabanan at pinagtagumpayan Niya ang mga tukso ng demonyo. Sa huli, ang Panginoong Hesus ay nagwagi laban kay Satanas. Wala nang iba pang makahihigit sa tagumpay na ito ng Panginoon.
Hindi lamang sa disyerto nagtagumpay ang Panginoon laban sa demonyo. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, nagwagi si Hesus laban kay Satanas. Ang tagumpay ng Panginoon laban kay Satanas sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay ay tinalakay ni Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng Simbahan, sa Ikalawang Pagbasa. Iniligtas ni Hesus ang lahat ng mga binyagan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. Ang krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus ang nagbibigay ng saysay sa binyag. Hindi tayo maliligtas sa binyag kung wala ang krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Iyan ang ugnayan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus sa binyag na tinalakay ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa.
Isinalaysay sa Unang Pagbasa ang pakikipagtipan ng Diyos kina Noe at sa kanyang mga anak matapos ang baha. Ang Panginoong Diyos na nagligtas kina Noe at sa kanyang pamilya mula sa napakalaking baha na gumunaw sa daigdig ay nakipagtipan sa kanila. Ipinangako ng Panginoon na hindi na Niya lilipulin sa pamamagitan ng baha ang daigdig (Genesis 9, 15). Ang Diyos na nakipagtipan kay Noe at sa kanyang pamilya matapos ang baha ay dumating sa daigdig nang sumapit ang takdang panahon sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ginawa Niya ito upang iligtas ang sangkatauhan. Kung paanong iniligtas ng Diyos sina Noe at ang kanyang pamilya na nakasakay sa daong mula sa malaking baha na lumipol sa daigdig, iniligtas Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan nito, nahayag ang tagumpay ng Diyos.
Tunay ngang makapangyarihan ang demonyong si Satanas. Subalit, may higit na makapangyarihan kaysa sa kanya. Ang Panginoong Diyos. Ang Panginoong Diyos ay higit na makapangyarihan kaysa sa demonyo. Ang tagumpay ni Hesus laban sa mga tukso ng demonyo sa ilang at ang tagumpay ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay ay patunay na ang Diyos ay mas makapangyarihan kaysa sa demonyo. Hinding-hindi matatalo ang Diyos laban sa demonyo kailanman. Laging magtatagumpay ang Diyos laban sa demonyo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento