7 Pebrero 2021
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Job 7, 1-4. 6-7/Salmo 146/1 Corinto 9, 16-19. 22-23/Marcos 1, 29-39
Photo courtesy: Good News Productions International and College Press Publishing
Ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay inilaan niya sa pagpapaliwanag tungkol sa kanyang misyon bilang apostol at saksi ni Kristo sa iba't ibang bayan at bansa. Ipinapaliwanag niya ang kanyang misyon upang ang dahilan kung bakit niya ito ginagawa ay madaling maunawaan ng lahat. Para kina Apostol San Pablo at ng iba pang mga apostol, ang pangangaral tungkol sa Mabuting Balita ay isa lamang tungkuling ipinagkatiwala sa kanila (1 Corinto 9, 17). Ang mga apostol at misyonero katulad nina Apostol San Pablo ay hinirang ng Panginoon upang ipangaral sa lahat ang Mabuting Balita. Pinagpapatuloy pa rin ng Simbahan ang misyong ito sa kasalukuyang panahon.
Iyon nga lamang, hindi natin dapat isipin na ang misyong ito ay madaling gawin o tuparin. Ang tungkuling ito ay napakahirap. Maraming hamon at pagsubok ang kalakip ng misyong ito. Isa sa mga hamon o pagsubok sa pagiging isang saksi at misyonero ng Panginoon ay inilarawan sa Unang Pagbasa. Ang katotohanan tungkol sa buhay sa daigdig na ito ay inilarawan ni Job sa Unang Pagbasa. Ang buhay ng tao ay puno ng maraming pagsubok. Walang sinumang tao ang makakaligtas mula sa mga hamon at pagsubok sa buhay sa daigdig. Si Job ay hindi nagpaligoy-ligoy tungkol sa katotohanang ito. Hindi niya ito pinagtakpan. Diretsyahan niyang inilarawan ang masakit na katotohanang ito. Katunayan, siya rin ay nakaranas ng mga matitinding pagsubok sa kanyang buhay.
Ang Panginoong Hesus ay hindi rin naging ligtas mula sa katotohanang ito. Sabi nga ni Job sa Unang Pagbasa na ang tao'y tulad ng aliping naghahangad ng pahinga (7, 2). Pati ang katotohanang ito tungkol sa buhay ay naranasan rin ni Hesus. Maliwanag na inilalarawan ito sa Ebanghelyo. Sunud-sunod ang mga ginawa ni Hesus sa Ebanghelyo. Siya'y nagpunta sa sinagoga, pinagaling ang biyenan ni Apostol San Pedro at iba pang mga maysakit, at marami pang iba. Kinabukasan, Siya'y pumunta sa ibang bayan sa Galilea kasama ang Kanyang mga apostol at ginawa rin Niya doon ang Kanyang ginawa sa nakaraang araw. Binanggit din sa wakas ng Ebanghelyo na nangaral din Siya sa mga sinagoga sa iba't ibang bayan sa Galilea. Iyon nga lamang, walang katiyakan na ang lahat ng tao roon ay naging bukas sa Kanyang mga pangaral. Marahil ay may ilan o marami sa mga naroon na hindi tumanggap sa Kanyang mga pangaral. Isang halimbawa nito ay nang Siya'y umuwi sa Nazaret. Hindi Siya tinanggap doon.
Madalas nating isipin na hindi mapapagod si Hesus dahil Siya'y Diyos. Subalit, huwag nating kakalimutan na Siya'y naging tunay na tao katulad natin, maliban sa kasalanan. Kaya, nakaranas din Siya ng pagod. Hindi lamang pagod ang Kanyang naranasan kundi sakit din. Hindi lamang pisikal ang sakit na Kanyang naramdaman paminsan-minsan. Nakaranas din Siya ng sakit sa Kanyang puso't damdamin. Nasaktan Siya dahil hindi Siya tinanggap ng lahat. Kung tutuusin, iyon ang dahilan kung bakit Siya ipinako sa krus. Ang Panginoong Hesukristo ay hindi naging ligtas mula sa mga hamon at pagsubok sa buhay dito sa daigdig na ito kahit na Diyos Siya.
Inaanyayahan tayo ng Panginoon na tuparin ang tungkuling ibinibigay Niya sa bawat isa sa atin. Subalit, hindi ito nangangahulugan na magiging ligtas tayo mula sa mga hamon at pagsubok sa buhay dito sa daigdig. Kaya naman, dapat tayong magpasiya kung tatanggapin at tutuparin natin ang misyong ito na bigay sa atin ng Panginoon. Tayo ang may pasiya. Nais man ng Panginoon na tuparin natin ito, wala Siyang magagawa kung ayaw naman natin itong tuparin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento