2 Pebrero 2021
Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo
Malakias 3, 1-4/Salmo 23/Hebreo 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22-32)
Apatnapung araw makalipas ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo na kilala rin bilang Pista ng Candelaria. Ang kapistahang ito na ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay nakasentro sa larawan ng Panginoong Hesukristo bilang tunay na liwanag ng sanlibutan. Kung tutuusin, ang pagbabasbas ng mga kandila sa simula ng Banal na Misa para sa pistang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay isang pahiwatig nito.
Sabi ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa na Siya ay darating sa Kanyang templo (Malakias 3, 1). Kung tutuusin, inilarawan pa nga ng Panginoong Diyos ang Kanyang pagdating bilang biglaan. Ang Diyos ay biglang darating. Ano ang dahilan ng Kanyang pagdating? Sabi sa Unang Pagbasa na darating ang Diyos upang hatulan at dalisayin ang mga saserdote (Malakias 3, 3). Sa iba pang mga salin ng mga talatang ito, hindi lamang hahatulan at dadalisayin ng Panginoong Diyos ang mga saserdote kundi ang mga anak o angkan ni Levi. Ang layunin ng pagdating ng Panginoon ay dalisayin ang lahat.
Paano naman dinalisay ng Panginoon ang lahat ng taong kabilang sa angkan o lahi ni Levi? Inilarawan ito sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa na pinalaya ni Kristo ang lahat ng mga naging alipin ng kasamaan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang sariling kamatayan (2, 14-15). Ito ang tinukoy ni Simeon sa kanyang pahayag sa Mahal na Birheng Maria matapos niyang ipakilala ang Banal na Sanggol na si Hesus bilang tunay na liwanag sa kanyang kantikulo sa Ebanghelyo. Sabi ni Simeon sa Mahal na Inang si Maria sa bahaging iyon ng Ebanghelyo na isang balaraw ang tatarak kanyang puso dahil sa sasapitin ng kanyang Anak na si Hesus (Lucas 2, 35). Si Hesus, ang Anak ng Diyos at Anak ni Maria, ay mamamatay sa krus sa isang bundok na tinatawag Kalbaryo o Golgota upang linisin ang lahat ng tao sa daigdig mula sa bahid ng kasalanang umalipin sa kanila.
Si Hesus, ang tunay na liwanag, ay dumating sa daigdig upang dalisayin ang lahat ng tao. Dumating Siya upang palayain tayo mula sa pagkaalipin sa ilalim ng kadiliman at kasalanan na pinamumunuan ng demonyong si Satanas. Dahil kay Hesus, hindi na tayo mga alipin ng kasamaan at kamatayan. Bagkus, tayo'y malaya na. Malaya na tayong makapamumuhay bilang mga anak ng Diyos. Ang bawat isa sa atin ay may kalayaang mamuhay bilang mga inampong anak ng Diyos dahil sa pagdanak ng dugo ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus, ang tunay na liwanag.
Ang mga kandilang binasbasan sa simula ng Banal na Misa para sa pistang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay nagsisilbing paalala at sagisag ng tunay na liwanag na si Hesus. Ang tunay na liwanag na nagmula sa langit na walang iba kundi ang Panginoong Hesus ay dumating sa daigdig upang tayo ay palayain mula sa pagkaalipin sa kadiliman. Hindi na tayo namumuhay bilang mga alipin ng kadiliman dahil pinalaya tayo ng tunay na liwanag na si Kristo. Si Kristo, ang tunay na liwanag na nagmula sa langit, ay nagtagumpay laban sa demonyong si Satanas, ang Prinsipe ng Kadiliman. Ginawa Niya ang kahanga-hangang bagay na ito sa pamamagitan ng Kanyang paghahain ng sarili sa krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito, pinalaya tayo ni Kristo mula sa pagkaalipin sa ilalim ng kadiliman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento