24 Enero 2021
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Jonas 3, 1-5. 10/Salmo 24/1 Corinto 7, 29-31/Marcos 1, 14-20
Sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa takdang panahon. Ipinahiwatig niyang may mahalagang mangyayari pagsapit ng panahong ito. Katunayan, iyon ang ipinahiwatig ng linya sa huling bahagi ng kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Sabi niya sa huling bahagi ng kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ay mapaparam ang lahat ng bagay (1 Corinto 7, 31). Kung gagamitin ang Ingles na salin ng kanyang sinabi, ang mga bagay na tinukoy ni Apostol San Pablo ay ang mga bagay sa kasalukuyan.
Ano ang mangyayari sa takdang panahong tinutukoy ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa? Ano naman itong takdang panahong sasapit balang araw? Ito'y sinagot ni Hesus sa simula ng Kanyang pangaral sa Ebanghelyo. Katunayan, si Hesus ay nagsalita tungkol sa dalawang takdang panahon sa Ebanghelyo. Ang unang takdang panahon na tinukoy sa pangaral ni Hesus ay ang panahon ng katuparan, kung gagamitin natin ang Ingles na salin ng Ebanghelyo. Ano naman ang natupad? Ang pangako ng Panginoong Diyos. Ipinangako ng Diyos sa Lumang Tipan na ipapadala Niya ang Mesiyas. Ang pangakong ito ay natupad sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Hindi kinalimutan ng Diyos ang pangakong ito. Tinupad Niya ito sa takdang panahon sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Ang pangalawang takdang panahon na tinukoy ni Kristo sa Kanyang pangaral sa Ebanghelyo ay walang iba kundi ang pagdating ng paghahari ng Diyos. Darating ang panahon kung kailan ang Diyos ay maghahari sa lahat. Mapapasailalalim ang lahat sa paghahari ng Diyos. Sa huli, isa lamang ang mananatili, at iyon ay ang kaharian ng Diyos. Sabi nga sa isa sa mga pangaral ni Apostol San Pablo sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto, "lubusang maghahari ang Diyos sa kalahat-lahatan" (15, 28).
Natupad ang pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Si Kristo ay dumating bilang Tagapagligtas sa panahong itinakda ng Ama. Tinupad nga ng Diyos ang paulit-ulit Niyang ipinangako sa Lumang Tipan sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Kanyang Bugtong na Anak. Hindi lamang ito nakatala sa Banal na Bibliya kundi pati na rin sa kasaysayan ng daigdig. Kinikilala ng kasaysayan ng mundo si Hesus; iyon nga lamang, hindi ito katulad ng pagkilala natin sa Kanya bilang mga Kristiyano. Dumating si Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, upang tuparin ang pangako ng Diyos. Ang lahat ng ito ay nangyari sa panahong itinakda ng Diyos.
Mahigit dalawang libong taon na ang nakararaan mula noong tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Pero, hindi lamang iyon ang takdang panahon na tinukoy ni Hesus sa Ebanghelyo. Huwag nating kakalimutan na dalawa ang takdang panahong inilarawan ng Panginoon sa Ebanghelyo. Natapos na ang unang takdang panahong inilarawan ni Hesus. Inaalala natin ito araw-araw sa tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa at binabasa ang Banal na Bibliya. Subalit, habang ito ay inaalala natin, mayroon tayong kailangang gawin. Habang inaalala natin ang pagdating ng Panginoong Hesukristo bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas noong unang takdang panahon, ang ikalawang takdang panahong tinukoy ni Hesus sa Ebanghelyo ay dapat nating paghandaan. Napakahalaga ng mangyayari sa nasabing panahon. Kaya naman, dapat nating ihanda ang ating mga sarili.
Paano nating maihahanda ang ating mga sarili para sa pagsapit ng panahong ito na tunay ngang napakahalaga? Tularan ang mga taga-Nineve nang marinig nila ang mensahe ng Panginoon na ipinarating sa kanila ng propeta Jonas sa Unang Pagbasa. Nang ilahad ng propetang si Jonas ang mensahe ng Diyos sa kanila, agad silang nagkaisa bilang isang bayan sa pagsisisi at paghingi ng awa at habag mula sa Panginoong Diyos. Dahil dito, kinahabagan sila ng Diyos at hindi na natuloy ang paggunaw sa Nineve. Tularan din natin ang ginawa ng mga unang alagad ng Panginoong Hesus. Halos parehas ang kanilang ginawa sa ginawa ng mga taga-Nineve sa Unang Pagbasa, iyon nga lamang, iba nga lamang ang konteksto. Tinalikuran nila ang dati nilang pamumuhay bilang mga mamamalakaya o mangingisda nang sila'y tawagin ni Hesus.
Bakit natin kailangang paghandaan ang pagdating ng paghahari ng Diyos sa pangalawang panahong itinakda? Bakit napakahalaga ang pagdating ng kaharian ng Diyos? Isa lamang ang dahilan. Ang kaharian ng Diyos ay walang hanggan. Gaya ng sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, ang lahat ng bagay sa mundong ito ay tuluyang maglalaho balang araw. Darating din ang araw kung kailan mawawala ang lahat ng bagay sa mundong ito. Ang lahat ng uri ng kasakiman, kawalan ng katarungan, pang-aapi, ay tuluyang maglalaho at mawawala. May hangganan ang lahat ng iyon. Isa lamang ang walang hanggan - iyon ay walang iba kundi ang paghahari ng Diyos.
Ipinapaalala sa atin ngayong Linggo na may hangganan ang lahat ng bagay, maliban sa isa. Ang lahat ng uri ng kasamaan sa mundo katulad ng pang-aapi, katiwalian, kawalan ng katarungan, pagsasamantala, walang awang pagpatay sa mga inosente, at iba pang mga gawaing katulad nito ay may hangganan. Sa lahat ng mga kumukunsinti sa mga bagay na iyon, may araw din kayo. Darating din ang panahon na magwawakas ang lahat ng iyon. Darating ang panahon na hindi na ninyo magagawa ang mga ito o magpapairal nito. Hindi mananatili ang mga iyon magpakailanman. Isa lamang ang mananatili magpakailanman. Isa lamang ang walang katapusan. Ang kaharian ng Diyos. Sa walang hanggang kaharian ng Diyos, ang tunay na katarungan, kapayapaan, awa, at habag ay iiral at lalaganap.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento