Huwebes, Enero 7, 2021

ANG PAGPAPAKILALA SA HINIRANG

10 Enero 2021 
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (B) 
Isaias 55, 1-11 (o kaya: 42, 1-4. 6-7)/Isaias 12 (o kaya: Salmo 28)/1 Juan 5, 1-9 (o kaya: Mga Gawa 10, 34-38)/Marcos 1, 7-11


Isang napakahalagang pangyayari sa buhay ng Panginoong Hesukristo ay ang pagbibinyag sa Kanya sa Ilog Jordan. Nang si Hesus ay binyagan ni San Juan Bautista sa Ilog Jordan, ang Espiritu Santo ay bumaba mula sa langit sa anyo ng isang kalapati at nagsalita ang Amang nasa langit. Si Hesus ay ipinakilala ng Ama at Espiritu Santo. Dumating ang tinukoy ni San Juan Bautista na higit na makapangyarihan at dakila kaysa sa kanya (Marcos 1, 7). Siya ay ipinakilala sa lahat ng Ama at ng Espiritu Santo. Ang mismong Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus, ang ipinangakong Mesiyas, ay ang tinukoy ni San Juan Bautista. Ang kaganapang ito sa buhay ng Panginoong Hesukristo ay isinalaysay sa Banal na Ebanghelyo sa araw na ito. Katunayan, inilaan ng Simbahan ang Linggong ito upang ipagdiwang at alalahanin ang pangyayaring ito sa buhay ni Kristo. 

Ang bininyagan ni San Juan Bautista sa Ilog Jordan na si Hesus ay dumating sa daigdig para sa isang dahilan. Ang dahilan na ito ay inilarawan ni Apostol San Juan sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Juan na ibinubo ni Hesus ang Kanyang dugo noong Siya'y mamatay (1 Juan 5, 6). Siya'y pumarito sa mundo upang mamatay sa krus alang-alang sa lahat. Dumating si Hesus sa daigdig na ito upang maging hain para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Ginawa Niya sapagkat ito ang kalooban ng Diyos. Niloob ng Diyos na si Hesus ay mamatay sa krus bilang hain para sa ikapagpapatawad ng mga sala ng sangkatauhan. Kahit alam Niyang napakasakit ito, buong kababaang-loob na tinanggap, sinunod, at tinupad ni Kristo ang kaloobang ito ng Diyos. 

Niloob ng Diyos na ang Kanyang Bugtong na Anak ay dumating sa daigdig upang mamatay bilang handog alang-alang sa sangkatauhan dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob. Ang Kanyang habag, kagandahang-loob, at pag-ibig ay inilarawan sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias. Katunayan, ang mga salita sa Unang Pagbasa ay galing sa Panginoong Diyos mismo. Inihayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob sa Unang Pagbasa. Kung paano Niya ito inihayag sa pamamagitan ng Kanyang lingkod na si Propeta Isaias, inihayag Niya ito sa pamamagitan ni Hesukristo sa Bagong Tipan. Ang Panginoong Hesus ay ang pinakadakilang larawan ng pag-ibig, habag, at kagandahang-loob ng Diyos. 

Sa Pagbibinyag sa Panginoong Hesukristo sa Ilog Jordan, mayroong ipinakilala ang Diyos sa lahat. Ipinakilala Niya ang magtutupad sa Kanyang kalooban na walang iba kundi ang Kaniyang Bugtong na Anak. Sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus, tutuparin ng Diyos ang Kanyang kalooban. Ang kadakilaan ng Diyos ay mahahayag sa pamamagitan nito. 

May mahalagang nangyari noong si Kristo ay binyagan ni San Juan Bautista sa Ilog Jordan. Ipinakilala sa lahat ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, ang Hinirang ng Diyos. Inihayag sa lahat kung paanong matutupad ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ni Kristo, ang kalooban ng Diyos ay matutupad. Ililigtas Niya ang lahat ng tao sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento