Biyernes, Enero 22, 2021

MAAARING MAGING MISYONERO ANG BAWAT ISA

25 Enero 2021 
Kapistahan ng Pagbabagong-Buhay ni Apostol San Pablo 
Mga Gawa 22, 3-16 (o kaya: 9, 1-22)/Salmo 116/Marcos 16, 15-18 


Bilang mga Kristiyano, si Apostol San Pablo ay kinikilala at pinararangalan natin dahil sa kanyang kabanalan at katapatan sa Diyos. Kinikilala natin ang kanyang papel bilang isang apostol at misyonero. Katulad ng iba pang mga apostol, si Apostol San Pablo ay naglakbay sa napakaraming lugar sa kanyang misyon o ministeryo. Ang kanyang pagmimisyon ay hindi naging limitado sa iisang lugar lamang. Marami siyang pinuntahan. Sa bawat lugar na kanyang pinuntahan, siya'y laging nangaral tungkol sa Mabuting Balita. Saan man siya nagtungo sa kanyang pagmimisyon, lagi siyang nangaral sa mga tao tungkol sa Panginoong Hesukristo. Lagi niyang bukambibig si Kristo saan man siya nagpunta. 

Subalit, kung tayo ay pamilyar sa mga pangunahing elemento at detalye ng kuwento tungkol sa kanyang buhay, masasabi nating nakakagulat ang pagpili ng Panginoon sa kanya. Hindi akalain na pipiliin siya ng Panginoon matapos ang lahat ng mga ginawa niya sa mga unang Kristiyano. Ang nagtangkang usigin at ubusin ang lahat ng mga sinaunang Kristiyano ay pinili ng Panginoon upang maging Kanyang misyonero sa mga Hentil. Talagang nakapagtataka ito. Bakit ang nagtangkang usigin ang mga Kristiyano ang pinili pa ng Panginoon? 

Pinatotohanan mismo ni Apostol San Pablo ang kanyang mga ginawa laban sa mga sinaunang Kristiyano sa Unang Pagbasa. Subalit, hinirang siya ni Kristo upang gampanan ang isang napakahalagang misyon. Ang misyon na ibinigay ni Hesus sa mga apostol sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo ay Kanya ring ibinigay kay Saulo na mas kilala bilang si Apostol San Pablo. Nakapagtataka naman ito. Bakit naman ipinasiya ng Panginoon na gawin ito? Sa dinadami-dami na maaaring pagpilian, iyon pang nagtangkang usigin ang mga sinaunang Kristiyano ang Kanyang pinili. 

Oo, buong sigasig na inusig ni Apostol San Pablo ang mga sinaunang Kristiyano bago siya nagbagong-buhay. Subalit, sa kabila ng kanyang mga ginawa laban sa mga sinaunang Kristiyano, pinili at hinirang pa rin siya ng Panginoong Hesus upang maging apostol at misyonero sa lahat ng mga bansa, lalung-lalo na sa mga Hentil. Ginawa ito ng Panginoon dahil sa Kanyang awa at habag. Dahil sa awa ni Hesus, si Apostol San Pablo ay naging isang apostol at misyonero. Isa itong patunay na may kapasidad ang bawat isa na maging misyonero. Ang awa at habag ng Diyos ay ang dahilan nito. 

Itinuturo sa atin ng Kapistahan ng Pagbabagong-Buhay ni Apostol San Pablo na ang bawat isa ay maaaring maging saksi at misyonero ng Panginoon. Kahit na sino ay maaaring piliin ng Panginoon upang maging Kanyang saksi. Kung ang dating tagausig ng mga sinaunang Kristiyano na si Saulo na mas kilala bilang si Apostol San Pablo ay pinili at hinirang ng Panginoon upang maging Kanyang misyonero, ano pa kaya tayo? Tayong lahat ay mga makasalanan. Subalit, sa kabila nito, tinatawag at pinipili tayo ng Panginoon upang maging Kanyang mga saksi at misyonero. Iyan ay dahil sa Kanyang awa. 

Kahit na tayo'y mga makasalanan, tinatawag pa rin tayo ng Panginoon upang maging Kanyang mga saksi at misyonero dahil sa Kanyang awa at habag. Ang tanong - tatanggapin ba natin ang paanyayang ito? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento