31 Enero 2021
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Deuteronomio 18, 15-20/Salmo 94/1 Corinto 7, 32-35/Marcos 1, 21-28
(Photo credits: Good News Productions International and College Press Publishing via FreeBibleimages.com)
Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay tungkol sa misyon. Tintulungan tayo ng mga Pagbasa na unawain ang halaga ng pagmimisyon. Ang mga panauhing itinatampok sa mga Pagbasa ay may mga misyon. Isa lamang ang nagbigay sa kanila ng kanilang misyon. Isa lamang ang pinagmulan ng kanilang misyon. Ang pinagmulan ng kanilang misyon ay walang iba kundi ang Panginoon. Iyan ang dahilan kung bakit labis nilang pinapahalagahan ang kanilang mga misyon. Ang misyon ng mga panauhing itinatampok sa mga Pagbasa ay galing sa Diyos.
Inilarawan ni Moises sa Unang Pagbasa ang misyon ng mga propeta. Ang mga propeta ay hinihirang ng Diyos upang magsalita sa Kanyang bayan. Ilalahad nila ang mensahe ng Diyos sa Kanyang bayan. Iyan ang dahilan kung bakit may mga propetang katulad na lamang nina Isaias, Jeremias, Nehemias, Malakias, Ezra, Ezekiel, at marami pang iba sa Lumang Tipan. Isa lamang ang dahilan kung bakit pinili at hinirang sila ng Diyos. Ang mga propeta ay hinirang ng Diyos upang maging Kanyang mga tagapagsalita sa Kanyang bayan.
Hindi tinigil ang Diyos ang pagbibigay ng mga misyon sa mga tao nang matapos ang Lumang Tipan. Kahit sa mga taon nang maganap ang mga pangyayari sa Bagong Tipan, patuloy na nagbigay ng misyon ang Diyos. Marami pa rin Siyang pinili at hinirang upang tuparin ang misyong ibinibigay Niya sa kanila. Nandiyan si San Juan Bautista. Siya'y hinirang ng Diyos upang ihanda ang daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus, ang kanyang kamag-anak. Nandiyan din si Apostol San Pablo na naglakbay sa iba't ibang mga lugar bilang misyonero. Ang Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito ay isang bahagi ng kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto. Ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa bahaging ito ng kanyang sulat ang layunin ng kanyang misyon bilang apostol at saksi ni Kristo. Sabi niya sa wakas ng kanyang mensahe na ginagawa niya ito upang tulungan silang mamuhay nang maayos at lubusang makapaglilingkod sa Panginoon (1 Corinto 7, 35). Iyan ang dahilan kung bakit si Apostol San Pablo ay naging isang misyonero. Hinirang ng Panginoon si Apostol San Pablo upang maging Kanyang apostol at misyonero nang sa gayon ay matulungan niya ang iba pang mga mananampalataya na mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos.
Si Hesus ay hindi naging iba. Maski si Hesus ay binigyan ng isang misyon. May dahilan kung bakit dumating si Hesus sa daigdig. May misyong ibinigay ng Ama kay Hesus. Si Hesus ay hindi nagkatawang-tao upang libutin ang mundong ito bilang isang turista. Si Hesus ay hindi dumating sa mundo upang magbakasyon mula sa langit. Bagkus, naparito si Hesus upang iligtas ang sangkatauhan. Ang pangaral ng Panginoon at ang Kanyang ginawang pagpapalayas ng masamang espiritu mula sa isang taong inaalihan nito sa Ebanghelyo ay pasulyap lamang ng Kanyang misyon. Ang misyon ni Hesus ay ihayag ang tagumpay ng awa at habag ng Diyos sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito, ang Panginoong Hesus na ating Tagapagligtas ay nagtagumpay laban sa demonyong si Satanas. Kahit na ang Panginoong Hesus ay Diyos, nagkaroon rin Siya ng misyon. Ang Kanyang misyon ay iligtas ang sangkatauhan. Ang awa at habag ng Diyos ay nahayag sa pamamagitan ng misyong ito.
Katulad ng Panginoong Hesukristo, ni Apostol San Pablo, ni Moises, at ng mga propeta sa Lumang Tipan, mayroong misyong ibinibigay sa atin ang Diyos. Ang misyong ibinibigay ng Diyos sa atin bilang mga Kristiyano ay ipakilala Siya sa lahat. Ang ating misyon ay ipakilala ang Diyos na puspos ng pag-ibig, awa, at habag para sa lahat. Iniatasan tayo ng Panginoon na maging Kanyang mga saksi. Hinirang tayo ng Diyos upang maging Kanyang mga misyonero.
Tayong lahat ay inaanyayahan ng Diyos na tanggapin ang Kanyang pagpili at paghirang sa atin. Hinirang tayo ng Diyos para sa isang misyon. Ang bawat isa sa atin ay tinatanong sa Linggong ito kung tatanggapin natin ang misyong ito. Iyan ang dapat nating suriin at pag-isipang mabuti. Tayo ang magpapasiya kung ang misyong ito ay tatanggapin natin o hindi.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento