Biyernes, Hunyo 26, 2020

SA TULONG NG DIYOS, MAKAKAMIT ANG TAGUMPAY

29 Hunyo 2020 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19 


Ang araw na ito ay inilaan sa pagbibigay pugay at parangal sa dalawang Santo na kinikilala bilang mga haligi ng Simbahan - sina Apostol San Pedro at San Pablo. Buong kagalakang nagpapasalamat ang Simbahan sa Panginoong Diyos sa araw na ito ng pagpipista dahil hinirang Niya ang dalawang apostol na ito upang ipakilala Siya sa lahat ng tao sa daigdig. Ang Simbahan ay nagpapasalamat rin sa Diyos dahil hindi Niya pinabayaan ang dalawang apostol na ito. Ang dalawang apostol na ito ay hindi magtatagumpay sa kanilang misyon kung hindi dahil sa Diyos na laging tumulong at gumabay sa kanila. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa kung paanong naranasan nina Apostol San Pedro at San Pablo ang pagtulong ng Diyos sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sa bawat sulok ng daigdig. Si Apostol San Pedro ang itinalaga ni Hesus bilang unang Santo Papa ng Kanyang Simbahan dito sa lupa. Gaya ng nasasaad sa Ebanghelyo, ibinigay ni Hesus kay Apostol San Pedro ang mga susi sa kaharian ng langit (Mateo 13, 19). Ang mga susing ito ay sumasagisag sa kapangyarihang ibinigay sa kanya ng Panginoong Hesus bilang unang Santo Papa ng Simbahan. Subalit, sa kabila ng tungkuling ibinigay sa kanya ng Panginoong Hesus, hindi siya naging ligtas mula sa mga tukso at pagsubok sa buhay. Hindi siya naging ligtas mula sa pag-uusig. Gaya ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro, hindi rin naging ligtas mula sa mga pag-uusig, pagsubok, at tukso si Apostol San Pablo. Hinirang ng Panginoong Hesukristo si Apostol San Pablo upang magpatotoo sa Kanya (Mga Gawa 9, 15). Kahit na inusig niya noon ang mga sinaunang Kristiyano, hinirang pa rin siya ng Panginoon upang sumaksi sa Kanya. Subalit, kahit na tinalikuran niya nang tuluyan ang kanyang buhay bilang tagausig ng mga Kristiyano, hindi siya naging ligtas mula sa mga madidilim na sandali ng buhay dito sa lupa. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong isinugo ng Panginoon ang Kanyang anghel upang tulungan si Apostol San Pedro na makatakas mula sa bilangguan. Sa mga sandaling iyon, natitiyak nang mamatay si Apostol San Pedro dahil binalak ni Haring Herodes na siya'y iharap sa bayan bago patayin (Mga Gawa 12, 4-5). May balak si Haring Herodes na ipapatay si Apostol San Pedro upang matuwa ang mga tao. Subalit, ipinadala ng Diyos ang Kanyang anghel upang tiyakin ang kaligtasan ni Apostol San Pedro. Ipinadala ng Panginoon ang Kanyang anghel upang iligtas at itakas si Apostol San Pedro mula sa bilangguan. Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagpatotoo tungkol sa pagtulong ng Panginoon. Inilarawan niya kung paano siya tinulungan ng Diyos sa bawat sandali ng kanyang misyon. Hindi siya binigo at pinabayaan ng Panginoong Diyos kailanman. Lagi Niyang sinamahan si Apostol San Pablo hanggang sa huli. 

Hindi naging ligtas mula sa mga tukso, pagsubok, at pag-uusig sina Apostol San Pedro at San Pablo. Hindi naging maginhawa ang buhay nina Apostol San Pedro at San Pablo sa lahat ng oras noong sila ay namumuhay pa dito sa daigdig. Subalit, tinupad pa rin nila ang kanilang misyon nang buong katapatan hanggang sa huli dahil lagi silang tinulungan at sinamahan ng Panginoong Diyos. Nanalig silang lagi nilang kasama ang Diyos upang sila'y samahan at tulungan sa lahat ng oras. Iyon ang nagbigay sa kanila ng katatagan upang buong katapatan nilang tuparin ang kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo hanggang sa huli. 

Buong kagalakang pinararangalan sina Apostol San Pedro at San Pablo sa araw na ito dahil naging matagumpay sila sa pagtupad sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo. Isa lamang ang dahilan kung bakit sila'y nagtagumpay - lagi silang tinulungan at sinamahan ng Diyos. Hindi sila pinabayaan ng Diyos na mapahamak o mabigo kailanman. Sa tulong ng Diyos, nanatiling tapat ang dalawang apostol na ito sa Kanya hanggang sa huli. 

Naging matagumpay sina Apostol San Pedro at San Pablo dahil tinulungan sila ng Panginoon sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang Kanyang mga saksi sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Makakamit rin natin ang tagumpay katulad ng dalawang apostol na ito at ng marami iba pang mga santo sa langit sa tulong ng Diyos. Ang bawat isa sa atin ay lagi Niyang sasamahan at tutulungan. Tutulungan Niya tayong makamit ang tagumpay katulad ng mga banal sa langit. 

Huwebes, Hunyo 25, 2020

TAOS-PUSONG PAGTANGGAP SA PANGINOON

28 Hunyo 2020 
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
2 Hari 4, 8-11. 14-16a/Salmo 88/Roma 6, 3-4. 8-11/Mateo 10, 37-42 


Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay tungkol sa pagtanggap sa Diyos. Ang bawat isa sa atin ay makakapulot ng aral mula sa mga Pagbasa para sa araw na ito tungkol sa pagtanggap sa Panginoong Diyos. Sa tulong ng mga Pagbasa para sa Linggong ito, matututunan natin ang kahulugan ng pagtanggap sa Panginoong Diyos at kung paano natin Siya matatanggap. Mahalagang matutunan nating lahat kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagtanggap sa Panginoong Diyos upang maging makatotohanan at taos-puso tayo kapag ipinasiya natin itong gawin. 

Inilarawan ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ang kahulugan ng pagtanggap sa Diyos. Ang pagtanggap sa Diyos nang taos-puso ay ang pagtakwil at pagtalikod sa makasalanang pamumuhay. Ituring ang sarili bilang patay na sa kasalanan (Roma 6, 11). Iyan ang ibig sabihin ng pagtanggap sa Diyos nang taos-puso. May kapalit ang pagtanggap sa Diyos. Ang kapalit ng pagtanggap sa Diyos ay ang pagtalikod sa kasalanan. Kapag ang Panginoon ay taos-pusong tinanggap ng bawat isa sa atin, sinisimulan nating mamuhay para sa Kanya. Ang pagtanggap sa Panginoong Diyos ay nangangahulugang pagtanggap at pagsimula ng isang uri ng pamumuhay na kalugud-lugod sa Kanyang paningin. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong si propeta Eliseo ay tinanggap ng isang mag-asawa sa kanilang tahanan. Si Eliseo ay kinilala ng babae bilang isang lingkod ng Diyos (2 Hari 4, 9). Dahil diyan, binuksan ng mag-asawa ang kanilang tahanan para kay propeta Eliseo. Pinaghandaan nila siya ng isang silid at marami pang iba. Naniwala sila na kapag tinanggap nila ang isang lingkod ng Panginoon, may pagpapala sila mula sa Panginoon. Ang mag-asawang ito ay naniwalang sila'y kalulugdan at pagpapalain ng Diyos dahil tinanggap nila ang Kanyang lingkod. 

Ang Panginoong Hesukristo ay nagsalita sa mga apostol tungkol sa kahulugan ng pagtanggap sa Kanya at ang biyayang dulot nito. Para sa Panginoong Hesus, ang mga tumatanggap sa Kanya ay yaong mga sumusunod sa Kanya. Kung hangad ng bawat isa sa atin na maging taos-puso ang pagtanggap sa Panginoon, kailangang natin maging handang sumunod sa Kanya. Para kay Kristo, kung tunay nga Siyang tinatanggap ng bawat isa bilang Panginoon at Diyos, dapat silang maging handang sumunod sa Kanya. Ang mga tumatanggap kay Hesus bilang Panginoon at Diyos ay dapat sumunod sa Kanya hanggang sa huli. Kapag iyon ang ginawa ng bawat isa, sila'y makakatanggap ng biyaya. Ang mga tatanggap at susunod kay Hesus hanggang sa huli ay magkakaroon ng buhay (Mateo 10, 38). Pagkakalooban sila ng buhay na walang hanggan sapagkat pinili nilang tanggapin at sundin si Hesus, kahit ang buhay nila dito sa lupa ang magiging kapalit nito. 

Inilarawan sa mga Pagbasa na ang pagtanggap sa Diyos ay hindi madali. May mga sakripisyong kailangan nating gawin alang-alang sa Diyos. Kailangan natin Siyang unahin. Hindi Siya dapat magkaroon ng mga kakumpetensya sa ating buhay. Ang Kanyang kalooban ay dapat sundin. Kailangan nating sumunod sa Kanya sa kabila ng mga pagsubok sa buhay dito sa lupa. Hindi biro ang pagtanggap sa Panginoong Diyos. Mahirap tanggapin ang Panginoon. Kahit na ang Panginoon pa mismo ang ating tatanungin, sasabihin Niyang hindi Niya ipinangakong mawawala ang lahat ng problema natin sa buhay natin dito sa mundo kapag sumunod tayo sa Kanya. 

Pagtalikod sa makasalanang pamumuhay. Paglimot sa mga bagay na nauukol sa sarili. Pagpasan ng krus. Pagsunod kay Kristo Hesus. Hindi biro gawin ang mga iyan. Huwag nating linlangin ang ating mga sarili. Mukha ngang madali, pero hindi. Hindi biro gawin ang mga ito. Mahirap talaga itong gawin. 

Ang bawat isa sa atin ay tinatanong sa Linggong ito kung handa ba talaga tayong tanggapin ang Panginoon. Handa ba talaga tayong tanggapin ang Panginoon sa buhay natin? Suriin natin nang mabuti ang ating sarili. Pagpasiyahan natin ito nang mabuti. Kapag tinanggap natin ang Panginoon sa ating buhay, wala nang atrasan. 

Linggo, Hunyo 21, 2020

LAGING SAKLOLO

27 Hunyo 2020 
Kapistahan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo 
Ebanghelyo: Juan 19, 25-27 


Sa Ebanghelyo para sa araw na ito, inihabilin ng Panginoong Hesus ang Mahal na Birheng Maria sa pangangalaga ni Apostol San Juan. Subalit, hindi lamang si Maria ang inihabilin ni Hesus. Bagkus, si Apostol San Juan ay inihabilin rin ni Hesus sa pangangalaga ng Mahal na Birheng Maria. Ito'y madalas nating hindi napapansin kapag binabasa o pinapakinggan natin ang bahaging ito ng Pasyon ni Kristo. Si Apostol San Juan ay inihabilin rin ni Hesus sa Mahal na Ina. Sa sandaling iyon, inihabilin ng Panginoong Hesukristo ang sambayanang Kristiyano sa maka-inang pagkalinga ni Maria. Inihabilin ni Hesus ang Simbahan sa pangangalaga ni Maria. 

Hindi tayo karapat-dapat na maging mga anak ni Maria tulad ni Hesus. Ang Mahal na Birheng Maria ay Ina ng Diyos. Kaya naman, bakit naman ihahabilin ni Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao, ang sambayanang Kristiyano na binubuo ng mga makasalanan sa pangangalaga ng Kanyang Mahal na Ina? 

Inihabilin ni Hesus ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahan sa maka-inang pag-aruga ng Mahal na Birheng Maria sa kabila ng ating pagkamakasalanan dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Ibinigay Niya sa atin ang Mahal na Birheng Maria upang tayo ay samahan at saklolohan sa lahat ng oras. Kapag dumating ang mga oras ng pagsubok sa buhay, mayroon tayong matatakbuhan. Sasaklolohan tayo ng Mahal na Ina. Hindi niya tayo pababayaan. 

Mayroon tayong Ina na handang sumaklolo sa atin, ang Mahal na Birheng Maria. Siya ang ibinigay sa atin ni Kristo upang maging ating saklolo sa lahat ng oras. Sa tulong ng Mahal na Birheng Maria, ang Ina ng Laging Saklolo, ang mga pagsubok na haharapin natin sa buhay ay ating malalampasan at mapagtatagumpayan. Ang bawat isa sa atin ay hindi niya pababayaang mabigo, matalo, at mapahamak kahit kailan. Iyan ang ating Mahal na Ina ng Laging Saklolo.  

ANG KABUTIHAN NG DIYOS

24 Hunyo 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80 


Magandang pagnilayan sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kapanganakan ni San Juan Bautista ang kabutihan ng Panginoong Diyos. Sa araw na ito, tayong lahat ay inaaanyayahan ng Simbahan na maakit muli sa kabutihan ng Diyos. Ang bawat isa sa atin ay hinihimok na magnilay nang buong kataimtiman sa katangiang ito ng butihing Panginoon habang buong galak nating ipinagdiriwang ang Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista. 

Layunin ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista ay tulungan tayong maakit muli sa kabutihan ng Diyos. Kung minsan kasi, hindi na natin binibigyan ng halaga ang kabutihan ng Diyos. Kaya, mahalaga na ang bawat isa sa atin ay maakit o mabighani muli sa kagandahan ng kabutihan ng Panginoon. Kaya, ang araw na ito ay isang napakagandang pagkakataon upang gawin ito. Sa tulong ni San Juan Bautista, ang Tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon, ang bawat isa sa atin ay mamumulat at mabibighani muli sa kabutihan ng Diyos. 

Kung tutuusin, sa pangalan pa lamang ni San Juan Bautista, malalaman natin kung bakit siya isinilang. Isinilang si San Juan Bautista upang ihayag ang kabutihan ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghanda sa daraanan ng Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas, inihayag ni San Juan Bautista ang kabutihan ng Diyos. 

Ang misyon ni San Juan Bautista ay ihayag ang kabutihan ng Diyos. Kung tutuusin, masasabi nating ginawa na niya ito sa sandali ng kanyang pagsilang sa daigdig na isinalaysay sa Ebanghelyo. Si San Juan Bautista ay sumagisag sa kabutihan ng Panginoon sa kanyang mga magulang na sina Zacarias at Elisabet. Sa kabila ng kanilang katandaan, sina Zacarias at Elisabet ay biniyayaan pa rin ng Panginoong Diyos ng isang anak na walang iba kundi si San Juan Bautista. Hindi pa man siya nagsasalita sa mga sandaling iyon dahil isa pa lamang siyang bagong silang na sanggol, inihayag na ni San Juan Bautista ang kabutihan ng Diyos. Ang Diyos ay tunay ngang mabuti. Iyan ang ipinapaalala ni San Juan Bautista. 

Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral ang papel ni San Juan Bautista sa kasaysayan ng kaligtasan. Noong siya'y malaki na, ginamit ni San Juan Bautista ang kanyang bibig upang gampanan ang kanyang misyon. Ang kanyang misyon ay ihayag ang kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ng paghanda sa daraanan ni Kristo. Ginamit ni Juan Bautista ang kanyang mga labi upang tulungan ang mga Israelita na ihanda ang kanilang mga sarili para sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Hindi niya ginamit ang kanyang mga labi upang magpasikat at agawin ang atensyon ng mga tao mula kay Hesus, ang tunay na Mesiyas. Bagkus, tinulungan niya ang mga tao upang ihanda ang kanilang mga sarili para sa pagdating ni Kristo. 

Hindi nagkaroon ng ambisyon si San Juan Bautista na pabanguhin ang kanyang sarili sa mata ng madla kailanman. Hindi niya hinangad o binalak na linlangin ang mga tao upang lalo pa siyang sumikat. Bagkus, pinili niyang tuparin ang misyong ibinigay sa kanya ng Panginoong Diyos. Sabi nga sa Unang Pagbasa, "Pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang at hinirang Niya ako para Siya'y paglingkuran (Isaias 49, 1). Iyan si San Juan Bautista. Pinili niyang maglingkod sa Panginoong Diyos nang may katapatan hanggang sa huli. Sa pamamagitan ng kanyang tapat na paglingkod sa Diyos bilang tagapaghanda ng daraanan ng Mesiyas, inihayag ni Juan Bautista ang kabutihan ng Diyos. 

Ipinapaalala sa atin sa araw na ito na ang Panginoon ay tunay ngang mabuti. Ang kabutihan ng Panginoong Diyos ay hindi magwawakas kailanman. Sa tulong ni San Juan Bautista, maakit nawa tayo muli sa kagandahan ng kabutihan ng Diyos. 

Linggo, Hunyo 14, 2020

TANGGAPIN SIYA HABANG MAY PANAHON PA

21 Hunyo 2020 
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Jeremias 20, 10-13/Salmo 68/Roma 5, 12-15/Mateo 10, 26-33 



Bagamat ang mga salita ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo ay para sa mga alagad upang sila'y magkaroon ng lakas ng loob kapag sinimulan nila ang kanilang misyon bilang Kanyang mga saksi, masasabi ring isa itong babala para sa mga hindi makikinig o tatanggap sa kanilang pagpapatotoo tungkol sa Kanya. Ang sabi ni Hesus sa mga apostoles, hindi nila dapat katakutan ang mga may kakayahang pumatay ng katawan lamang kundi ang may kakayahang pumatay ng katawan at kaluluwa sa impyerno (Mateo 10, 28). 

Nalalaman ni Hesus na may mga hindi tatanggap sa mga patotoo ng mga apostol tungkol sa Kanya. Kaya, sinasabi ng Panginoon sa mga apostol na ang mga ayaw makinig o tumanggap sa kanilang patotoo tungkol sa Kanya ay magbabayad rin balang araw. Napakatindi ng kanilang sasapitin kapag hindi tinanggap si Kristo. Sila ay ibabagsak sa impyerno. 

Magtataka siguro ang marami kung bakit nasabi ni Kristo ang mga salitang ito sa Ebanghelyo. Tila, nasanay na ang karamihan sa atin sa pagsasalarawan kay Kristo bilang isang Panginoon mahabagin at maibigin. Tulad na lamang ng paglarawan ni Apostol San Pablo sa awa at kagandahang-loob ng Diyos sa Ikalawang Pagbasa. Inilarawan niya kung paanong inihayag ng Diyos ang Kanyang kagandahang-loob para sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo. Kaya naman, ang mga salitang namutawi mula sa mga labi ni Kristo ay tiyak na nakakagulat. 

Hindi ba mahalaga sa Diyos ang buhay ng bawat tao? Hindi ba ang Panginoon ay puspos ng awa at habag? 

Oo, mayroong awa at habag ang Diyos. Ang Diyos ay may kagandahang-loob para sa sangkatauhan. Subalit, hindi ibig sabihin nito na kukunsintihin Niya ang mga pang-aapi, pang-aabuso, at iba pang mga kasalanan. Ang Diyos ay mayroon ring katarungan. Ito ang inilarawan ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa. Ililigtas ng Diyos ang mga api mula sa mga gumagawa ng masama (Jeremias 20, 13). Ang paggawa ng iba't ibang mga kasalanan katulad na lamang ng pang-aapi ay hindi kukunsintihin ng Diyos kailanman. Iyan ay dahil ang kasamaang katulad ng pang-aapi ay isang katangian ng mga hindi tumatanggap sa Panginoon. 

Labag man sa kalooban ng Panginoon na may maparusahan magpakailanman sa impiyerno, hindi Siya papayag na makakapasok sa Kanyang kaharian sa langit ang mga mapang-abuso at mapang-api. Pagbabayarin ng Panginoon ang mga ayaw tumanggap sa Kanya at nagpapatuloy sa paggawa ng kasamaang katulad ng pang-aabuso at pang-aapi. 

Kaya naman, may panawagan ang Panginoon para sa atin. Tanggapin natin Siya nang buong puso. Habang tayo'y naglalakbay sa daigdig, ipakita natin ang ating taos-pusong pagtanggap sa Kanya. Itigil na natin ang pang-aabuso at pang-aapi, lalung-lalo na sa mga mahihirap. Ang buhay ng bawat tao ay dapat pahalagahan at igalang. Pagsisihan natin ang ating mga kasalanan. Iyan ang mga katangian ng mga tunay na tumatanggap sa Panginoon.

Ang buhay natin dito sa mundo ay pansamantala lang. Kaya, habang may panahon pa, tanggapin natin ang Panginoon sa ating buhay. Huwag na nating patigasin ang mga puso't loobin natin sa Kanya. 

Sabado, Hunyo 13, 2020

MALINIS AT BUSILAK NA PUSO

20 Hunyo 2020 
Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria 
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51 


Sabi sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo na iningatan ng Mahal na Birheng Maria ang lahat ng mga sinabi ng Panginoong Hesus sa kanyang puso (Lucas 2, 51). Isa itong napakagandang aral para sa atin sa araw na ito na inilaan ng Simbahan sa Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria. Ingatan ang lahat ng bagay sa puso. Ano ang mga bagay na iyon? Ang mga bagay na nauukol sa kalooban ng Diyos. Kung iyan ang gagawin natin, ang ating mga puso ay magiging busilak at malinis tulad ng Mahal na Ina. 

Tayong lahat ay tinuturuan ng Mahal na Inang si Maria kung paanong magkaroon ng isang busilak o malinis na puso sa ating paggunita sa kanyang Kalinis-linisang Puso. Paano nga ba magkaroon ng isang malinis na puso tulad ni Maria? Ingatan ang kalooban ng Diyos sa ating mga puso. Hayaan nating maghari ang Kanyang kalooban sa ating puso at ating buhay. Buong kababaang-loob nating tanggapin at sundin ang Kanyang kalooban. Huwag nating ipilit ang mga sarili nating plano kung mayroon ibang plano ang Diyos. Huwag tayong magmayabang na mas marunong tayo sa Panginoong Diyos. Huwag tayong magmayabang na kaya nating unawain o matarok ang nasa isipan ng Panginoon. Oo, biniyayaan tayo ng katalinuhan at karunungan, subalit mayroong itong mga limitasyon. Hindi natin mauunawaan ang lahat ng bagay, lalung-lalo na ang mga plano ng Diyos. Subalit, sa kabila nito, ang mga ninanais at niloloob ng Diyos ay dapat nating tanggapin at sundin nang buong kababaang-loob. Kapag iyan ang ginawa natin, ang ating mga puso't kalooban ay tunay ngang magiging busilak at malinis katulad ng Mahal na Birhen. 

Bakit napakahalaga ang pagkakaroon ng isang malinis at busilak na puso, tulad ng ating Mahal na Ina? Ang mga may malinis at busilak na puso't kalooban ay tunay na nagpupuri sa Panginoong Diyos. Sabi sa wakas ng Unang Pagbasa na ang lahat ng bansa ay magpupuri sa Panginoon (Isaias 61, 11). Kung nais nating maging kabilang sa mga bansang nagpupuri sa Panginoong Diyos, ang ating mga puso at loobin ay dapat maging malinis at busilak tulad ng Mahal na Ina. 

Kung nais nating maging totoo ang ating pagpupuri sa Diyos, kailangang maging malinis at busilak ang ating mga puso. Magiging busilak o malinis ang ating mga puso kung tatanggapin at susundin natin nang may kababaang-loob ang kalooban ng Diyos. Tandaan, tanging ang mga may malinis at busilak na puso tulad ng ating Inang Mahal na si Maria ang makakapag-alay ng tunay at taos-pusong papuri sa ating Panginoong Diyos na Kataas-taasan.  

Biyernes, Hunyo 12, 2020

BUTI PA SI HESUS, MINAMAHAL TAYO KAHIT HINDI TAYO KARAPAT-DAPAT

19 Hunyo 2020 
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus (A) 
Deuteronomio 7, 6-11/Salmo 102/1 Juan 4, 7-16/Mateo 11, 25-30 


Bagamat itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa pag-ibig ng Diyos araw-araw, ang araw ng Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus ay inilaan ng Simbahan upang lalo pang lumalim ang ating pagninilay sa misteryong ito. Ang Mahal na Puso ni Hesus ay nagsisilbing paalala at sagisag ng pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan. Ipinapaalala ng Mahal na Puso ni Hesus na tayong lahat ay tunay Niyang iniibig. Ang pag-ibig ng Panginoon para sa atin ay tunay, wagas, at walang hanggan. Hindi mapapantayan o mahihigitan kailanman ang dakilang pag-ibig ni Kristo para sa ating lahat. 

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nagsisilbing gabay upang lalo pa nating mapagnilayan ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos nang buong kataimtiman. Tayong lahat ay tinutulungan ng mga Pagbasa na imulat muli ang ating mga mata at ang ating mga puso sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Iyon naman talaga ang ipinaalala ng Mahal na Puso ni Hesus. Ang Panginoong Diyos ay tunay na maibigin. Ang pag-ibig ng Diyos para sa ating lahat ay walang kapantay at walang hanggan. 

Sa Unang Pagbasa, ipinaalala ni Moises sa mga Israelita na sila'y pinili ng Diyos upang maging Kanyang bayan dahil sa Kanyang pag-ibig. Ipinakita ng Panginoong Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa mga Israelita sa pamamagitan ng pagpili at paghirang sa kanila upang maging Kanyang bayan. Ang pag-ibig na ipinakita Niya noon sa kanilang mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay Kanya namang ipinapakita sa mga Israelita. Iyan ang Panginoong Diyos. Siya ay puno ng pag-ibig. Ang pagiging maibigin ng Panginoon ay binigyang pansin ni Apostol San Juan sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Ipinaliwanag ni Apostol San Juan na ang pag-ibig ng Diyos ang dahilan kung bakit iniligtas Niya ang sangkatauhan. Ipinasiya ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo dahil sa Kanyang pag-ibig. At sa Ebanghelyo, ipinakita ni Kristo ang Kanyang pag-ibig. Ang pahayag ni Kristo sa Ebanghelyo ay sumasalamin sa Kanyang pagiging maibigin. Ang lahat ng mga napapagal at nabibigatan sa kanilang mga pasanin ay bibigyan Niya ng kapahingahan (Mateo 11, 28). Iyan ang ating Panginoon. Siya'y tunay na maibigin. Tunay Siyang mapagmahal, mahabagin, at may kagandahang-loob. Hindi ito isang kathang-isip. Tunay ito. 

Mabuti pa si Hesus. Mayroong pag-ibig para sa ating lahat. Ang bawat isa sa atin ay hindi naman karapat-dapat na ibigin ng ating Panginoon. Marami Siyang dahilan upang hindi tayo mahalin at kahabagan. Ang ating mga pagkukulang at kasalanan laban sa Kanya ay hindi na mabilang sa sobrang dami nito. Subalit, sa kabila nito, pinili pa rin Niya tayong ibigin at kahabagan. Pinili pa rin Niya tayong mahalin kahit na tayo ay mga aba't mahihinang makasalanan. 

Nakakalungkot nga lamang isipin na may mga taong walang pag-ibig o awa para sa kapwa, lalo na sa mundo ng pulitika. Sa halip na magpakita ng pag-ibig at awa, pinili pa rin nilang maging malupit. Ipinagkait nila ang karapatan ng bawat tao na magsalita nang may kalayaan, ang kanilang hanap-buhay, at marami pang iba. Pati buhay ng bawat tao, hindi pinapahalagahan. Madali para sa kanila ang pumatay. Kinauuhawan nila ang dugo ng bawat tao. Ang kultura ng karahasan at katiwalian ang gusto nilang ipalaganap. Gusto nilang pairalin ang pagkitil sa buhay ng bawat tao at pansariling kagustuhan o layunin. Kahit nasa gitna ng isang matinding krisis, hindi sila magpapakita ng pag-ibig at awa. Pati nga ang hanap-buhay ng ilang tao, lalo na ang mga mahihirap at hirap maghanap ng trabaho, ipinagkakait sa kanila. 

Higit na nakakalungkot, pinipili at sinusuportahan ng marami sa lipunan ang mga nagpapairal ng kalupitan at katiwalian. Ang mga hindi nagpapahalaga sa buhay ng tao at ang mga may masasamang adhikain ay sinusuportahan ng karamihan sa lipunan. Mas pipiliin ang mga walang habag at pag-ibig. Bakit? Ayon sa kanila, sila ang tunay na matapang at magiting. Wala nang halaga para sa kanila ang habag at pag-ibig. Pinapalakpakan pa nga ng karamihan ang mga nagnanais magpairal ng karahasan at katiwalian sa lipunan. Subalit, ang pag-ibig na ibinibigay ni Hesus ay binabalewala na lamang. Nakakalungkot isipin na ang pag-ibig ng Panginoon ay ipinagpapalit at binabalewala nang gayon na lamang. Ang pag-ibig ni Kristo ay tila wala nang halaga. 

Talagang masasabi nating buti pa ang Panginoon. Kahit mayroon Siyang karapatan na ipagkait o ipagdamot sa atin ang Kanyang pag-ibig, pinili pa rin Niya itong ibigay sa atin nang kusa. Kahit ilang ulit na balewalain ang Kanyang pag-ibig, hindi Siya magsasawang mahalin tayo kailanman. Huwag nating sabihin na napakadali iyan para kay Kristo dahil Siya'y Diyos. Hindi. Hindi rin madali para sa Diyos na tayo'y ibigin. Subalit, pinili pa rin Niya tayong ibigin. Ipinakita Niya ang Kanyang walang hanggang pag-ibig para sa atin noong Siya'y dumating sa daigdig sa pamamagitan ni Kristo Hesus upang tayong lahat ay iligtas. Ang Diyos ay nagpasiyang maging isang tao upang tayo'y iligtas dahil sa pag-ibig.

Imulat natin muli ang ating mga mata at puso sa kagandahan ng dakilang pag-ibig ng Panginoong Diyos para sa ating lahat. Hayaan nating mapukaw at maakit muli ang ating mga mata at puso sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Bigyan nawa natin ng halaga ang dakilang pag-ibig ng Diyos na isinasalamin ng Kamahal-mahalang Puso ng Panginoong Hesukristo. 

Martes, Hunyo 9, 2020

SA BANAL NA MISA, TAYONG LAHAT AY KANYANG PINAPAKAIN AT PINAPAINOM

14 Hunyo 2020 
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-Banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (A) 
Deuteronomio 8, 2-3. 14b-16a/Salmo 147/1 Corinto 10, 16-17/Juan 6, 51-58 




Tuwing sasapit ang Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon, ipinapaalala sa atin na Siya'y puno ng awa at pag-ibig para sa ating lahat. Katunayan, lagi itong ipinapaalala sa bawat isa sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya. Iyon nga lamang, ang paaalalang ito ay mas binibigyan ng pansin sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon. Ipinapakita sa atin ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang awa at pag-ibig para sa bawat isa sa atin sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang Katawan at Dugo.

Ibinibigay ni Kristo ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo sa bawat isa sa atin sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya, si Kristo ay dumarating upang ibigay ang Kanyang Katawan at Dugo sa bawat isa sa atin. Hindi lamang isang simbolo o sagisag ni Kristo ang ostiya at alak. Hindi lamang basta alak o tinapay ang ating tinatanggap sa Banal na Pakikinabang o Komunyon. Bakit? Si Kristo iyon. Ang presensya ni Kristo sa Banal na Eukaristiya ay tunay at totoo. Tunay ngang nasa Eukaristiya ang Panginoon. Si Hesus mismo ang ating tinatanggap. Si Hesus talaga iyan. 

Napaklinaw ng mga sinabi ni Hesus nang itatag Niya ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya sa Huling Hapunan, "Ito ang Aking Katawan . . . Ito ang Aking Dugo" (Mateo 26, 26-28; Marcos 14, 22-24; Lucas 22, 17-20). Hindi na dapat pagdudahan pa ang presensya ni Kristo Hesus sa Banal na Eukaristiya. Siya ang nagpapakain at nagpapainom sa atin. Siya'y dumarating sa Banal na Eukaristiya upang bigyan tayo ng pagkain at inumin. Ibinibigay Niya sa atin ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo sa Banal na Eukaristiya upang maging espirituwal na pagkain at inumin natin. Hindi lamang pisikal ang kagutuman at kauuhawang pinapawi ni Hesus kundi espirituwal rin. Pinapawi ni Hesus sa Banal na Eukaristiya ang iba't ibang kagutuman at kauuhawan ng bawat tao, lalung-lalo na ang mga hindi kayang pawiin ng anumang pagkain at inumin dito sa mundo. 

Sabi rin ni Hesus sa Ebanghelyo, "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit" (Juan 6, 51). Sabi rin Niyang hindi magkakaroon ng buhay ang mga hindi kakain ng Kanyang laman at iinom ng Kanyang dugo (Juan 6, 53). Ito rin ang binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung saan sinabi niyang ang tinapay at alak na tinatanggap ng bawat isa sa banal na pagdiriwang ay walang iba kundi si Hesus mismo (1 Corinto 10, 16). Ang tinapay at alak na ating tinatanggap sa Banal na Misa ay ang Katawan at Dugo ni Kristo. Sa bawat Misa, si Kristo ay dumarating upang ibigay ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inumin. Ang tinapay at alak na pinagsasaluhan natin ay ang Katawan at Dugo ni Hesus. Hindi lamang ordinaryong tinapay at alak ang ating pinakikinabangan. Ito'y dahil ang ating tinatanggap sa Banal na Pakikinabang ay si Kristo mismo. 

Bakit ibinibigay ni Kristo ang Kanyang Katawan at Dugo upang maging pagkain at inumin natin? Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, si Kristo ay dumarating upang ibigay ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inuming espirituwal dahil sa Kanyang awa at pag-ibig para sa atin. Ang pagbibigay ng Panginoon ng Kanyang Katawan at Dugo sa Banal na Misa ay paghahayag ng Kanyang awa at pag-ibig. Kung paanong ang Panginoong Diyos ay nagpaulan ng manna mula sa langit at nagpabukal ng tubig mula sa isang malaking bato, na ipinaalala ni Moises sa mga Israelita sa Unang Pagbasa, ibinibigay ni Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo bilang espirituwal na pagkain at inumin na ating pinagsasaluhan bilang isang sambayanan sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa.

Hindi ordinaryong tinapay at alak ang kinakain at iniinom natin sa Misa. Sa tuwing ipinagdiriwang natin ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya, dumarating si Hesus upang ibigay sa atin ang Kanyang Katawan at Dugo bilang espirituwal na pagkain at inumin sa atin. Sa pamamagitan nito, ipinapakita Niya sa bawat isa sa atin ang Kanyang awa at pag-ibig para sa ating lahat. Kahit na tayo'y hindi karapat-dapat dahil sa dami ng ating mga kasalanan, ipinapakita ni Hesus na tayo'y tunay Niyang minamahal at kinahahabagan. 

Lunes, Hunyo 8, 2020

PANINDIGAN ANG DESISYON

13 Hunyo 2020 
Paggunita kay San Antonio de Padua, pari at pantas ng Simbahan 
Sabado ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
1 Hari 19, 19-21/Salmo 15/Mateo 5, 33-37 


Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagturo tungkol sa pagkakaroon ng isang salita. Ang bawat isa ay dapat magkaroon ng isang salita. Dapat maging handa ang bawat isa na panindigan at tuparin ang kani-kanyang mga pasiya. Kapag nakagawa na ng desisyon ang isang tao, kailangan niya itong tuparin at panindigan. Hindi na siya maaaring umatras sa kanyang salita. Hindi na niya ito maaaring bawiin. Anuman ang napagpasiyahan ng bawat isa ay dapat panindigan. Kailangang magkaroon ng isang salita ang bawat isa. Ang mga napagpasiyahan ay dapat isagawa nang may paninindigan. Wala nang atrasan o bawian. 

Nais ng Panginoong Hesus na panindigan natin ang anumang pagpasiyahan natin sa buhay, lalung-lalo na pagdating sa mga usaping espirituwal. Ayaw ni Kristo na mayroong aatras o babawi ng mga ipinangako, lalung-lalo na kung ang bawat isa ay nangako sa Panginoong Diyos. Kailangan nating pag-isipang mabuti ang mga pagpapasiyahan natin, lalung-lalo na pagdating sa Panginoon. Oo o hindi lang ang itatanong sa atin ng Diyos. Subalit, kahit oo o hindi ang ating isasagot sa Diyos, hindi biro ang laki at ang kabigatan nito. 

Ito ang katangiang ipinakita ni Eliseo sa Unang Pagbasa. Ipinasiya ni Eliseo na sumunod kay propeta Elias. Malinaw ang kanyang sinabi: "Magpapaalam po muna ako sa aking ama't ina, at pagkatapos ay sasama na ako sa inyo" (1 Hari 19, 20). Tinupad ni Eliseo ang kanyang sinabi kay propeta Elias. Pinanindigan niya ang kanyang desisyon. Ipinasiya niyang sumunod kay propeta Elias, iyon ang kanyang ginawa matapos magpaalam sa kanyang pamilya. Buong katatagang pinanidigan ni Eliseo ang kanyang ipinangako kay propeta Elias. Sumunod siya sa propetang si Elias. Hindi siya umatras o bumawi sa ipinangako. 

Tulad ni Eliseo sa Unang Pagbasa, si San Antonio de Padua ay gumawa ng mga mahahalagang desisyon sa buhay. Subalit, iisa lamang ang kanyang ipinasiya sa buhay - ang pumanig sa Panginoon. Kapag may mga mahahalagang desisyon na kailangan niyang gawin, iyon ang kanyang desisyon. Lagi ipinasiya ni San Antonio de Padua na pumanig sa Diyos gaano mang kahirap itong gawin. Tulad na lamang ng pagkakataon kung saan siya'y nangaral sa mga erehe. Kahit ayaw tanggapin ng mga erehe ang Mabuting Balitang kanyang ipinangaral, hindi siya bumawi mula sa kanyang mga pasiya. Hindi niya binago ang Mabuting Balita. Hindi siya nangaral tungkol sa mga gustong marinig ng mga tao. Hindi niya binago ang Ebanghelyo para matuwa sa kanya ang mga erehe. Hindi niya iyon ginawa. Bagkus, patuloy niya itong ipinangaral. Patuloy siyang sumaksi sa katotohanan ng Mabuting Balita. Ipinangaral niya ito sa mga isda. Ang mga isda ay nakinig sa kanya. Iyan ay mas kilala bilang Himala ng mga Isda. Nangaral siya sa mga isda, at ang mga isda ay nakinig sa kanya. 

Lagi tayong tinatanong araw-araw kung ang Panginoon ay ating papanigan. Ang tanong na ito'y dapat nating pag-isipan at pagnilayan nang mabuti. Papanigan ba natin ang Diyos? Papanig ba tayo sa Diyos na hindi nagsawa sa pagpapakita ng awa at pag-ibig kailanman o sa mga pinunong uhaw sa dugo at kapangyarihan? Papanigan ba natin ang Kataas-taasang Diyos na naghahatid kapayapaan o ang mga makamundong pinuno na nagpapairal ng karahasan? Anuman ang ating desisyon, panindigan natin ito. 

Huwebes, Hunyo 4, 2020

WALANG KADUDA-DUDA

7 Hunyo 2020 
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (A) 
Exodo 34, 4b-6. 8-9/Daniel 3/2 Corinto 13, 11-13/Juan 3, 16-18 


Sa mga taong napapaloob ang Simbahan sa Taon A, pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos ang pag-ibig ng Panginoon. Magandang bigyan ng pansin ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos habang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ang Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo. Ang misteryo ng Banal na Santatlo at ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos ay magkaugnay. Sa pamamagitan ng misteryo ng Banal na Santatlo, ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos ay nahayag. 

Ipinakilala ng Panginoong Diyos ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng dalawang misteryong ito na talaga namang magkaugnay. Ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili bilang Tatlong Persona ngunit iisa. Oo, mahirap ngang ipaliwanag o unawain kung paanong ang Tatlong Persona ay iisa, ngunit sa kabila nito, makikita natin ang pag-ibig ng Diyos. Sa misteryo pa lamang ng Banal na Santatlo, nahayag ang pag-ibig ng Panginoon. Ang Banal na Santatlo na binubuo ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ay hindi nag-agawan ng kapangyarihan kailanman. Hindi naging magkaribal o magkakumpentensya ang Banal na Santatlo. Ang kayabangan ay hindi umiral sa ugnayan ng Banal na Santatlo kailanman. Bagkus, ang Banal na Santatlo ay laging namuhay nang may pag-ibig sa Isa't Isa. Pag-ibig ang umiral sa ugnayan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. Pag-ibig ang pinairal ng Banal na Santatlo. Ang pag-ibig na ito ay ang bumuklod sa Ama, Anak, at Espiritu Santo sa Isa't Isa. Ibinahagi rin ng Diyos ang pag-ibig na ito sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagbabahagi nito sa sangkatauhan, nagpakilala ang Diyos bilang isang mapagmahal na diyos. Ang tunay at nag-iisang Diyos, ang Banal na Santatlo, ay puspos ng pag-ibig. 

Binigyan ng pansin sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang pagpapakilala ng Diyos sa sangkatauhan. Ang Diyos ay nagpakilala sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Kanyang pag-ibig. Ginawa ito sa pamamagitan ng Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus. Si Hesus ay dumating upang iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan, ipinakita at ibinahagi ng Diyos ang Kanyang pag-ibig. Sa pamamagitan ng dakilang gawaing ito, ang Banal na Santatlo ay nagpakilala sa sangkatauhan. Ipinakita ng Diyos, ang Banal na Santatlo, na Siya'y tunay na mapagmahal. Dahil sa pag-ibig, tinubos Niya ang sangkatauhan. Iyan ang Banal na Santatlo. Iyan ang Diyos. 

Nagpakilala ang Panginoong Diyos sa Bundok ng Sinai sa Unang Pagbasa bilang isang diyos na "mapagmahal at maawain" (Exodo 34, 6). Walang sawa Niya itong pinatunayan sa mga sumunod na panahon. Lagi Niya itong pinatunayan. Hindi Siya tumigil kailanman. Ang pinakadakilang larawan ng pag-ibig ng Diyos, ang Banal na Santatlo, ay si Kristo. Sa pamamagitan ni Kristo, ang pag-ibig ng Banal na Santatlo ay nahayag sa lahat ng tao. Dahil sa pag-ibig, niloob ng Banal na Santatlo, ang kaisa-isa at kataas-taasang Diyos, na matubos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Diyos Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus. Tunay ngang mapagmahal at maawain ang Diyos, ang Banal na Santatlo. Walang kaduda-duda na ang Diyos ay puspos ng pag-ibig at awa. 

Hindi lalayo pa ang mga sinabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang Diyos ay ipinakilala ni Apostol San Pablo bilang "Diyos ng pag-ibig at kapayapaan" (2 Corinto 13, 11). Pag-ibig at kapayapaan ang pinairal ng Banal na Santatlo. Ito rin ang ibinahagi ng Banal na Santatlo sa lahat ng tao. Ang Banal na Santatlo ay hindi nagpairal at nagbahagi ng gulo at dahas. Bagkus, pag-ibig at kapayapaan.

Ang Banal na Santatlo ay puspos ng pag-ibig, awa, at kapayapaan. Hindi na ito dapat pagdudahan pa.