Biyernes, Hunyo 26, 2020

SA TULONG NG DIYOS, MAKAKAMIT ANG TAGUMPAY

29 Hunyo 2020 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19 


Ang araw na ito ay inilaan sa pagbibigay pugay at parangal sa dalawang Santo na kinikilala bilang mga haligi ng Simbahan - sina Apostol San Pedro at San Pablo. Buong kagalakang nagpapasalamat ang Simbahan sa Panginoong Diyos sa araw na ito ng pagpipista dahil hinirang Niya ang dalawang apostol na ito upang ipakilala Siya sa lahat ng tao sa daigdig. Ang Simbahan ay nagpapasalamat rin sa Diyos dahil hindi Niya pinabayaan ang dalawang apostol na ito. Ang dalawang apostol na ito ay hindi magtatagumpay sa kanilang misyon kung hindi dahil sa Diyos na laging tumulong at gumabay sa kanila. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa kung paanong naranasan nina Apostol San Pedro at San Pablo ang pagtulong ng Diyos sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sa bawat sulok ng daigdig. Si Apostol San Pedro ang itinalaga ni Hesus bilang unang Santo Papa ng Kanyang Simbahan dito sa lupa. Gaya ng nasasaad sa Ebanghelyo, ibinigay ni Hesus kay Apostol San Pedro ang mga susi sa kaharian ng langit (Mateo 13, 19). Ang mga susing ito ay sumasagisag sa kapangyarihang ibinigay sa kanya ng Panginoong Hesus bilang unang Santo Papa ng Simbahan. Subalit, sa kabila ng tungkuling ibinigay sa kanya ng Panginoong Hesus, hindi siya naging ligtas mula sa mga tukso at pagsubok sa buhay. Hindi siya naging ligtas mula sa pag-uusig. Gaya ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro, hindi rin naging ligtas mula sa mga pag-uusig, pagsubok, at tukso si Apostol San Pablo. Hinirang ng Panginoong Hesukristo si Apostol San Pablo upang magpatotoo sa Kanya (Mga Gawa 9, 15). Kahit na inusig niya noon ang mga sinaunang Kristiyano, hinirang pa rin siya ng Panginoon upang sumaksi sa Kanya. Subalit, kahit na tinalikuran niya nang tuluyan ang kanyang buhay bilang tagausig ng mga Kristiyano, hindi siya naging ligtas mula sa mga madidilim na sandali ng buhay dito sa lupa. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong isinugo ng Panginoon ang Kanyang anghel upang tulungan si Apostol San Pedro na makatakas mula sa bilangguan. Sa mga sandaling iyon, natitiyak nang mamatay si Apostol San Pedro dahil binalak ni Haring Herodes na siya'y iharap sa bayan bago patayin (Mga Gawa 12, 4-5). May balak si Haring Herodes na ipapatay si Apostol San Pedro upang matuwa ang mga tao. Subalit, ipinadala ng Diyos ang Kanyang anghel upang tiyakin ang kaligtasan ni Apostol San Pedro. Ipinadala ng Panginoon ang Kanyang anghel upang iligtas at itakas si Apostol San Pedro mula sa bilangguan. Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagpatotoo tungkol sa pagtulong ng Panginoon. Inilarawan niya kung paano siya tinulungan ng Diyos sa bawat sandali ng kanyang misyon. Hindi siya binigo at pinabayaan ng Panginoong Diyos kailanman. Lagi Niyang sinamahan si Apostol San Pablo hanggang sa huli. 

Hindi naging ligtas mula sa mga tukso, pagsubok, at pag-uusig sina Apostol San Pedro at San Pablo. Hindi naging maginhawa ang buhay nina Apostol San Pedro at San Pablo sa lahat ng oras noong sila ay namumuhay pa dito sa daigdig. Subalit, tinupad pa rin nila ang kanilang misyon nang buong katapatan hanggang sa huli dahil lagi silang tinulungan at sinamahan ng Panginoong Diyos. Nanalig silang lagi nilang kasama ang Diyos upang sila'y samahan at tulungan sa lahat ng oras. Iyon ang nagbigay sa kanila ng katatagan upang buong katapatan nilang tuparin ang kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo hanggang sa huli. 

Buong kagalakang pinararangalan sina Apostol San Pedro at San Pablo sa araw na ito dahil naging matagumpay sila sa pagtupad sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo. Isa lamang ang dahilan kung bakit sila'y nagtagumpay - lagi silang tinulungan at sinamahan ng Diyos. Hindi sila pinabayaan ng Diyos na mapahamak o mabigo kailanman. Sa tulong ng Diyos, nanatiling tapat ang dalawang apostol na ito sa Kanya hanggang sa huli. 

Naging matagumpay sina Apostol San Pedro at San Pablo dahil tinulungan sila ng Panginoon sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang Kanyang mga saksi sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Makakamit rin natin ang tagumpay katulad ng dalawang apostol na ito at ng marami iba pang mga santo sa langit sa tulong ng Diyos. Ang bawat isa sa atin ay lagi Niyang sasamahan at tutulungan. Tutulungan Niya tayong makamit ang tagumpay katulad ng mga banal sa langit. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento