Biyernes, Hunyo 12, 2020

BUTI PA SI HESUS, MINAMAHAL TAYO KAHIT HINDI TAYO KARAPAT-DAPAT

19 Hunyo 2020 
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus (A) 
Deuteronomio 7, 6-11/Salmo 102/1 Juan 4, 7-16/Mateo 11, 25-30 


Bagamat itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa pag-ibig ng Diyos araw-araw, ang araw ng Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus ay inilaan ng Simbahan upang lalo pang lumalim ang ating pagninilay sa misteryong ito. Ang Mahal na Puso ni Hesus ay nagsisilbing paalala at sagisag ng pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan. Ipinapaalala ng Mahal na Puso ni Hesus na tayong lahat ay tunay Niyang iniibig. Ang pag-ibig ng Panginoon para sa atin ay tunay, wagas, at walang hanggan. Hindi mapapantayan o mahihigitan kailanman ang dakilang pag-ibig ni Kristo para sa ating lahat. 

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nagsisilbing gabay upang lalo pa nating mapagnilayan ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos nang buong kataimtiman. Tayong lahat ay tinutulungan ng mga Pagbasa na imulat muli ang ating mga mata at ang ating mga puso sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Iyon naman talaga ang ipinaalala ng Mahal na Puso ni Hesus. Ang Panginoong Diyos ay tunay na maibigin. Ang pag-ibig ng Diyos para sa ating lahat ay walang kapantay at walang hanggan. 

Sa Unang Pagbasa, ipinaalala ni Moises sa mga Israelita na sila'y pinili ng Diyos upang maging Kanyang bayan dahil sa Kanyang pag-ibig. Ipinakita ng Panginoong Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa mga Israelita sa pamamagitan ng pagpili at paghirang sa kanila upang maging Kanyang bayan. Ang pag-ibig na ipinakita Niya noon sa kanilang mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay Kanya namang ipinapakita sa mga Israelita. Iyan ang Panginoong Diyos. Siya ay puno ng pag-ibig. Ang pagiging maibigin ng Panginoon ay binigyang pansin ni Apostol San Juan sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Ipinaliwanag ni Apostol San Juan na ang pag-ibig ng Diyos ang dahilan kung bakit iniligtas Niya ang sangkatauhan. Ipinasiya ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo dahil sa Kanyang pag-ibig. At sa Ebanghelyo, ipinakita ni Kristo ang Kanyang pag-ibig. Ang pahayag ni Kristo sa Ebanghelyo ay sumasalamin sa Kanyang pagiging maibigin. Ang lahat ng mga napapagal at nabibigatan sa kanilang mga pasanin ay bibigyan Niya ng kapahingahan (Mateo 11, 28). Iyan ang ating Panginoon. Siya'y tunay na maibigin. Tunay Siyang mapagmahal, mahabagin, at may kagandahang-loob. Hindi ito isang kathang-isip. Tunay ito. 

Mabuti pa si Hesus. Mayroong pag-ibig para sa ating lahat. Ang bawat isa sa atin ay hindi naman karapat-dapat na ibigin ng ating Panginoon. Marami Siyang dahilan upang hindi tayo mahalin at kahabagan. Ang ating mga pagkukulang at kasalanan laban sa Kanya ay hindi na mabilang sa sobrang dami nito. Subalit, sa kabila nito, pinili pa rin Niya tayong ibigin at kahabagan. Pinili pa rin Niya tayong mahalin kahit na tayo ay mga aba't mahihinang makasalanan. 

Nakakalungkot nga lamang isipin na may mga taong walang pag-ibig o awa para sa kapwa, lalo na sa mundo ng pulitika. Sa halip na magpakita ng pag-ibig at awa, pinili pa rin nilang maging malupit. Ipinagkait nila ang karapatan ng bawat tao na magsalita nang may kalayaan, ang kanilang hanap-buhay, at marami pang iba. Pati buhay ng bawat tao, hindi pinapahalagahan. Madali para sa kanila ang pumatay. Kinauuhawan nila ang dugo ng bawat tao. Ang kultura ng karahasan at katiwalian ang gusto nilang ipalaganap. Gusto nilang pairalin ang pagkitil sa buhay ng bawat tao at pansariling kagustuhan o layunin. Kahit nasa gitna ng isang matinding krisis, hindi sila magpapakita ng pag-ibig at awa. Pati nga ang hanap-buhay ng ilang tao, lalo na ang mga mahihirap at hirap maghanap ng trabaho, ipinagkakait sa kanila. 

Higit na nakakalungkot, pinipili at sinusuportahan ng marami sa lipunan ang mga nagpapairal ng kalupitan at katiwalian. Ang mga hindi nagpapahalaga sa buhay ng tao at ang mga may masasamang adhikain ay sinusuportahan ng karamihan sa lipunan. Mas pipiliin ang mga walang habag at pag-ibig. Bakit? Ayon sa kanila, sila ang tunay na matapang at magiting. Wala nang halaga para sa kanila ang habag at pag-ibig. Pinapalakpakan pa nga ng karamihan ang mga nagnanais magpairal ng karahasan at katiwalian sa lipunan. Subalit, ang pag-ibig na ibinibigay ni Hesus ay binabalewala na lamang. Nakakalungkot isipin na ang pag-ibig ng Panginoon ay ipinagpapalit at binabalewala nang gayon na lamang. Ang pag-ibig ni Kristo ay tila wala nang halaga. 

Talagang masasabi nating buti pa ang Panginoon. Kahit mayroon Siyang karapatan na ipagkait o ipagdamot sa atin ang Kanyang pag-ibig, pinili pa rin Niya itong ibigay sa atin nang kusa. Kahit ilang ulit na balewalain ang Kanyang pag-ibig, hindi Siya magsasawang mahalin tayo kailanman. Huwag nating sabihin na napakadali iyan para kay Kristo dahil Siya'y Diyos. Hindi. Hindi rin madali para sa Diyos na tayo'y ibigin. Subalit, pinili pa rin Niya tayong ibigin. Ipinakita Niya ang Kanyang walang hanggang pag-ibig para sa atin noong Siya'y dumating sa daigdig sa pamamagitan ni Kristo Hesus upang tayong lahat ay iligtas. Ang Diyos ay nagpasiyang maging isang tao upang tayo'y iligtas dahil sa pag-ibig.

Imulat natin muli ang ating mga mata at puso sa kagandahan ng dakilang pag-ibig ng Panginoong Diyos para sa ating lahat. Hayaan nating mapukaw at maakit muli ang ating mga mata at puso sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Bigyan nawa natin ng halaga ang dakilang pag-ibig ng Diyos na isinasalamin ng Kamahal-mahalang Puso ng Panginoong Hesukristo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento