Lunes, Hunyo 8, 2020

PANINDIGAN ANG DESISYON

13 Hunyo 2020 
Paggunita kay San Antonio de Padua, pari at pantas ng Simbahan 
Sabado ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
1 Hari 19, 19-21/Salmo 15/Mateo 5, 33-37 


Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagturo tungkol sa pagkakaroon ng isang salita. Ang bawat isa ay dapat magkaroon ng isang salita. Dapat maging handa ang bawat isa na panindigan at tuparin ang kani-kanyang mga pasiya. Kapag nakagawa na ng desisyon ang isang tao, kailangan niya itong tuparin at panindigan. Hindi na siya maaaring umatras sa kanyang salita. Hindi na niya ito maaaring bawiin. Anuman ang napagpasiyahan ng bawat isa ay dapat panindigan. Kailangang magkaroon ng isang salita ang bawat isa. Ang mga napagpasiyahan ay dapat isagawa nang may paninindigan. Wala nang atrasan o bawian. 

Nais ng Panginoong Hesus na panindigan natin ang anumang pagpasiyahan natin sa buhay, lalung-lalo na pagdating sa mga usaping espirituwal. Ayaw ni Kristo na mayroong aatras o babawi ng mga ipinangako, lalung-lalo na kung ang bawat isa ay nangako sa Panginoong Diyos. Kailangan nating pag-isipang mabuti ang mga pagpapasiyahan natin, lalung-lalo na pagdating sa Panginoon. Oo o hindi lang ang itatanong sa atin ng Diyos. Subalit, kahit oo o hindi ang ating isasagot sa Diyos, hindi biro ang laki at ang kabigatan nito. 

Ito ang katangiang ipinakita ni Eliseo sa Unang Pagbasa. Ipinasiya ni Eliseo na sumunod kay propeta Elias. Malinaw ang kanyang sinabi: "Magpapaalam po muna ako sa aking ama't ina, at pagkatapos ay sasama na ako sa inyo" (1 Hari 19, 20). Tinupad ni Eliseo ang kanyang sinabi kay propeta Elias. Pinanindigan niya ang kanyang desisyon. Ipinasiya niyang sumunod kay propeta Elias, iyon ang kanyang ginawa matapos magpaalam sa kanyang pamilya. Buong katatagang pinanidigan ni Eliseo ang kanyang ipinangako kay propeta Elias. Sumunod siya sa propetang si Elias. Hindi siya umatras o bumawi sa ipinangako. 

Tulad ni Eliseo sa Unang Pagbasa, si San Antonio de Padua ay gumawa ng mga mahahalagang desisyon sa buhay. Subalit, iisa lamang ang kanyang ipinasiya sa buhay - ang pumanig sa Panginoon. Kapag may mga mahahalagang desisyon na kailangan niyang gawin, iyon ang kanyang desisyon. Lagi ipinasiya ni San Antonio de Padua na pumanig sa Diyos gaano mang kahirap itong gawin. Tulad na lamang ng pagkakataon kung saan siya'y nangaral sa mga erehe. Kahit ayaw tanggapin ng mga erehe ang Mabuting Balitang kanyang ipinangaral, hindi siya bumawi mula sa kanyang mga pasiya. Hindi niya binago ang Mabuting Balita. Hindi siya nangaral tungkol sa mga gustong marinig ng mga tao. Hindi niya binago ang Ebanghelyo para matuwa sa kanya ang mga erehe. Hindi niya iyon ginawa. Bagkus, patuloy niya itong ipinangaral. Patuloy siyang sumaksi sa katotohanan ng Mabuting Balita. Ipinangaral niya ito sa mga isda. Ang mga isda ay nakinig sa kanya. Iyan ay mas kilala bilang Himala ng mga Isda. Nangaral siya sa mga isda, at ang mga isda ay nakinig sa kanya. 

Lagi tayong tinatanong araw-araw kung ang Panginoon ay ating papanigan. Ang tanong na ito'y dapat nating pag-isipan at pagnilayan nang mabuti. Papanigan ba natin ang Diyos? Papanig ba tayo sa Diyos na hindi nagsawa sa pagpapakita ng awa at pag-ibig kailanman o sa mga pinunong uhaw sa dugo at kapangyarihan? Papanigan ba natin ang Kataas-taasang Diyos na naghahatid kapayapaan o ang mga makamundong pinuno na nagpapairal ng karahasan? Anuman ang ating desisyon, panindigan natin ito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento