7 Hunyo 2020
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (A)
Exodo 34, 4b-6. 8-9/Daniel 3/2 Corinto 13, 11-13/Juan 3, 16-18
Sa mga taong napapaloob ang Simbahan sa Taon A, pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos ang pag-ibig ng Panginoon. Magandang bigyan ng pansin ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos habang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ang Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo. Ang misteryo ng Banal na Santatlo at ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos ay magkaugnay. Sa pamamagitan ng misteryo ng Banal na Santatlo, ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos ay nahayag.
Ipinakilala ng Panginoong Diyos ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng dalawang misteryong ito na talaga namang magkaugnay. Ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili bilang Tatlong Persona ngunit iisa. Oo, mahirap ngang ipaliwanag o unawain kung paanong ang Tatlong Persona ay iisa, ngunit sa kabila nito, makikita natin ang pag-ibig ng Diyos. Sa misteryo pa lamang ng Banal na Santatlo, nahayag ang pag-ibig ng Panginoon. Ang Banal na Santatlo na binubuo ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ay hindi nag-agawan ng kapangyarihan kailanman. Hindi naging magkaribal o magkakumpentensya ang Banal na Santatlo. Ang kayabangan ay hindi umiral sa ugnayan ng Banal na Santatlo kailanman. Bagkus, ang Banal na Santatlo ay laging namuhay nang may pag-ibig sa Isa't Isa. Pag-ibig ang umiral sa ugnayan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. Pag-ibig ang pinairal ng Banal na Santatlo. Ang pag-ibig na ito ay ang bumuklod sa Ama, Anak, at Espiritu Santo sa Isa't Isa. Ibinahagi rin ng Diyos ang pag-ibig na ito sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagbabahagi nito sa sangkatauhan, nagpakilala ang Diyos bilang isang mapagmahal na diyos. Ang tunay at nag-iisang Diyos, ang Banal na Santatlo, ay puspos ng pag-ibig.
Binigyan ng pansin sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang pagpapakilala ng Diyos sa sangkatauhan. Ang Diyos ay nagpakilala sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Kanyang pag-ibig. Ginawa ito sa pamamagitan ng Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus. Si Hesus ay dumating upang iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan, ipinakita at ibinahagi ng Diyos ang Kanyang pag-ibig. Sa pamamagitan ng dakilang gawaing ito, ang Banal na Santatlo ay nagpakilala sa sangkatauhan. Ipinakita ng Diyos, ang Banal na Santatlo, na Siya'y tunay na mapagmahal. Dahil sa pag-ibig, tinubos Niya ang sangkatauhan. Iyan ang Banal na Santatlo. Iyan ang Diyos.
Nagpakilala ang Panginoong Diyos sa Bundok ng Sinai sa Unang Pagbasa bilang isang diyos na "mapagmahal at maawain" (Exodo 34, 6). Walang sawa Niya itong pinatunayan sa mga sumunod na panahon. Lagi Niya itong pinatunayan. Hindi Siya tumigil kailanman. Ang pinakadakilang larawan ng pag-ibig ng Diyos, ang Banal na Santatlo, ay si Kristo. Sa pamamagitan ni Kristo, ang pag-ibig ng Banal na Santatlo ay nahayag sa lahat ng tao. Dahil sa pag-ibig, niloob ng Banal na Santatlo, ang kaisa-isa at kataas-taasang Diyos, na matubos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Diyos Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus. Tunay ngang mapagmahal at maawain ang Diyos, ang Banal na Santatlo. Walang kaduda-duda na ang Diyos ay puspos ng pag-ibig at awa.
Hindi lalayo pa ang mga sinabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang Diyos ay ipinakilala ni Apostol San Pablo bilang "Diyos ng pag-ibig at kapayapaan" (2 Corinto 13, 11). Pag-ibig at kapayapaan ang pinairal ng Banal na Santatlo. Ito rin ang ibinahagi ng Banal na Santatlo sa lahat ng tao. Ang Banal na Santatlo ay hindi nagpairal at nagbahagi ng gulo at dahas. Bagkus, pag-ibig at kapayapaan.
Ang Banal na Santatlo ay puspos ng pag-ibig, awa, at kapayapaan. Hindi na ito dapat pagdudahan pa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento