Huwebes, Mayo 28, 2020

INA NG SIMBAHAN, INA NG AWA

1 Hunyo 2020 
Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Simbahan 
Genesis 3, 9-15. 20 (o kaya: Mga Gawa 1, 12-14)/Salmo 86/Juan 19, 25-34 


Sa araw na ito na inilaan ng Simbahan sa paggunita sa Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Simbahan, magandang bigyan ng pansin ang kanyang titulo bilang Ina ng Awa. Napakalinaw ng ugnayan ng dalawang titulong ito sa isa't isa. Kilala o tinatawag na Ina ng Awa ang Mahal na Birheng Maria dahil siya ang Ina ni Hesus, ang Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Dinala niya sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ang bukal ng awa na si Hesus. Dumating sa mundo ang Panginoong pinagmulan ng awa sa pamamagitan ni Maria na naglihi't nagluwal sa Kanya. 

Ang pagdating ng Panginoong Hesus sa daigdig ay inihayag sa Unang Pagbasa mula sa aklat ng Genesis. Inihayag ng Diyos na dudurugin ang ulo ng ahas. Ang dudurog sa ulo ng ahas, ayon sa pangako ng Panginoong Diyos, ay ang binhi ng babae (Genesis 3, 15). Sa pamamagitan nito, ang tagumpay at kadakilaan ng Awa ng Diyos ay mahahayag. Ang Awa ng Panginoong Diyos ay darating sa daigdig sa pamamagitan ng isang babae. Natupad ito sa pamamagitan ni Hesus at ni Maria. Si Hesus, ang Awa ng Diyos, ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria. Iyan ang dahilan kung bakit si Maria ay tinatawag na Ina ng Awa. Si Maria ay Ina ng Awa dahil sa kanya nagmula ang bukal ng awa na si Hesus. 

Nang si Hesus ay dumating sa daigdig, hindi Siya tumigil sa pagpapakita ng awa kailanman. Lagi Niyang ipinakita ang Kanyang Awa sa pamamagitan ng Kanyang mga pangaral at mga gawa. Hindi layunin ni Hesus ang magpakitang-gilas sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. Ang Kanyang mga salita at gawa ay hindi pagpapakita ng galing at karunungan. Hindi Niya ipinagyayabang sa mga tao kung ano Niyang gawin. Bagkus, ang Kanyang mga salita at gawa ay mga palatandaan ng Kanyang Awa. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa, si Hesus ay nagpakilala bilang Panginoon at Hari ng Awa. 

Isang napakagandang halimbawa nito ay itinatampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay hango sa isang bahagi ng napakahabang salaysay ni San Juan tungkol sa Mahal na Pasyon ni Kristo. Sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo, ipinagkatiwala ng Panginoong Hesukristo ang Mahal na Birheng Maria at si Apostol San Juan sa pangangalaga ng isa't isa. Iyan ang dahilan kung bakit ang Mahal na Birhen ay kinikilala bilang Ina ng Simbahan. Si Maria ay naging Ina ng Simbahan dahil sa Awa ng Panginoong Hesus. Mula sa krus, ipinakita ni Hesus ang Kanyang Awa para sa Simbahan sa pamamagitan ng pagbibigay Niya kay Maria upang maging Ina ng Simbahan. Si Maria ay ibinigay ni Hesus sa Simbahan (na noo'y kinatawan ni Apostol San Juan sa paanan ng krus) upang maging kanyang Ina dahil sa Kanyang Awa. 

Bilang Ina ng Simbahan, ang Mahal na Birheng Maria ay nagsisilbing salamin at paalala ng Awa ng Panginoong Hesukristo. Kung paanong hindi sinukuan ni Hesus ang mga apostol sa kabila ng kanilang mga kahinaan at pagkukulang, hindi rin sila sinukuan ni Maria. Sabi sa alternatibong Unang Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol na ang mga apostol ay sinamahan ng Mahal na Inang si Maria sa pananalangin matapos ang Pag-Akyat sa Langit ng Panginoong Hesus (Mga Gawa 1, 14). Buong kataimtimang nanalangin ang mga apostol habang hinihintay ang pagdating ng Espiritu Santo. Kasama nilang manalangin ay ang Mahal na Birheng Maria. Kasama nila ang Mahal na Inang si Maria na patuloy na sumasalamin at nagpapaalala sa kanila sa Awa ng Panginoon. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay kilala bilang Ina ng Awa at Ina ng Simbahan hindi dahil sa awa na nagmumula sa kanyang sarili. Ang awang ipinapakita ng Mahal na Birheng Maria ay hindi hiwalay o magkaiba sa Awa ng Panginoon. Hindi gawa ng sarili niyang kapangyarihan ang awang kanyang ipinapakita. Bagkus, si Maria ay kilala bilang Ina ng Awa at Ina ng Simbahan dahil sa Awa ng Panginoon na patuloy niyang tinataglay at sinasalamin. Ang awang ipinapakita ng Mahal na Birhen sa lahat ng mga bumubuo ng Simbahan ay walang iba kundi ang Awa ng Diyos. Sa Panginoong Diyos nagmumula ang awang ipinapakita ng Mahal na Ina. 

Isang Ina ang ibinigay ng Panginoong Hesus sa Kanyang Simbahan. Ang Mahal na Birheng Maria ay ibinigay ni Hesus sa Simbahan upang maging kanyang Ina dahil sa Kanyang Awa. Niloob ni Hesus na ang Kanyang Inang si Maria ay maging Ina ng Simbahan dahil sa Kanyang Awa. Dahil sa Kanyang Awa, niloob ni Hesus na maging bahagi ng Kanyang pamilya ang Simbahan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento