Huwebes, Mayo 21, 2020

HINDI TAYO PABABAYAAN

24 Mayo 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat (A) 
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23/Mateo 28, 16-20 



Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon. Bago Siya umakyat sa langit, ibinigay ng Panginoong Hesukristo sa mga apostol ang kanilang misyon. Ang misyon ng mga apostol ay maging mga saksi ni Hesus sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Subalit, bago nila simulan ang misyong ibinigay ng Panginoong Hesus, kailangan nilang hintayin ang pagdating ng Espiritu Santo upang ang bawat isa sa kanila ay mapuspos ng Kanyang mga pagpapala. Ang bawat isa sa kanila ay gagabayan at sasamahan ng Espiritu Santo sa bawat sandali ng kanilang misyon. 

Ang misyong ibinigay ni Hesus sa mga apostol ay binigyan ng pansin ni San Mateo sa wakas ng kanyang Ebanghelyo. Inilarawan ni Hesus sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo na hango sa huling kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Mateo ang misyon ng mga apostol. Ang misyon ng mga apostol ay sumaksi kay Kristo sa iba't ibang bansa sa daigdig. Napakalayo ang lalakbayin nila upang tuparin ang kanilang tungkulin bilang mga saksi ni Kristo. Sila ang magpapakilala kay Kristo sa lahat ng bansa. Iyan ang kanilang misyon. 

Bagamat iisa lamang ang binigyan ng pansin ng Unang Pagbasa at Ebanghelyo, may isang kapansin-pansing pagkakaiba. Ang Pag-Akyat sa Langit ni Kristo Hesus ay hindi inilarawan o binanggit ni San Mateo sa huling bahagi ng Ebanghelyo na hango sa huling kabanata ng kanyang Ebanghelyo. Ang mga huling salita sa huling kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo ay ang pangako ni Kristo Hesus, "Tandaan ninyo: Ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan" (Mateo 28, 20). Isang napakagandang pangako mula sa Panginoong Hesus. Lagi Niyang sasamahan ang mga apostol hanggang sa wakas ng panahon. 

Kahit na si Hesus ay naka-akyat na sa langit at nakaluklok sa kanan ng Ama, tulad ng inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa (Efeso 1, 20), hindi Niya pinabayaan ang Kanyang Simbahan sa lupa kailanman. Oo, umakyat na si Hesus sa kalangitan. Oo, nakaluklok na Siya sa kanan ng Amang nasa langit. Pero, hindi ito nangangahulugang iniwanan at pinabayaan ni Hesus ang Kanyang Simbahan. Ang Panginoong Hesukristo ay hindi nagpapabaya kailanman. Bagkus, lagi Niyang sinasamahan ang Kanyang Simbahan hanggang sa wakas ng panahon. Kahit na nakaluklok Siya sa Kanyang trono sa langit, kahit na Siya'y nakaluklok sa kanan ng Diyos Ama, hindi Niya pinababayaan ang Simbahan. Mula sa Kanyang marangal na trono sa langit, laging sinasamahan ni Kristo ang Kanyang Simbahan. 

Maraming taon ang lumipas sa kasaysayan ng daigdig. Subalit, hindi pa rin tumitigil si Hesus sa pagtupad sa Kanyang pangako bago Siya umakyat sa langit. Patuloy Niyang tinutupad ang pangako Niyang ito. Hindi tumigil ang Panginoong Hesus sa pagtupad sa pangakong ito. Bagkus, ang pangakong ito ay tinutupad Niya nang buong katapatan hanggang sa kasalukuyan. 

Tayong lahat na bumubuo sa Simbahan ay tunay na mapalad dahil lagi tayong sinasamahan ng Panginoong Hesukristo. Kahit na hindi Siya nakikita ng ating mga mata, kasama pa rin natin Siya. Siya'y lagi nating kasama. Hindi Niya pababayaan ang Simbahan. Hindi Niya tayo pababayaan kailanman. Siya'y lagi nating kasama, kahit na Siya'y nakalulok sa Kanyang trono sa langit. Mula sa langit, tayong lahat na bumubuo sa Kanyang Simbahan dito sa daigdig ay lagi Niyang sinasamahan at pinagmamasdan. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento