Linggo, Mayo 10, 2020

NANANALANGIN KASAMA NATIN AT PARA SA ATIN

13 Mayo 2020 
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Fatima 
*Ang mga Pagbasa ay mula sa Pagkat ng mga Pagdiriwang sa Karangalan ng Mahal na Birheng Maria 
Mga Gawa 1, 12-14/Lucas 1/Lucas 1, 39-47 




Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang mga kaganapan matapos umakyat sa langit ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ang mga apostol ay nanalangin nang buong kataimtiman habang hinihintay ang pagpanaog ng Espiritu Santo sa kanila. Isa sa mga kasama nila sa pananalangin ang Mahal na Inang si Maria (Mga Gawa, 1, 14). Sinamahan ng Mahal na Birheng Maria ang mga apostol sa pananalangin habang hinihintay ang pagdating ng Espiritu santo, tulad ng ipinangako ni Kristo. 

Napapanahong pakinggan ang salaysay na ito mula sa mga Gawa ng mga Apostol sa araw na ito na inilaan ng Simbahan sa paggunita sa Mahal na Inang si Maria bilang Birhen ng Fatima. Sa mga larawan o imahen ng Mahal na Birhen ng Fatima, makikita ng bawat isa na may hawak siyang Rosaryo. Karamihan sa mga imahen o larawan ng Mahal na Ina sa ilalim ng titulong Birhen ng Fatima kung saan ang kanyang mga kamay ay nagkadaop sa pananalangin habang hinahawak niya ang Rosaryo. Ipinapakita lamang nito na ang Mahal na Ina ay lagi nating kasama sa pananalangin, lalo na kapag tayo'y nagdasal ng Santo Rosaryo. 

Habang tayo'y nananalangin ng Santo Rosaryo, pinagninilayan natin ang mga sandali sa buhay ng Panginoong Hesus. Mga Misteryo ng Tuwa, Hapis, Luwalhati, at Liwanag. Habang pinagninilayan natin ang mga sandaling ito, kasama nating magnilay at manalangin ang Mahal na Ina. Anumang ang mga misteryong ating pagninilayan - Tuwa, Liwanag, Hapis, o Luwalhati - habang dinadasal natin ang Rosaryo, kasama natin sa pagpupuri ang Mahal na Ina. Kasama natin ang Mahal na Ina sa pagbibigay ng papuri sa Panginoon sa tuwing dinadasal ng bawat isa ang Banal na Rosaryo. Tulad ng Mahal na Ina sa Ebanghelyo, ang ating mga puso't kaluluwa ay magbibigay ng papuri sa Diyos nang buong pananalig sa kanya kapag tayo'y nagdasal ng Santo Rosaryo. 

May aral tayo mapupulutan mula sa pananalangin ng Santo Rosaryo. Ang bawat isa sa atin ay tinuturan ng Santo Rosaryo na manalig at magpuri sa Panginoong Diyos sa bawat sandali ng ating buhay, katulad ng Mahal na Birheng Maria. Kahit na tayo'y humaharap sa mga pagsubok sa buhay, dapat pa rin nating ibigay ang ating papuri at pananalig sa Diyos. Hindi tayo makakaligtas mula sa mga pagsubok sa buhay. Hindi magaan ang buhay sa bawat oras. Subalit, sa kabila ng mga ito, tayong lahat ay dapat manalig at magpuri sa Diyos. Hindi Niya tayo pababayaan. Lagi natin Siyang kasama. At kasama rin natin ang Mahal na Ina. 

Ipinapaalala sa atin ng Santo Rosaryo na lagi nating kasama ang Diyos sa bawat sandali ng ating buhay. Mapuno man ng tuwa, liwanag, hapis, o kahit luwalhati at tagumpay, kasama natin ang Diyos. Higit sa lahat, kasama rin natin ang Mahal na Birheng Maria na patuloy na nananalangin para sa atin at kasama natin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento