Martes, Mayo 26, 2020

KAHANGA-HANGANG GAWA NG DIYOS

31 Mayo 2020 
Linggo ng Pentekostes (A) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13/Juan 20, 19-23 


Labis na nagulat ang mga Hudyong dumayo sa Herusalem para sa pagdiriwang ng Pentekostes sa Unang Pagbasa. Sila'y nagulat nang labis sapagkat narinig nila ang mga apostol ni Kristo Hesus na nagsasalita sa kani-kanilang mga katutubong wika, kahit na sila'y mga taga-Galilea. Alam ng mga tao na ang mga apostol ay nagmula sa Galilea. Subalit, sa kabila nito, sila'y nagsalita sa iba't ibang wika tungkol sa mga gawa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga (Mga Gawa 2, 7-8. 11). Hindi nila akalain na makakapagsalita ang mga Galileong ito sa kani-kanilang mga wika. Ang bawat isa sa kanila ay paniguradong nagtaka kung paanong nangyari ito. 

Ang mga apostol ay nakilala ng mga tao. Nakilala sila bilang mga lalaking mula sa lalawigan ng Galilea. Mga simpleng tao lamang ang mga apostol. Sila ay hindi mga dalubhasa. Hindi sila tulad ng mga Pariseo, mga Saduseo, o ng mga eskriba. Sila'y mula sa iba't ibang sektor ng lipunan. May mangingisda, may maniningil ng buwis o publikano, may makabayan, at iba pa. Subalit, sa kabila nito, nakapagsalita sila sa iba't ibang wika tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos. Paano nga ba nangyari ito? Ni hindi nga sila nag-aral ng ibang wika. Ang mga wikang alam nila ay yaong mga ginagamit nila sa kanilang mga tahanan at sa kanilang bayan. 

Maliwanag na nakasaad sa unang bahagi ng salaysay sa Unang Pagbasa na bago lumabas ang mga apostol mula sa bahay na pinagtitipunan nila, ang Espiritu Santo ay pumanaog sa kanila.  Ang bawat isa sa kanila ay napuspos ng mga biyaya ng Espiritu Santo nang Siya'y pumanaog sa kanila. Nang lumabas sila mula sa bahay, nagsalita ang mga apostol sa iba't ibang wika tungkol sa Panginoon. 

Hindi lamang ang pagsasalita sa iba't ibang wika ang biyayang natanggap ng mga apostol. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa: "Iba't iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito" (1 Corinto 12, 4). Ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo ay napakarami. Ang mga biyayang ito ay ipinagkakaloob ng Espiritu Santo upang ang Panginoon ay lalo pang mabigyan ng kadakilaan ng mga naglilingkod sa Kanya. Patuloy Siyang nagkakaloob ng biyaya sa mga lingkod ng Diyos. Ang mga kaloob na ito ay ginamit ng mga apostoles sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo upang mahayag sa pamamagitan nila ang kadakilaan ng Diyos. 

Sa salaysay sa Ebanghelyo, ibinigay ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang Espiritu Santo sa mga apostol (Juan 20, 22). Kahit na si Hesus ay iniwanan at tinalikuran ng mga apostoles nang Siya'y magpakasakit at mamatay (maliban na lamang kay Apostol San Juan na nasa tabi ng Mahal na Birheng Maria sa paanan ng krus), pinili pa rin Niya sila upang maging Kanyang mga saksi. Pinili pa rin ng Panginoong Hesukristo ang mga apostoles upang sumaksi sa Kanya sa iba't ibang bahagi ng daigdig sa kabila ng kanilang mga pagkukulang at kahinaan. Iyan ang dahilan kung bakit ibinigay ni Kristo ang Espiritu Santo sa mga apostol nang Siya'y magpakita sa kanila matapos ang Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Walang magagawa ang mga apostol sa sariling kapangyarihan. Ang katotohanang ito ay nababatid ng Panginoong Hesus. Kaya naman, ibinigay Niya sa mga apostol ang Espiritu Santo upang sila'y samahan, tulungan, at gabayan sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang Kanyang mga saksi sa iba't ibang bahagi ng mundo. Ang Espiritu Santo ang tutulong sa mga apostol na maging matagumpay sa pagsaksi kay Kristo sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Tutulungan sila ng Espiritu Santo na maging mga instrumento ng Panginoon. Sa tulong ng Espiritu Santo, mahahayag sa pamamagitan nila ang kadakilaan ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga apostol, gagawa ng mga kahanga-hangang bagay ang Espiritu Santo. Ang mga kahanga-hangang gawa ng Panginoong Diyos ay masasaksihan ng bawat tao sa daigdig sa pamamagitan ng mga apostol at ng mga susunod sa kanila. 

Kaya naman, ang paglukob ng Espiritu Santo sa mga apostol noong Pentekostes ay isang kahanga-hangang gawa ng Diyos. Ang mga apostol ay biniyayaan ng iba't ibang kaloob noong sila'y nilukuban ng Espiritu Santo. Ang mga kaloob na ito ang tumulong sa kanila na tuparin ang kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo. 

Patuloy na nasasaksihan ng bawat tao sa pamamagitan ng Simbahan ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos. Patuloy na nasasaksihan ng lahat ng tao dito sa daigdig ang pagtulong ng Espiritu Santo sa tunay at nag-iisang Simbahan itinatag ni Kristo. Patuloy na sinasamahan, tinutulungan, at ginagabayan ng Espiritu Santo ang Simbahan. Lumipas man ang maraming taon sa kasaysayan, hindi tumigil ang Espiritu Santo sa pagtulong sa tunay at nag-iisang Simbahan itinatag ni Kristo sa lupa. Tunay nga itong kahanga-hanga. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento