Biyernes, Hulyo 13, 2018

TUNAY ANG KANYANG PAGKALINGA

29 Hulyo 2018 
Ikalabimpitong Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
2 Hari 4, 42-44/Salmo 144/Efeso 4, 1-6/Juan 6, 1-5 


Isinasalungguhit sa mga Pagbasa ang pagiging mapagbigay ng Diyos. Ang Diyos ang nagkakaloob sa ating mga pangangailangan. Nababatid Niya kung ano ang kailangan ng bawat tao. Ipinagkakaloob Niya sa bawat tao ang kanilang mga pangangailangan. Sa pamamagitan ng pagiging mapagkaloob, ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pagkalinga sa ating lahat. 

Wika ni Apostol San Pablo sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa na iisa lamang ang Panginoong Diyos at Siya'y higit sa lahat, gumagawa sa lahat, at sumasalahat (4, 6). Iisa lamang ang Panginoong kumakalinga sa ating lahat. Ang Panginoon na Siyang pinakadakila sa lahat ang may likha sa lahat ng bagay. Siya rin ang gumagawa ng paraan para sa ating lahat. Ginagawa Niya ang lahat para sa kapakanan ng lahat ng tao. Siya rin ay kasama ng lahat ng tao upang ingatan at patnubayan ang bawat tao. Sa pamamagitan ng paggawa ng lahat para sa ating lahat upang tayo'y tulungan at pakikiisa sa ating kalagayan, ipinapaalam sa atin ng Diyos na tayong lahat ay Kanyang kinakalinga. 

Tampok sa mga salaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang dalawang pagkakataon kung saan pinakain ng Panginoong Diyos ang napakaraming tao. Sa Unang Pagbasa, sandaang tao ang pinakain ng Panginoon. Iniutos ni Eliseo ang lalaking mula sa Baal-salisa na nagdala ng bagong aning trigo at dalawampung tinapay na ibigay ang mga iyan sa mga tao sapagkat ipinangako sa kanya ng Panginoong Diyos na mabubusog ang mga tao at magkakaroon pa ng mga tira. At gayon nga ang nangyari. Sa Ebanghelyo, pinakain ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ang limang libong tao. Gumawa ng himala si Hesus gamit ang limang tinapay at dalawang isda na dala ng isang batang lalaki. Ang limang tinapay at dalawang isda ay Kanyang pinarami. Nabusog ang limang libong tao at nagkaroon pa sila ng mga tira dahil sa sobrang dami ng tinapay at isda. 

Kaya nga sabi sa Salmo ngayon, "Pinakakain Mong tunay kaming lahat, O Maykapal." (Salmo 144, 16) Sabi rin sa panalanging itinuro ng Panginoong Hesukristo, "Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw." (Mateo 6, 11) Hindi lang mga pagkain o inumin ang nababatid at ipinagkakaloob sa atin ng Panginoon. Anuman ang pangangailangan natin sa buhay, alam iyan ng Panginoon. Nalalaman ng Panginoon ang mga tunay na kailangan natin. Siya mismo ang magkakaloob ng mga iyon sa ating lahat. Hindi Niya nakakalimutan ang ating kapakanan sa araw-araw. Lagi Niya tayong iniingatan at binibiyayaan. 

Ang pagkalinga ng Diyos ay tunay at walang hanggan. Hindi Siya magsasawa o titigil sa pag-aruga sa atin. Lagi Niya tayong kinupkupkop at pinagpapala. Ang ating mga pangangailangan ay Kanyang nababatid at ibinibigay sa atin. Hindi Niya kinakaligtaan ang ating mga pangangailangan. Hindi Siya magbibingi-bingihan sa ating mga pagsusumamo sa Kanya. Lagi Niyang pakikinggan ang ating mga panalangin. Tinutugunan din Niya ang ating mga panalangin at kahilingan. At ang mga pangangailangan natin ay Kanyang ibinibigay sa ating lahat. Ganyan tayo kahalaga sa paningin ng Diyos. Ganyan tayo kamahal ng ating Diyos na Siyang bukal ng pagpapala at walang hanggang pag-ibig at awa.

Ipanatag natin ang ating mga loob. Ang Diyos na kumakalinga sa atin ay lagi nating kasama araw-araw. Nababatid Niya ang ating mga pangangailangan at ang mga ito'y ibinibigay Niya sa ating lahat. Hindi Siya nang-iiwan. Hindi Niya tayo pababayaan. Lagi tayong aarugain at iingatan araw-araw. 

Martes, Hulyo 10, 2018

HINDI MAGSASAWA

22 Hulyo 2018 
Ikalabing-Anim na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Jeremias 23, 1-6/Salmo 22/Efeso 2, 13-18/Marcos 6, 30-34 


Pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa ang habag at malasakit ng Diyos. Ang Diyos ang bukal ng habag at malasakit. Tunay at walang hanggan ang Kanyang habag at malasakit para sa sangkatauhan. Ito ang natatanging dahilan kung bakit pumarito sa daigdig si Kristo Hesus. Inihayag ni Kristo Hesus ang habag at malasakit ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. Ang pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ni Hesus ang nagsalarawan sa kadakilaan ng Kanyang habag at malasakit. 

Ipinakilala ang Panginoong Diyos ang Kanyang sarili bilang isang pastol na may tunay na habag at malasakit para sa Kanyang kawan sa Unang Pagbasa. Dahil sa Kanyang habag at malasakit, ipinangako ng Panginoon na Siya mismo ang magtitipon sa Kanyang mga tupang nagkawatak-watak dahil sa mga huwad na pastol na walang habag at malasakit para sa mga tupa. Muling magkakaisa ang kawan ng Panginoon sapagkat Siya mismo ang titipon at magbubuklod sa kanila. Siya na rin mismo ang mangangalaga sa Kanyang kawan. 

Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa kamatayan ni Kristo sa krus. Sabi ni Apostol San Pablo na tayong lahat ay tinipon at pinagkaisa muli sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo sa krus. Inialay ni Kristo ang Kanyang buhay sa krus upang magkaisa muli ang Kanyang kawan. Ibinubo ni Kristo ang Kanyang Kabanal-banalang Dugo mula sa krus upang iligtas ang lahat ng mga kabilang sa Kanyang kawan. Ang kawan ng Mabuting Pastol na si Hesus ay Kanyang pinagbuklod at tinubos sa pamamagitan ng Kanyang Dugo na dumaloy mula sa krus. 

Dalawang ulit na inilarawan sa Ebanghelyo ang habag at malasakit ng Panginoong Hesukristo. Ang unang pagkakataon na isinalaysay sa Ebanghelyo ay noong bumalik ang Labindalawang apostol mula sa kanilang pagmimisyon. Sinabihan sila ni Hesus na tumungo sa isang ilang na lupain upang silang lahat ay makaranas ng kahit kaunting kapahingahan (6, 31). Batid ni Hesus kung gaano kahirap para sa mga alagad ang pagtupad sa misyong ibinigay sa kanila, lalo na't may mga taong ayaw makinig o tumanggap sa kanilang ipinapangaral. Batid ni Hesus ang kanilang pagod. Kaya naman, sinabihan sila ng Panginoong Hesus na sabay silang pumunta sa isang ilang na lugar upang makapagpahinga. 

Ang pangalawang pagkakataong ipinakita ang habag at malasakit ni Hesus sa Ebanghelyo ay noong nakita Niya ang mga taong nauna sa kanila sa lugar na pinuntahan nila para makapagpahinga. Sinabi sa Ebanghelyo na si Hesus ay napuno ng habag at malasakit para sa kanila sapagkat sila'y parang mga tupang walang pastol (6, 34). Kaya naman sa halip na makapagpahinga nang maayos, inasikaso ni Hesus ang mga tao. Inuna Niya ang pangangailangan ng mga tao. Siya'y nagturo sa kanila at nagpagaling ng mga taong maysakit na naroon. Kahit nakakaranas ng pagod, inuna ni Hesus ang kapakanan ng mga tao sapagkat Siya ang Mabuting Pastol na may tunay na habag at malasakit para sa Kanyang kawan. 

Mayroon tayong Diyos na puspos ng habag at malasakit para sa ating lahat. Iyan ang temang isinalungguhit sa Mabuting Balita ng kaligtasan. Ang pagtubos sa atin ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus ang larawan ng Kanyang walang hanggang habag at malasakit para sa ating lahat. Nais ng Panginoon na tayo'y magkaisa at maligtas sa pamamagitan Niya. Kaya naman, Siya'y bumaba mula sa Kanyang dakilang kaharian sa langit at naging tao upang tayo'y iligtas sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ang tunay na habag at malasakit. Iyan ang ating Panginoong Diyos na walang kapantay. 

Tunay at walang hanggan ang habag at malasakit ng Diyos para sa ating lahat. Hinding-hindi Siya titigil o sasawa sa pagbuhos ng Kanyang habag at malasakit para sa ating lahat. Ganyan tayo kahalaga sa Kanyang paningin. 

Lunes, Hulyo 9, 2018

TUNAY NA KAGALAKAN SA PILING NG PANGINOON AT NG MAHAL NA INA

16 Hulyo 2018
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen
Zacarias 2, 14-17/Lucas 1/Mateo 12, 46-50 


"Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Sion, pagkat maninirahan na Ako sa piling Mo." (2, 14) Ito ang pangako ng Panginoong Diyos sa Kanyang bayan na inihayag ni propeta Zacarias sa Unang Pagbasa. Ipinangako ng Diyos sa Kanyang bayan na Siya'y makakapiling nila. Siya'y darating upang makapiling Niya ang Kanyang bayan pagdating ng panahon. At sa pamamagitan ng pangakong ito, ang Diyos ay naghatid ng sigla sa Kanyang bayan. Buong kagalakang hinintay ng bayan ng Diyos ang katuparan ng pangakong Kanyang binitiwan. Buong sigla silang umasang tutuparin ng Panginoon ang pangakong Kanyang binitiwan. 

Hindi kinalimutan ng Diyos ang pangakong binitiwan. Naalala ng Diyos ang pangakong Kanyang binitiwan. Mayroong panahon Siyang itinakda para tuparin ang pangakong yaon. Nang dumating ang takdang panahon, buong kababaang-loob Siyang bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao katulad natin sa pamamagitan ni Kristo Hesus bilang katuparan sa pangakong Kanyang binitiwan. Dumating Siya sa daigdig sa pamamagitan ng isang ina, ang Mahal na Birheng Maria. Isang dalaga mula sa bayan ng Nazaret na nagngangalang Maria ang pinili't hinirang ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Kristo Hesus. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na ang sinumang sinumang sumunod sa kalooban ng Amang nasa langit ay kapamilya Niya. At ang Mahal na Birheng Maria ay isang huwaran ng pagsunod sa kalooban ng Ama. Tinanggap at sinunod ng Mahal na Inang si Maria ang kalooban ng Diyos para sa kanya. Kahit hindi niya lubusang maunawaan ang kalooban ng Diyos, pinili pa rin niyang tumalima sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagtanggap at pagtalima sa kalooban ng Ama, ipinakita ni Maria ang kanyang pananalig at pagmamahal sa Kanya. 

Ang mga salitang ito ni Hesus ay tunay ngang nagbibigay ng kagalakan. Tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataong mapabilang sa pamilya ng Panginoon. Subalit, isa lamang ang kailangan nating gawin upang mapabilang sa pamilya ni Kristo. Upang mapabilang sa pamilya ni Kristo, kinakailangan nating tumalima sa kalooban ng Ama. Hindi sapat ang sumampalataya lamang tayo. Kailangan nating sumunod sa kalooban ng Ama. Sapagkat napapatunayan nating tunay ang ating pananampalataya at pananalig sa Diyos kung tayo'y susunod sa Kanyang loobin. 

Tulad ng ating Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Bundok del Carmen, buong puso't kaluluwa nating tanggapin at sundin ang kalooban ng Ama. Kung hahayaan nating maghari ang kalooban ng Diyos sa buhay natin, tayo'y mapapabilang sa Kanyang pamilya. Ang mga kabilang sa pamilya ng Panginoon ay nakakaranas ng tunay na kagalakang walang kapantay. 

Inaanyayahan tayo ng Panginoon na maging bahagi ng Kanyang pamilya. May tunay na galak sa pagiging bahagi ng pamilya ng Panginoon. Kasama ang Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo na si Inang Maria, makakaranas tayo ng tunay na kagalakan sa piling ng Panginoon. Ang tunay na kagalakan sa piling ng Panginoon at ng Mahal na Ina ay mararanasan lamang ng pagiging kabilang sa pamilya ng Panginoon. Mapapabilang lamang tayo sa pamilya ng Panginoon kung ating tatanggapin at susundin nang buong kababaang-loob ang Kanyang kalooban. 

Linggo, Hulyo 1, 2018

ANG TULONG AT GABAY NG DIYOS

15 Hulyo 2018 
Ikalabinlimang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Amos 7, 12-15/Salmo 84/Efeso 1, 3-14 (o kaya: 1, 3-10)/Marcos 6, 7-13 


Ang pagpapatotoo tungkol sa pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos ay isang pananagutan. Ang bawat tao ay hinihirang at sinusugo ng Diyos upang maging Kanyang mga saksi sa bawat sulok ng daigidg. Layunin ng Diyos sa pamamagitan ng paghirang at pagsugo sa mga magbibigay ng patotoo tungkol sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob ay makilala Siya ng lahat bilang tunay at kaisa-isang Diyos na mahabagin at maibigin. Isa itong responsibilidad para sa mga pinili't hinirang ng Panginoon para sa gawaing ito. Hindi rin madaling gampanan ang responsibilidad na ito. Hindi biro ang pagtupad ng pananagutang ito. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang kuwento ni propeta Amos. Hindi siya tinanggap dahil inakala ng lahat na isa siyang bulaang propeta. Inakala nilang pawang panghuhula lamang ang mga sinasabi ni Amos. Akala nilang layunin niyang manlinlang ng tao. Subalit, inihayag ni Amos na siya'y hinirang ng Panginoon upang maging Kanyang tagapagsalita sa Kanyang bayang sumuway at tumalikod sa Kanya. Sa pamamagitan ng paghirang at pagsugo kay Amos na isang pastol na nag-aalaga ng mga tupa, inihayag ng Panginoong Diyos ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa Kanyang bayan. Dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob, nais ng Diyos na magsisi't magbalik-loob sa Kanya ang Kanyang bayan. Kaya naman, si Amos ay hinirang at sinugo para iparating ang Kanyang mensahe para sa bayan Niyang tumalikod sa Kanya. Si Amos ay naging tapagdala ng pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos dahil ipinarating niya sa bayang Israel ang mensahe ng Diyos na naghihintay sa kanilang pagbabalik-loob. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Sa kalagitnaan ng Ikalawang Pagbasa, nagsalita siya tungkol sa ginawang pagtubos sa atin ni Kristo. Sa pamamagitan ng pagtubos ni Kristo sa sangkatauhan, nahayag ang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Hindi niloob ng Diyos na manatiling alipin ng kasamaan at kadiliman ang sangkatauhan magpakailanman. Kaya naman, Siya'y bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao katulad natin sa pamamagitan ni Kristo Hesus. At nang maging tao, inihayag Niya ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagtubos sa ating lahat. Tayo'y Kanyang tinubos sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng buo Niyang sarili sa krus at Muling Pagkabuhay. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagsugo ng Panginoong Hesus sa Labindalawa. Ang mga alagad ay hinirang at sinugo ni Hesus upang ipangaral ang Mabuting Balita sa iba't ibang bayan. Hindi pa ito ang Kanyang pagsugo sa mga alagad sa iba't ibang sulok ng daigdig (magaganap iyon bago Siya umakyat sa langit). Bilang mga tagapangaral ng Ebanghelyo, dinadala ng mga apostol ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos saan man sila tumungo. Subalit, sinabihan sila ni Hesus na ang misyong ito ay magiging madali para sa kanila. May mga taong hindi makikinig o tatanggap sa kanilang ipinapangaral. Hindi garantisado na pakikinggan at tatanggapin ng lahat ng tao ang kanilang ipapangaral, kahit ilang ulit pa silang magpalayas ng mga masasamang espiritu sa Ngalan ni Kristo. Kahit inordenahan sila ng Panginoon, hindi iyon nangangahulugang magiging madali ang misyong ibinigay sa kanila. Isang napakahirap na tungkulin ang paghatid ng pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos sa lahat. 

Ang bawat Kristiyano'y pinili't hinirang ng Diyos upang maging tagapagdala ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Subalit, hindi ito magiging madali. Hindi biro ang hirap ng pagiging tagapaghatid ng pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na Siyang pumili't humirang sa ating lahat. May mga kaakibat na pagsubok sa pagtupad sa pananagutang itong bigay ng Diyos sa ating lahat. Pero, hindi ito dapat maging dahilan para tayo'y panghinaan ng loob. Kasama natin ang mapagpalang Diyos sa bawat sandali ng ating buhay upang tayo'y tulungan at gabayan. At tulad ng nasasaad sa Ikalawang Pagbasa, ang grasya ng Diyos ay sapat na tulong para sa ating lahat na tagapagdala ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. 

Sa pagtupad natin sa ating pananagutan bilang mga tagapagdala ng pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos sa lahat, Siya'y lagi nating kasama. Ang Diyos ay lagi nating kasama upang tayo'y tulungan at gabayan. Gaano mang karami o kabigat ang mga pagsubok sa buhay, nandiyan ang Diyos upang tayo'y tulungan. Hindi Siya mawawala sa ating tabi. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan.