Martes, Hulyo 10, 2018

HINDI MAGSASAWA

22 Hulyo 2018 
Ikalabing-Anim na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Jeremias 23, 1-6/Salmo 22/Efeso 2, 13-18/Marcos 6, 30-34 


Pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa ang habag at malasakit ng Diyos. Ang Diyos ang bukal ng habag at malasakit. Tunay at walang hanggan ang Kanyang habag at malasakit para sa sangkatauhan. Ito ang natatanging dahilan kung bakit pumarito sa daigdig si Kristo Hesus. Inihayag ni Kristo Hesus ang habag at malasakit ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. Ang pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ni Hesus ang nagsalarawan sa kadakilaan ng Kanyang habag at malasakit. 

Ipinakilala ang Panginoong Diyos ang Kanyang sarili bilang isang pastol na may tunay na habag at malasakit para sa Kanyang kawan sa Unang Pagbasa. Dahil sa Kanyang habag at malasakit, ipinangako ng Panginoon na Siya mismo ang magtitipon sa Kanyang mga tupang nagkawatak-watak dahil sa mga huwad na pastol na walang habag at malasakit para sa mga tupa. Muling magkakaisa ang kawan ng Panginoon sapagkat Siya mismo ang titipon at magbubuklod sa kanila. Siya na rin mismo ang mangangalaga sa Kanyang kawan. 

Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa kamatayan ni Kristo sa krus. Sabi ni Apostol San Pablo na tayong lahat ay tinipon at pinagkaisa muli sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo sa krus. Inialay ni Kristo ang Kanyang buhay sa krus upang magkaisa muli ang Kanyang kawan. Ibinubo ni Kristo ang Kanyang Kabanal-banalang Dugo mula sa krus upang iligtas ang lahat ng mga kabilang sa Kanyang kawan. Ang kawan ng Mabuting Pastol na si Hesus ay Kanyang pinagbuklod at tinubos sa pamamagitan ng Kanyang Dugo na dumaloy mula sa krus. 

Dalawang ulit na inilarawan sa Ebanghelyo ang habag at malasakit ng Panginoong Hesukristo. Ang unang pagkakataon na isinalaysay sa Ebanghelyo ay noong bumalik ang Labindalawang apostol mula sa kanilang pagmimisyon. Sinabihan sila ni Hesus na tumungo sa isang ilang na lupain upang silang lahat ay makaranas ng kahit kaunting kapahingahan (6, 31). Batid ni Hesus kung gaano kahirap para sa mga alagad ang pagtupad sa misyong ibinigay sa kanila, lalo na't may mga taong ayaw makinig o tumanggap sa kanilang ipinapangaral. Batid ni Hesus ang kanilang pagod. Kaya naman, sinabihan sila ng Panginoong Hesus na sabay silang pumunta sa isang ilang na lugar upang makapagpahinga. 

Ang pangalawang pagkakataong ipinakita ang habag at malasakit ni Hesus sa Ebanghelyo ay noong nakita Niya ang mga taong nauna sa kanila sa lugar na pinuntahan nila para makapagpahinga. Sinabi sa Ebanghelyo na si Hesus ay napuno ng habag at malasakit para sa kanila sapagkat sila'y parang mga tupang walang pastol (6, 34). Kaya naman sa halip na makapagpahinga nang maayos, inasikaso ni Hesus ang mga tao. Inuna Niya ang pangangailangan ng mga tao. Siya'y nagturo sa kanila at nagpagaling ng mga taong maysakit na naroon. Kahit nakakaranas ng pagod, inuna ni Hesus ang kapakanan ng mga tao sapagkat Siya ang Mabuting Pastol na may tunay na habag at malasakit para sa Kanyang kawan. 

Mayroon tayong Diyos na puspos ng habag at malasakit para sa ating lahat. Iyan ang temang isinalungguhit sa Mabuting Balita ng kaligtasan. Ang pagtubos sa atin ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus ang larawan ng Kanyang walang hanggang habag at malasakit para sa ating lahat. Nais ng Panginoon na tayo'y magkaisa at maligtas sa pamamagitan Niya. Kaya naman, Siya'y bumaba mula sa Kanyang dakilang kaharian sa langit at naging tao upang tayo'y iligtas sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ang tunay na habag at malasakit. Iyan ang ating Panginoong Diyos na walang kapantay. 

Tunay at walang hanggan ang habag at malasakit ng Diyos para sa ating lahat. Hinding-hindi Siya titigil o sasawa sa pagbuhos ng Kanyang habag at malasakit para sa ating lahat. Ganyan tayo kahalaga sa Kanyang paningin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento