15 Hulyo 2018
Ikalabinlimang Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Amos 7, 12-15/Salmo 84/Efeso 1, 3-14 (o kaya: 1, 3-10)/Marcos 6, 7-13
Ang pagpapatotoo tungkol sa pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos ay isang pananagutan. Ang bawat tao ay hinihirang at sinusugo ng Diyos upang maging Kanyang mga saksi sa bawat sulok ng daigidg. Layunin ng Diyos sa pamamagitan ng paghirang at pagsugo sa mga magbibigay ng patotoo tungkol sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob ay makilala Siya ng lahat bilang tunay at kaisa-isang Diyos na mahabagin at maibigin. Isa itong responsibilidad para sa mga pinili't hinirang ng Panginoon para sa gawaing ito. Hindi rin madaling gampanan ang responsibilidad na ito. Hindi biro ang pagtupad ng pananagutang ito.
Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang kuwento ni propeta Amos. Hindi siya tinanggap dahil inakala ng lahat na isa siyang bulaang propeta. Inakala nilang pawang panghuhula lamang ang mga sinasabi ni Amos. Akala nilang layunin niyang manlinlang ng tao. Subalit, inihayag ni Amos na siya'y hinirang ng Panginoon upang maging Kanyang tagapagsalita sa Kanyang bayang sumuway at tumalikod sa Kanya. Sa pamamagitan ng paghirang at pagsugo kay Amos na isang pastol na nag-aalaga ng mga tupa, inihayag ng Panginoong Diyos ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa Kanyang bayan. Dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob, nais ng Diyos na magsisi't magbalik-loob sa Kanya ang Kanyang bayan. Kaya naman, si Amos ay hinirang at sinugo para iparating ang Kanyang mensahe para sa bayan Niyang tumalikod sa Kanya. Si Amos ay naging tapagdala ng pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos dahil ipinarating niya sa bayang Israel ang mensahe ng Diyos na naghihintay sa kanilang pagbabalik-loob.
Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Sa kalagitnaan ng Ikalawang Pagbasa, nagsalita siya tungkol sa ginawang pagtubos sa atin ni Kristo. Sa pamamagitan ng pagtubos ni Kristo sa sangkatauhan, nahayag ang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Hindi niloob ng Diyos na manatiling alipin ng kasamaan at kadiliman ang sangkatauhan magpakailanman. Kaya naman, Siya'y bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao katulad natin sa pamamagitan ni Kristo Hesus. At nang maging tao, inihayag Niya ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagtubos sa ating lahat. Tayo'y Kanyang tinubos sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng buo Niyang sarili sa krus at Muling Pagkabuhay.
Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagsugo ng Panginoong Hesus sa Labindalawa. Ang mga alagad ay hinirang at sinugo ni Hesus upang ipangaral ang Mabuting Balita sa iba't ibang bayan. Hindi pa ito ang Kanyang pagsugo sa mga alagad sa iba't ibang sulok ng daigdig (magaganap iyon bago Siya umakyat sa langit). Bilang mga tagapangaral ng Ebanghelyo, dinadala ng mga apostol ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos saan man sila tumungo. Subalit, sinabihan sila ni Hesus na ang misyong ito ay magiging madali para sa kanila. May mga taong hindi makikinig o tatanggap sa kanilang ipinapangaral. Hindi garantisado na pakikinggan at tatanggapin ng lahat ng tao ang kanilang ipapangaral, kahit ilang ulit pa silang magpalayas ng mga masasamang espiritu sa Ngalan ni Kristo. Kahit inordenahan sila ng Panginoon, hindi iyon nangangahulugang magiging madali ang misyong ibinigay sa kanila. Isang napakahirap na tungkulin ang paghatid ng pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos sa lahat.
Ang bawat Kristiyano'y pinili't hinirang ng Diyos upang maging tagapagdala ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Subalit, hindi ito magiging madali. Hindi biro ang hirap ng pagiging tagapaghatid ng pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na Siyang pumili't humirang sa ating lahat. May mga kaakibat na pagsubok sa pagtupad sa pananagutang itong bigay ng Diyos sa ating lahat. Pero, hindi ito dapat maging dahilan para tayo'y panghinaan ng loob. Kasama natin ang mapagpalang Diyos sa bawat sandali ng ating buhay upang tayo'y tulungan at gabayan. At tulad ng nasasaad sa Ikalawang Pagbasa, ang grasya ng Diyos ay sapat na tulong para sa ating lahat na tagapagdala ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob.
Sa pagtupad natin sa ating pananagutan bilang mga tagapagdala ng pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos sa lahat, Siya'y lagi nating kasama. Ang Diyos ay lagi nating kasama upang tayo'y tulungan at gabayan. Gaano mang karami o kabigat ang mga pagsubok sa buhay, nandiyan ang Diyos upang tayo'y tulungan. Hindi Siya mawawala sa ating tabi. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento