16 Hulyo 2018
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen
Zacarias 2, 14-17/Lucas 1/Mateo 12, 46-50
"Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Sion, pagkat maninirahan na Ako sa piling Mo." (2, 14) Ito ang pangako ng Panginoong Diyos sa Kanyang bayan na inihayag ni propeta Zacarias sa Unang Pagbasa. Ipinangako ng Diyos sa Kanyang bayan na Siya'y makakapiling nila. Siya'y darating upang makapiling Niya ang Kanyang bayan pagdating ng panahon. At sa pamamagitan ng pangakong ito, ang Diyos ay naghatid ng sigla sa Kanyang bayan. Buong kagalakang hinintay ng bayan ng Diyos ang katuparan ng pangakong Kanyang binitiwan. Buong sigla silang umasang tutuparin ng Panginoon ang pangakong Kanyang binitiwan.
Hindi kinalimutan ng Diyos ang pangakong binitiwan. Naalala ng Diyos ang pangakong Kanyang binitiwan. Mayroong panahon Siyang itinakda para tuparin ang pangakong yaon. Nang dumating ang takdang panahon, buong kababaang-loob Siyang bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao katulad natin sa pamamagitan ni Kristo Hesus bilang katuparan sa pangakong Kanyang binitiwan. Dumating Siya sa daigdig sa pamamagitan ng isang ina, ang Mahal na Birheng Maria. Isang dalaga mula sa bayan ng Nazaret na nagngangalang Maria ang pinili't hinirang ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Kristo Hesus.
Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na ang sinumang sinumang sumunod sa kalooban ng Amang nasa langit ay kapamilya Niya. At ang Mahal na Birheng Maria ay isang huwaran ng pagsunod sa kalooban ng Ama. Tinanggap at sinunod ng Mahal na Inang si Maria ang kalooban ng Diyos para sa kanya. Kahit hindi niya lubusang maunawaan ang kalooban ng Diyos, pinili pa rin niyang tumalima sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagtanggap at pagtalima sa kalooban ng Ama, ipinakita ni Maria ang kanyang pananalig at pagmamahal sa Kanya.
Ang mga salitang ito ni Hesus ay tunay ngang nagbibigay ng kagalakan. Tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataong mapabilang sa pamilya ng Panginoon. Subalit, isa lamang ang kailangan nating gawin upang mapabilang sa pamilya ni Kristo. Upang mapabilang sa pamilya ni Kristo, kinakailangan nating tumalima sa kalooban ng Ama. Hindi sapat ang sumampalataya lamang tayo. Kailangan nating sumunod sa kalooban ng Ama. Sapagkat napapatunayan nating tunay ang ating pananampalataya at pananalig sa Diyos kung tayo'y susunod sa Kanyang loobin.
Tulad ng ating Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Bundok del Carmen, buong puso't kaluluwa nating tanggapin at sundin ang kalooban ng Ama. Kung hahayaan nating maghari ang kalooban ng Diyos sa buhay natin, tayo'y mapapabilang sa Kanyang pamilya. Ang mga kabilang sa pamilya ng Panginoon ay nakakaranas ng tunay na kagalakang walang kapantay.
Inaanyayahan tayo ng Panginoon na maging bahagi ng Kanyang pamilya. May tunay na galak sa pagiging bahagi ng pamilya ng Panginoon. Kasama ang Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo na si Inang Maria, makakaranas tayo ng tunay na kagalakan sa piling ng Panginoon. Ang tunay na kagalakan sa piling ng Panginoon at ng Mahal na Ina ay mararanasan lamang ng pagiging kabilang sa pamilya ng Panginoon. Mapapabilang lamang tayo sa pamilya ng Panginoon kung ating tatanggapin at susundin nang buong kababaang-loob ang Kanyang kalooban.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento