Huwebes, Mayo 21, 2026

DAKILAIN SIYA SA BAWAT SANDALI

3 Hunyo 2026 
Miyerkules ng Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Unang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Puso ni Jesus Nazareno 
2 Timoteo 1, 1-3. 6-12/Salmo 122/Marcos 12, 18-27 

Hindi isa lamang ang buhay. Tiyak na ikagugulat ng marami ang katotohanang ito. Ito ay dahil paulit-ulit na ipinapaalala sa atin na minsan lamang nabubuhay ang tao. Oo, minsan lamang tayo mabubuhay sa daigdig. Subalit, hindi ito nangangahulugang ang buhay natin ay isa lamang. Mayroong buhay sa kabila. Kaya naman, kapag ang isang tao ay pumanaw, sinasabi nating "sumakabilang-buhay" na siya. Lingid man ito sa kaalaman ng marami, ating ipinapahiwatig na mayroong buhay kasunod ng buhay sa daigdig kapag ang terminong "sumakabilang-buhay" ay ginagamit natin. 

Ang katotohanang ito ay buong linaw na isinalungguhit ng Poong Jesus Nazareno sa salaysay na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Ipinaliwanag Niya sa mga Saduseo na mayroong muling pagkabuhay sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Sa Kaniyang paliwanag, binanggit ng Poong Jesus Nazareno kung paanong nagpakilala ang Diyos kay Moises noong una Siyang nagpakita sa Kaniyang lingkod na dakila sa Bundok ng Horeb: "Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob" (Ehipto 3, 15; Marcos 12, 26). Hindi sa hukay magtatapos ang lahat. Oo, magtatapos rin ang buhay ng tao sa daigdig at ililibing sa hukay. Subalit, mayroong buhay sa kabila. 

Bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno na naglalakbay sa daigdig na ito nang pansamantala lamang, ano ang dapat nating gawin? Paghandaan natin ang buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit. Gaya ng inihayag sa Salmong Tugunan, ituon natin ang ating pansin sa Kaniya. Isentro natin ang ating buhay sa Kaniya. Lagi natin Siyang ipagmalaki, gaya ni Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa. Isabuhay ang taos-pusong pasiyang ito sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig. Kapag ito ang ipinasiya nating gawin, dinarakila natin Siya nang taos-puso. 

Ilaan natin ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa paghahanda ng ating mga sarili para sa buhay na walang hanggan. Dakilain natin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na puspos ng dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa tanan, na sinasagisag ng Kaniyang Kamahal-Mahalang Puso, sa bawat oras at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. 

Miyerkules, Mayo 20, 2026

ANG BANAL NA SANTATLO AY ANG TUNAY NA DIYOS NA DAPAT DAKILAIN

31 Mayo 2026
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (A) 
Exodo 34, 4b-6. 8-9/Daniel 3/2 Corinto 13, 11-13/Juan 3, 16-18 


Hindi sumasamba sa tatlong magkaibang Diyos ang Simbahan. Isa lamang ang Diyos na taos-pusong sinasampalatayanan at sinasamba ng Simbahan. Sa Kaniya lamang inihahandog at iniuukol ng Simbahan ang taos-pusong pananalig, pananampalataya, papuri, pasasalamat, at pagsamba. Wala nang ibang tunay na bathala o diyos kundi tanging Siya lamang. Ang Simbahan ay laging dumarakila, sumasamba, naglilingkod, umiibig, tumatalima, nananalig, at sumasampalataya sa tunay na Diyos. Palagi itong ginagawa ng Simbahan dahil ito ang nararapat na gawin. 

Ang tunay na Diyos na taos-pusong sinasamba, dinarakila, pinaglilingkuran, iniibig, at sinasampalatayanan ng Simbahan ay mayroong Tatlong Persona. Magkaiba man ang Tatlong Personang ito sa Isa't Isa, ngunit ang Tatlong Personang ito ay iisa lamang sa pagiging Diyos na totoo. Oo, ang tunay na Diyos ay isa lamang. Subalit, ang tunay na Diyos na isa lamang ay mayroong Tatlong Persona. Kaya naman, sa tuwing ginagawa natin ang Tanda ng Krus, lagi nating sinasabi ay "Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo." Hindi natin sinasabi "Sa mga Ngalan..." kundi "Sa Ngalan..." upang ang misteryo ng Tatlong Persona sa Isang Diyos ay isalungguhit nang buong linaw. 

Nakasentro sa dakilang misteryo ng Banal na Santatlo ang mga Pagbasa. Hindi Niya inililihim o ikinukubli ang Kaniyang sarili sa atin. Bagkus, nagpapakilala Siya sa atin sa pamamagitan ng dakilang misteryong ito. Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ng Diyos na tunay nga Siyang maawain at mapagmahal noong bumaba Siya taglay ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan sa Bundok ng Sinai. Ang dakilang misteryo ng maawain at mapagmahal na Diyos ay nahayag sa tanan nang buong linaw sa pamamagitan ng Banal na Santatlo - Ama, Anak, at Espiritu Santo. Ito ang dakilang misteryong buong linaw na binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa mga taga-Corinto na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Tayong lahat ay naligtas mula sa kasalanan at kamatayan dahil niloob ito ng Banal na Santatlo, ang tunay na Diyos, gaya ng nasasaad sa Ebanghelyo. Kumilos ang Banal na Santatlo upang tubusin tayo dahil ang Banal na Santatlo, ang tunay na Diyos, ay maawain at mapagmahal.

Isinalungguhit sa mga salita sa Salmong Tugunan na hango mula sa papuring awitin ni Azarias (na kilala rin sa tawag na Abednego) kung ano ang nararapat na gawin. Ang Diyos ay dapat lamang handugan ng taos-pusong papuri, pagdakila, pasasalamat, at pagsamba. Nararapat lamang nating gawin ito sa bawat oras at sandali bilang tugon sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na Kaniyang ginawa para sa atin. 

Lagi nawa nating handugan ng taos-pusong pagdakila ang tunay na Diyos na tunay ngang maawain at mapagmahal walang iba kundi ang Banal na Santatlo. Ang bawat isa sa atin ay inibig at kinahabagan ng Banal na Santatlo. Kaya naman, bilang tugon at patunay ng ating taos-pusong pag-ibig para sa Banal na Santatlo, dakilain natin sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa ang Banal na Santatlo. 

Martes, Mayo 19, 2026

HINAHANAP NG ATING DINARAKILA

29 Mayo 2026 
Biyernes ng Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
1 Pedro 4, 7-13/Salmo 95/Marcos 11, 11-26 


Tatlong kaganapan ang itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Ang unang kaganapang inilahad sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo ay ang pagsumpa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa isang puno ng igos, bagamat hindi pa panahon ng igos noong mga sandaling yaon. Ang ikalawang kaganapang itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo ay ang paglinis ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Templo. Ang pagkatuklas sa patay na puno ng igos ay ang ikatlo at huling kaganapan sa Ebanghelyo. 

Magkaiba man ang mga kaganapang itinampok at inilahad sa Ebanghelyo, isa lamang ang itinuturo ng mga nasabing kaganapan sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig, dapat nating ialay sa Poong Jesus Nazareno ang nararapat. Taos-pusong pagdakila ang dapat nating ialay sa Kaniya. Lagi nating dakilain Siya sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ang taos-pusong pasiyang ito ay dapat nating isabuhay. 

Nakasentro sa paghandog ng taos-pusong pagdakila sa Panginoong Jesus Nazareno ang pangaral ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa. Ito rin ang pinagtuunan ng pansin ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa, dapat lagi natin Siyang handugan ng taos-pusong pagdakila bilang tugon sa Kaniyang pasiyang ibigin tayo. 

Ano kaya ang makikita ng Poong Jesus Nazareno kapag tiningnan Niya ang ating mga puso at loobin? Makakita nawa Siya ng mga pusong dumarakila sa Kaniyang Banal na Ngalan nang taos-puso. 

Lunes, Mayo 18, 2026

SINO ANG DINARAKILA MO?

28 Mayo 2026 
Kapistahan ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggan at Dakilang Pari (A) 
Genesis 22, 9-18 (o kaya: Hebreo 10, 4-10)/Salmo 39/Mateo 26, 36-42 


Napapanahon ang tanong ng Simbahan para sa atin sa araw na ito. Sino nga ba ang ating dinarakila nang taos-puso? Ang tanong na ito na tunay ngang napapanahon ay kailangan nating isaalang-alang habang pinagninilayan natin ang walang hanggan at dakilang pagkapari ng Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. 

"Handa Akong naririto upang sundin ang loob Mo" (Salmo 39, 8a at 9a). Nakatuon sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan ang mga Pagbasa. Isinasalungguhit nang buong linaw sa mga salitang ito ang pagiging masunurin ng Poong Jesus Nazareno sa kalooban ng Amang nasa langit. Gaya ng nasasaad sa salaysay ng pananalangin at pagdurusa Niya sa Halamanan ng Hetsemani, ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na dakilain ang Ama sa pamamagitan ng pagtupad sa Kaniyang dakilang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Ang Kaniyang pasiyang sundin ang kalooban ng Amang nasa langit ay isinalungguhit nang buong linaw sa pangaral ng nagsulat ng Sulat sa mga Hebreo na inilahad sa alternatibong Unang Pagbasa. Gaya ni Abraham, ang ama ng pananampalataya, sa salaysay na tampok sa Unang Pagbasa, dinakila ng walang hanggan at dakilang pari ang Amang nasa langit sa pamamagitan ng tapat at taos-puso Niyang pagtupad sa Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas. 

Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na wala tayong ibang dapat dakilain kundi ang Walang Hanggan at Dakilang Pari na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Subalit, nakakalungkot, mayroong mga dumarakila sa mga sakim, sa mga walang awang pumapatay ng mga inosente, sa mga sinalungaling o manloloko, sa mga mapang-api, at mga tiwali. Pinapalakpakan ang mga kumikitil ng buhay. Kung tutuusin, sila pa yaong mga nagsisimba sa tuwing sasapit ng araw ng Linggo. Tuwing Linggo lamang nila pinupuri, dinarakila, at sinasamba ang Diyos. Ang mga masikat na personalidad na walang awang kumikitil ng buhay ng mga inosente at nagnanakaw ay araw-araw nilang dinarakila. Magagalit pa nga sila sa mga magsasabi sa kanila na hindi mabuti ang ginagawa ng mga nasabing personalidad. Handa silang magbulag-bulagan at magbingi-bingihan para sa mga tanyag na panauhing ito. Kahit na walang takot na murahin at laitin ng mga panauhing ito ang Diyos, papalakpakan pa rin nila nang buong lakas. Nagbibiro lamang ang mga nasabing tanyag na panauhin, anila. 

Ang dapat nating dakilain nang taos-puso ay walang iba kundi si Jesus Nazareno. Sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa, handugan natin Siya ng taos-pusong pagdakila. Ito ang nararapat gawin. 

Martes, Mayo 12, 2026

LAGI NATIN SIYANG KASAMA SA PAGHAHANDOG NG TAOS-PUSONG PAGDAKILA KAY JESUS NAZARENO

25 Mayo 2026 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Sambayanan 
Genesis 3, 9-15. 20 (o kaya: Mga Gawa 1, 12-14)/Salmo 87 (o kaya: Judith 13)/Juan 19, 25-34 



Ang taunang pagdiriwang ng Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Simbahan, na idinadaos pagsapit ng araw ng Lunes kasunod ng Pentekostes, ay nakasentro sa pagiging biyaya ng Mahal na Birheng Maria para sa Simbahan. Ito ang bukod-tanging dahilan kung bakit pinahahalagahan siya nang lubusan ng Simbahan. Kusang-loob na ipinagkaloob sa atin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang babaeng itinalaga bilang Kaniyang Ina na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria bilang Ina rin natin. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos na mayroon Siyang dakilang plano para sa ikaliligtas ng sangkatauhang nalugmok sa kasalanan dahil sa pagsuway nina Adan at Eba. Ipinasiya ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Kahit na lugmok sila sa kasalanan, lubusan pa rin silang pinahalagahan ng Diyos. Patunay lamang ito ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos na tunay ngang dakila. Ang plano ng Diyos na iligtas ang sangkatauhang nalugmok sa sala ay bunga ng Kaniyang pag-ibig, habag, biyaya, kagandahang-loob, at awa na tunay ngang dakila. Inilahad sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo ang katuparan ng dakilang pangakong inihayag Niya nang buong linaw sa Halamanan ng Eden sa salaysay na tampok sa Unang Pagbasa. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay naghain ng sarili sa Krus na Banal sa bundok na tinatawag na Golgota o Kalbaryo para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. 

Habang nakabayubay sa Krus na Banal noong unang Biyernes Santo, ipinagkaloob ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno sa Simbahang Kaniyang itinatag ang Kaniyang minamahal na Ina na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria upang maging kaniya ring Ina. Ang nasabing sandali na tunay ngang napakahalaga para sa Simbahan ay itinampok at inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo. Sa mga sandaling yaon, si Apostol San Juan ang kumatawan sa tunay at nag-iisang Simbahang tatag mismo ng Poong Jesus Nazareno. Naging bahagi na ng pamilya ng Poong Jesus Nazareno magmula sa sandaling yaon. 

Kaya naman, sa salaysay na itinampok at inilahad sa alternatibong Unang Pagbasa, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay natagpuan kasama ng mga apostol sa isang silid habang ang pagdating ng Espiritu Santo ay kanilang hinintay sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin. Bilang Ina ng Simbahan, hindi siya pabaya. Tinutupad niya lagi ang tungkuling ibinigay sa kaniya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Ina rin ng Kaniyang Simbahan. Lagi niya tayong sasamahan, iingatan, at aakayin tungo sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na kaniyang Anak na minamahal. 

Buong galak nating dakilain at sambahin nang taos-puso ang Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Hindi Niya ipinagkait sa atin ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Dahil dito, ang paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa mundo ay hindi natin dapat kaligtaan at limutin. Sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Poong Jesus Nazareno, kasama natin ang dakilang biyayang ipinagkaloob Niya sa atin na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria, ang Kaniyang Ina at Ina rin natin. 

Lunes, Mayo 11, 2026

DAKILAIN ANG NAGPAPABANAL SA ATIN

24 Mayo 2026 
Linggo ng Pentekostes (A) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 104/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13/Juan 20, 19-23 

Ang pagdiriwang ng Pentekostes ay nakasentro sa pasiya ng Diyos na pabanalin ang bawat isa sa atin na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang Kaniyang itinatag sa pamamagitan ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak. Ito ang natatanging dahilan kung bakit ang Espiritu Santo ay pumanaog sa mga apostol noong ang araw ng Pentekostes ay sumapit. Noong pumanaog Siya sa mga apostol, binago Niya sila. Pinabanal ng Espiritu Santo ang mga apostol upang magampanan nila ang misyong ibinigay sa kanila ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Hiniling at isinamo ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Espiritu Mo'y suguin, Poon, tana'y 'Yong baguhin" (Salmo 103, 30). Ginawa Niya ito sa mga alagad noong araw ng Pentekostes, gaya ng nasasaad sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa. Ang mga apostol ay nagbago magmula noong pumanaog ang Espiritu Santo sa kanila. Hindi na sila puspos ng takot at sindak. Bagkus, puspos sila ng tunay na galak, tuwa, giting, at kabanalan. Dahil dito, sinimulan nilang ipalaganap ang mga biyayang natanggap nila mula sa Espiritu Santo habang sumasaksi sila sa Poong Jesus Nazareno. Ang lahat ay inaanyayahan nilang maging bahagi ng Katawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, gaya ng isinalungguhit sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa nang buong linaw, sa pamamagitan ng kanilang pagtupad sa misyong ibinigay sa kanila ni Jesus Nazareno.  

Ipinaliwanag ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol kung ano ang kanilang misyon bilang Kaniyang mga saksi na isusugo Niya sa bawat bahagi ng daigdig nang nagpakita Siya sa kanila taglay ang Kaniyang kadakilaan bilang Diyos na totoo sa silid na kanilang pinagtitipunan sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Hindi nila sasarilin ang mga biyayang ipinagkaloob Niya sa kanila. Bagkus, ibabahagi nila ito sa bawat panig at sulok ng daigdig sa pamamagitan ng pagsaksi sa Kaniya. Subalit, bago nila tuparin ang misyong bigay ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa kanila, kinailangan nilang buksan ang kanilang mga puso at loobin sa Diyos nang sa gayon ay mapabanal Niya ang mga ito. 

Gaya ng mga apostol noong araw ng Pentekostes, buksan natin ang ating mga puso at loobin sa Diyos na nagpapabanal sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Dapat nating pahintulutan ang Diyos na buksan ang ating mga puso at isipan upang tayong lahat ay gawin Niyang banal. Sa pamamagitan ng pagbigay sa Kaniya ng ating taos-pusong pahintulot na pabanalin tayo, dinarakila natin Siya nang taos-puso.

Linggo, Mayo 10, 2026

ANG MGA TUMATANGGAP SA BAGONG BUHAY NA KANIYANG DULOT AY DUMARAKILA SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

23 Mayo 2026 
Linggo ng Pentekostes [Pagmimisa sa Sabado ng Hapon] 
Genesis 11, 1-9 (o kaya: Exodo 19, 3-8a. 16-20b; o kaya: Ezekiel 37, 1-14; o kaya: Joel 3, 1-5)/Salmo 103/Roma 8, 22-27/Juan 7, 37-39 

Nakasentro sa biyaya ng pagbabagong ipinagkakaloob ng Diyos sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng Ikatlong Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Espiritu Santo ang mga Pagbasa para sa Bisperas ng Pentekostes. Ang bawat isa sa atin ay inaanyayahan ng Simbahan na imulat ang ating mga sarili sa kagandahan ng biyayang ito na kusang-loob na idinudulot sa atin ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit pumanaog ang Espiritu Santo sa silid na pinagtitipunan ng mga apostol noong ang dakilang araw ng Pentekostes ay sumapit. Binago sila ng Espiritu Santo. 

Sa Unang Pagbasa, ginulo ng Panginoong Diyos ang wika ng mga tao. Dahil dito, ang toreng abot sa langit sa pook na kilala sa tawag na Babel ay hindi nakumpleto. Hindi maituloy ng mga tao sa pook na kilala sa tawag na Babel ang pagsasakatuparan ng planong ito dahil sa panggugulong ginawa ng Panginoong Diyos. Isinagawa Niya ito upang ihinto ang kanilang pagmamataas at pagmamayabang. Binalak nilang maging kapantay ng Diyos. Sa alternatibong Unang Pagbasa, ang Diyos ay bumaba mula sa langit at pumanaog sa tuktok ng Bundok ng Sinai upang ibahagi ang Kaniyang mga utos sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises na Kaniyang pinaakyat sa nasabing bundok. Inilarawan ng Diyos ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan kay Propeta Ezekiel sa alternatibong Unang Pagbasa. Ang mga tuyong kalansay ay magkakaroon ng buhay dahil sa Kaniya. Sa isa pang alternatibong Unang Pagbasa, ipinangako ng Diyos na ibubuhos Niya ang Kaniyang Espiritu sa lahat ng mga tao. Darating Siya sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang baguhin ang sangkatauhan. 

Ang pagtulong ng Espiritu Santo sa lahat ng mga taos-pusong tatanggap sa dakilang biyaya ng tunay na pagbabagong Kaniyang dulot ay pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Hindi pababayaan ng Espiritu Santo ang mga taos-pusong tatanggap sa dakilang biyayang ito na kusang-loob Niyang idinudulot. Lagi Niya silang sasamahan at tutulungan. 

Buong linaw na ipinaliwanag ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral sa mga tao sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo kung ano ang mangyayari sa pagdating ng Espiritu Santo. Mananahan Siya sa puso at loobin ng sinumang tatanggap sa Kaniya nang taos-puso. Dadalisayin ng Diyos ang kanilang mga puso at loobin. Gagawin Niya silang mga salamin at daluyan ng Kaniyang dakilang pag-ibig, habag, at awa, gaya ng inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. 

Ihandog natin sa Diyos ang nararapat. Buksan natin ang ating mga puso at isipan sa biyaya ng tunay na pagbabagong Kaniyang dulot sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kung gagawin natin ito, hinahandugan natin Siya ng taos-pusong pagdakila - ito ang nararapat na ihandog sa Kaniya sa bawat sandali ng ating buhay.