Huwebes, Hunyo 4, 2026

KATANGIAN NG MGA DUMARAKILA SA DIYOS NANG TAOS-PUSO

18 Hunyo 2026 
Huwebes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikaapat na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista
Sirak 48, 1-15 (gr. 1-14)/Salmo 96/Mateo 6, 7-15 



Inilalarawan sa mga Pagbasa ang katangian ng mga dumarakila sa Diyos nang taos-puso. Ang mga naghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos ay may kababaang-loob. Dinarakila nila ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang kababaang-loob. Para sa kanila, wala sila kung wala ang Diyos sa kanilang buhay. Hindi nila nakakalimutan ang mga ginawa ng Diyos para sa kanila. Kaya naman, nalulugod sa kanila ang Diyos. 

Nakasentro sa pagdakila ng Diyos kay Propeta Elias ang Unang Pagbasa. Lagi Siyang dinakila ng Kaniyang tapat na lingkod na si Propeta Elias. Ginawa ito ni Propeta Elias sa pamamagitan ng pagtupad sa misyong ibinigay sa kaniya ng Diyos. Hindi niya ito ginawa upang ang kaniyang sarili ay iangat at dakilain. Bagkus, lagi niya itong ginawa upang ang Diyos ay dakilain. Dahil dito, si Propeta Elias ay dinakila rin ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagpapadala ng isang karwaheng apoy na hinihila ng mga kabayong apoy upang iakyat siya sa langit. Ito ang dahilan kung bakit nagagalak nang lubos si Propeta Elias at ang iba pang mga tapat na lingkod ng Diyos, gaya ng sabi ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Sa Ebanghelyo, ang panalanging ating nakilala sa tawag na "Ama namin" ay itinuro ng Poong Jesus Nazareno. Ang kababaang-loob ay binigyang-diin sa bawat linya ng panalanging ito. 

Ang mga may kababaang-loob ay dumarakila sa Diyos nang taos-puso. Palagi nilang ipinagmamalaki ang Diyos na hindi nagpapabaya. Ipinapahayag nilang lubusan silang nananalig at nagtitiwala sa Kaniya. Dahil dito, namumuhay sila para sa Kaniya. Tapat sila sa Diyos na kanilang dinarakila. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento