Martes, Hunyo 16, 2026

KABUTIHANG NAGPAPATUNAY NG KANIYANG KAHANGA-HANGANG KADAKILAAN

23 Hunyo 2026 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Jeremias 1, 4-10/Salmo 70/1 Pedro 1, 8-12/Lucas 1, 5-17 


"Ang Diyos ay mapagpala." Ito ang ibig sabihin ng pangalang "Juan." Sa kahulugan ng nasabing pangalan nakasentro ang taimtim na pagninilay ng Simbahan. Nahayag sa pamamagitan ng tagapaghanda ng daraanan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, na walang iba kundi si San Juan Bautista ang katotohanang ito. Buong linaw na pinatunayan ng Diyos sa pamamagitan ni San Juan Bautista, ang tagapagpauna ni Kristo, ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. 

Sa Unang Pagbasa, si Propeta Jeremias ay nagpatotoo tungkol sa pasiya ng Diyos na ipakita sa kaniya ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. Hinirang at itinalaga ng Diyos si Propeta Jeremias upang ibahagi ang Kaniyang mensahe sa Kaniyang bayang hinirang na walang iba kundi ang Israel. Nakasentro sa pagligtas ng Diyos sa tanan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno ang pangaral ni Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng Simbahan, na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Ang kabutihan ng Diyos na naghahayag ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaang hindi magmamaliw magpakailanman ay ang aral at mensaheng pinagninilayan nang buong linaw sa salaysay ng kaganapang itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Ipinahayag ng Arkanghel na si San Gabriel kay Zacarias ang magandang balita tungkol sa pagsilang ng tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi si San Juan Bautista. Dahil sa kabutihan ng Diyos na nagpapatunay ng Kaniyang kadakilaang tunay ngang kahanga-hanga, ipinagkaloob Niya kina Zacarias at Elisabet si San Juan Bautista, ang tagapagpauna ng Mesiyas, bilang kanilang anak. 

Nakatuon rin sa kabutihan ng Diyos na nagpapatunay ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan ang mga salita sa Salmong Tugunan. Ito ang dahilan kung bakit ang mga abang lingkod ng Diyos ay hindi natatakot kailanman. Kusang-loob na ipinamalas ng Diyos sa kanila ang Kaniyang kabutihan. Bilang tugon, ipinasiya nilang ipalaganap at ibahagi sa kapwa ang kanilang natanggap mula sa Diyos. Handa silang mag-alay ng sarili nilang buhay para sa higit na ikadarakila ng Diyos na puspos ng pag-ibig, awa, habag, at kabutihan. 

Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang Kaniyang kabutihang hindi magmamaliw kailanman na nagpapatunay ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan ay kailangan nating ipalaganap at ibahagi sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. Sa pamamagitan nito, hinahandugan natin Siya ng taos-pusong pagdakila. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento