Huwebes, Hunyo 18, 2026

TAOS-PUSONG PAGDAKILA ANG HANDOG NG TAGAPAGHANDA NG DARAANAN NG PANGINOON

24 Hunyo 2026 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80 


"Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon" (Mateo 3, 3). Matatagpuan sa isa sa mga propesiya tungkol sa pagdating ng Panginoong Diyos bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa aklat ni Propeta Isaias ang mga salitang ito na ang tanging layunin ay dulutan ng aliw at pag-asa ang bayang Israel (Isaias 40, 3). Darating ang Panginoong nagpasiyang magdulot ng tunay na kaligtasan at pag-asa sa bayang Kaniyang hirang bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Subalit, bago dumating ang Panginoon upang tuparin ang pangakong ito, isusugo Niya ang hinirang at itinalaga Niya bilang tagapaghanda ng Kaniyang daraanan. Ang mga salitang ito tungkol sa tinig ng isang sumisigaw sa ilang ay tumutukoy kay San Juan Bautista. Paulit-ulit na binigkas ni San Juan Bautista ang mga nasabing salita sa kaniyang mga pangaral upang ipakilala ang kaniyang sarili sa mga tumungo sa kaniya sa Ilog Jordan upang magpabinyag. 

Nakasentro sa mga salitang ito tungkol sa misyon ng tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ang maringal na selebrasyon o pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista sa Simbahan ng Quiapo. Tiyak na nakakalimutan ng marami na ang titular na patron ng makasaysayang Simbahan ng Quiapo ay si San Juan Bautista na hinirang at itinalaga bilang tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. Marahil, ito ay dahil ang unang pumapasok sa isipan ng karamihan ay ang Poong Jesus Nazareno na pasan-pasan ang Krus na Banal kapag Quiapo ang pinag-uusapan. Mahalaga rin ang maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan na buong ringal na ipinagdiriwang ng Inang Simbahan taun-taon tuwing sasapit ang ika-24 ng buwan ng Hunyo para sa Simbahan ng Quiapo sapagkat ang titular ng Simbahan ng Quiapo ay walang iba kundi si San Juan Bautista. 

Ang tema ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista sa Simbahan ng Quiapo para sa kasalukuyang taon at ang tema ng pagdiriwang ng Pambansang Kapistahan ni Jesus Nazareno noong nakaraang ika-9 ng Enero. Noong ipinagdiriwang nang buong ringal ang Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, hindi lamang sa Simbahan ng Quiapo kundi sa buong Pilipinas, limang buwan na ang nakakaraan, ang temang pinagnilayan ay hango mula sa mga salitang binigkas ni San Juan Bautista bilang tugon sa balita tungkol sa pagdami ng mga taong sumusunod sa kaniyang kamag-anak na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno: "Dapat Siyang tumaas at ako nama'y bumaba" (Juan 3, 30). Palagi itong ginawa ni San Juan Bautista bilang tagapaghanda ng daraanan bilang tagapaghanda ng daraanan ng Mesiyas at Manunubos na ipinangako na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. Ang lahat ng mga tao ay kaniyang tinulungan sa paglilinis at pagdalisay ng puso at loobin upang maging marapat silang maghandog ng taos-pusong pagdakila kay Kristo. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos na ipamamalas Niya ang kahanga-hanga Niyang kadakilaan sa pamamagitan ng bayang hinirang at itinalaga Niya upang maging Kaniya na walang iba kundi ang Israel. Nakasentro sa palagiang paglingap ng Diyos sa Kaniyang mga lingkod ang mga salita sa Salmong Tugunan. Laging inaaruga, kinukupkop, pinapatnubayan, ginagabayan at ipinagsasanggalang ang Kaniyang mga lingkod sapagkat pinili nilang dakilain Siya sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. Katunayan, ang Diyos pa nga mismo ang Siyang lumikha sa kanila. Hindi nila binabaon sa limot ang katotohanang ito. Dahil dito, hindi sila tumitigil o humihinto sa pag-aalay ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Ang pinakadakilang gawa ng Diyos ay ang sentro ng pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Iniligtas Niya ang tanan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak. Sa Ebanghelyo, inilahad ang salaysay ng pagsilang ni San Juan Bautista na hinirang at itinalaga upang maging tagapaghanda ng daraanan ng Poong Jesus Nazareno.

Tinuturuan tayo ni San Juan Bautista kung paano maging tunay na deboto. Hindi niya binalak agawin at angkinin ang lahat ng parangal, papuri, at pagdakilang sa Mahal na Poong Jesus Nazareno lamang dapat ilaan. Bagkus, lagi niyang ipinasiyang dakilain at sambahin ang minamahal niyang kamag-anak na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Itinuro niya sa lahat kung ano ang dapat gawin. Si Jesus Nazareno ay dapat lagi nilang dakilain sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Laging dapat isabuhay ng lahat ang pasiyang ito.

Bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno, palagi nating dapat handugan Siya ng taos-pusong pagdakila. Anuman ang ating sabihin at gawin, kailangan nating tiyaking mabibigyan natin ng taos-pusong pagdakila ang Ngalan ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng mga ito. Tularan natin ang tinig sa ilang na hinirang at itinalaga ng Diyos upang ihanda ang daraanan ng Poong Jesus Nazareno na walang iba kundi ang kamag-anak Niyang minamahal na si San Juan Bautista na hindi nagsawang dakilain Siya sa pamamagitan ng kaniyang misyon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento